Ikasampung Kabanata
Being a MagíssaIlang araw na rin ang lumipas mula nang alukin ako ng Punong babaylan upang maging Magissa ng kanilang imperyo.
Tagapagligtas. Kung papayag ako, heto na ang magiging susi upang makauwi ako sa amin. Ngunit sa kabilang banda, anu-ano naman ang mga maaari kong pagdaanan bilang isang Magissa? Alam kong may panganib na kaakibat ito kung tatanggapin ko ang responsibilidad na iyon. Maaaring masalalay ang buhay ko rito, kaya't kailangang pag-isipang mabuti.
Nakaupo ako ngayon sa damuhan ng hardin ng palasyo habang dinadama ko ang sariwang hangin na dumadampi sa aking balat at pinagmamasdan ang kakaunti at mapuputing ulap sa asul na kalangitan.
Naramdaman ko bigla na may umupo sa tabi ko kaya't lumingon naman ako.
"Ikaw pala, Alexeus," sambit ko.
"Kamusta, Charlotte?" sambit niya.
Napabuntonghinga ako. "Heto. Pinag-iisipan ko pa ring mabuti kung papayag ba 'kong maging Magissa," sagot ko.
"Naiintindihan kita, Charlotte. Malaking responsibilidad ito pag nagkataong tinanggap mo," sambit niya.
"Iniisip ko rin, paano kung ako na lang talaga ang pag-asa ng inyong imperyo? Paano na kayo?" pag-aalala ko. Napansin kong tila napaisip din si Alexeus.
"Ayaw ko rin namang makitang maghirap ang buong imperyo dahil lamang sa kaduwagan kong maging isang Magissa," sambit ko.
Sandaling namayani ang katahimikan sa aming dalawa ni Alexeus tapos ay nagsalita siya.
"Basta. Kahit ano pa ang maging desisyon mo, susuportahan kita, Charlotte. Pumayag ka man o hindi, mananatili ako sa panig mo at sasamahan pa rin kitang humanap ng iba pang paraan upang makauwi ka sa inyong mundo," sambit ni Alexeus sabay ngiti. Pakiramdam ko napukaw ang puso ko sa sinabing 'yon ni Alexeus.
Pagdating ng gabi ay kasama kong naghahapunan ang pamilya ni Alexeus. At hanggang ngayon, nahihiya pa rin ako sa kanila dahil sa kasinungalingan ko.
"Charlotte." Nabigla ako sa pagtawag na 'yon sa'kin ng Emperador kaya't agad akong tumingin sa kanya.
"A-ano po 'yon, Kamahalan?" kinakabahan kong sambit.
"Napag-isipan mo na ba ang naging alok sa'yo ng Punong babaylan?" tanong niya.
Napalunok muna ako. "Ah, pasensya na. Pero h-hindi pa po, eh," sagot ko.
"Ganoon ba," tanging sagot nito tapos ay itinuon nang muli ang Emperador ang kanyang atensyon sa pagkain. Ramdam ko sa tinig niya ang pagkadismaya. Napayuko tuloy ako at sandaling natigilan. Ano na bang dapat kong gawin?
Natauhan ako nang maramdaman kong tinapik ni Alexeus ang balikat ko kaya't napatingin ako sa kanya. Tumango siya sabay ngumiti na para bang pinaparating niyang 'ayos lang 'yan'. Kahit papaano'y naibsan ang nararamdaman kong pagkabalisa at alinlangan.
Lumipas pa ang dalawang araw ay sa wakas, nakapagdesisyon na rin ako. Kaya naman agad akong nakipagkita sa Punong babaylan.
Nang malaman ito ng babaylan ay pinagtipon niya kaming lahat sa lugar na sambahan nila kay Panginoong Mulciber.
Nandito ako ngayon sa harap ng altar ng diyos na dragon ng Stavron na si Mulciber. Kasama ko ang Emperador, Emperatris, si Alexeus, at siyempre, ang Punong babaylan.
"Bago ang lahat, Charlotte. Heto nga pala si Mulciber, ang diyos na dragon ng apoy. Siya ang diyos ng Stavron. Bawat imperyo ay may kanya kanyang diyos na dragon. Sila ang nagpapala at pumoprotekta sa isang imperyo," panimula niya.
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...