Ikasiyam na Kabanata
The Imperial ShamanNagulat ang lahat sa ginawa kong pag-amin. Hindi sila makapaniwala, lalo na ang pamilya ni Alexeus. Hindi tuloy ako makatingin sa kanila ng deretso dahil sa labis na hiyang nararamdaman ko sa kanila. Nais ko nang maiyak.
"Hah! Umamin na siya, Kamahalan. Mabigat ang kaparusahan para sa mga nagsisinungaling sa Mahal na Emperador. Kamatayan ang nararapat para sa kanya," sambit ni Adara.
"K-kamatayan?" Nanlumo ako sa narinig ko na tila ba gumuho na ang aking mundo. Paparusahan ako ng kamatayan? Eto na ba ang katapusan ko? 'Di na ba 'ko makakauwi sa'min? 'Yon lang naman ang gusto kong mangyari. Ang makauwi sa'min, sa mundo ko, sa pamilya ko. Napagkuyom ko ang mga palad ko dahil sa labis na inis.
"Hindi ako papayag." Nabigla ang lahat sa sinabi ni Alexeus.
"Alexeus!" sigaw ni Adara.
"Hindi niyo siya maaaring parusahan sapagkat ako ang nagsabi sa kanyang magpanggap siya bilang isang prinsesa at dumalo sa pagtitipon," mariin na pahayag ni Alexeus. Tila hindi makapaniwala ang lahat sa sinabi ni Alexeus.
"Anong ibig mong sabihin, anak? Na matagal mo nang alam ang tungkol dito?" seryosong tanong ng Emperador na halata rin ang pagkagulat nito.
"Oo, Ama," sagot niya.
"Tingnan ninyo, Kamahalan. Tuluyan nang nalinlang ng babaeng ito si Prinsipe Alexeus. Baka gumagamit ang babaeng iyan ng itim na mahika. Mapanganib ito!" panghihikayat niya sa Emperador. Buwiset talaga 'tong Adara na 'to ah. Ano bang tingin niya sa'kin? Mangkukulam?
"Ikaw. Bakit mo ba 'ko sinisiraan, ha? At paano mo ba nalaman na hindi talaga ako isang prinsesa?" matapang kong sambit sa kanya. Nadala na 'ko ng damdamin ko. Hindi ko na matiis eh.
Tiningnan niya muna ako ng masama. Na para bang gusto na niya 'kong mabura sa mundo. Ngunit hindi ako nagpapatalo. Tinitingan ko rin siya ng gano'n.
"Bilang matagal na panahon ng magkaanib ang aming mga imperyo, nagpapakita lamang ako ng malasakit sa Stavron. Kaya naman nang napili ka ni Prinsipe Alexeus upang kanyang maging asawa, nagsaliksik ako tungkol sa'yo. At doon ko nalamang hindi ka talaga isang prinsesa. Dahil wala kang kahit anong tala ng pagkatao. Maging ang iyong bansa at imperyong pinagmulan. Kaya sino ka ba? Saan ka nagmula at anong balak mo?" nanggagalaiti niyang sambit sa'kin.
Napalunok na lang ako. Sasabihin ko na ba? Eto na ba ang tamang pagkakataon? Mukhang galit na sa'kin ang Emperador para maniwala pa sa'kin. Ano nang gagawin ko ngayon? Gulong-gulo na ang isip ko dahil sa sitwasyong kinalalagyan ko ngayon.
"Sapagkat hindi taga-rito sa ating mundo si Charlotte. Taga-ibang mundo siya. At dinala ko siya dito upang aking tulungang makabalik sa kanyang pinanggalingan," katwiran ni Alexeus.
Nagtaka ang lahat sa sinabing 'yon ni Alexeus. "Taga-ibang mundo?" pagtataka ng Emperador.
Nabigla rin ako nang sabihin niya 'yon kaya't napatingin ako sa kanya.
"Alexeus, anong ginagawa mo? Hindi sila maniniwala sa'yo," sambit ko kay Alexeus na siya lamang ang nakakarinig.
"Isang malaking kalokohan. Kamahalan, sa tingin ko'y tuluyan na ngang nabilog ng babaeng iyan ang ulo ng inyong anak," singit ni Adara.
"Tumahimik ka, Adara!" sigaw sa kanya ni Alexeus, at nanlilisik ang mga mata nito sa kanya.
"Tingnan ninyo, Kamahalan. Mukha nang wala sa katinuan ang inyong anak!" paawa ni Adara sa Emperador.
"Ama, pakiusap. Maniwala ka. Tunay ang aming mga sinasabi," pakiusap ni Alexeus sa kanyang ama.
Natigilan kaming lahat habang nakatingin sa Emperador. Puno na ng tensyon ang paligid dahil sa pagkakabuko sa'kin. Pawang naghihintay kami ng kanyang desisyon. Patuloy lang sa pagkabog ng malakas ang puso ko habang pinagpapawisan ako ng malamig.
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...