Ika-39: Someone from His Past

2.5K 96 13
                                    

Ikatatlompu’t-siyam na Kabanata
Someone From His Past

Hindi ako kaagad nakasagot kay Calisto. Masyado kasi akong nabigla sa kanyang sinabi.

"Huwag kang mag-alala, Charlotte. Sapagkat hindi naman kita minamadali. Nais kong pag-isipan mo itong mabuti," nakangiti niyang tugon sa'kin.

Napatango na lang ako bilang sagot.

Kami ngayon ay kasalukuyang nasa tanggapan ng palasyo kasama ang pamilya ni Alexeus at ang magkapatid na maharlika na nagmula sa Baltsaros.

"Sana'y nasiyahan kayo sa pamamalagi dito sa aming palasyo, Prinsipe Calisto, Prinsesa Adara," sambit ng Emperador.

Paalis na ngayon ang magkapatid at hinihintay na lamang nila ang paparating nilang sundo mula sa kanilang imperyo.

"Maraming salamat sa magiliw at maayos na pagtanggap sa amin dito sa inyong palasyo, Kamahalan," pagbibigay-galang ni Calisto.

"Walang anuman iyon. Karangalan iyon para sa amin. Paki kamusta na lamang kami kina Emperador Basileous at Emperatris Arcanea," sambit naman ng Emperador.

"Narito na po ang sundo na nagmula sa Baltsaros," sambit ng isang kawal na kararating pa lamang.

"O pa'no, maauna na kami. Maraming salamat at hanggang sa muli," magiliw na sambit ni Calisto.

Hahakbang na sana sila papaalis nang biglang huminto si Calisto. "O, bago ko nga pala makalimutan," sambit niya.

Tumingin siya sa'kin tapos ay lumapit siya sabay kuha sa kanan kong kamay na siyang ikinabigla ko. "Maghihintay ako sa iyong tugon, Charlotte," sambit niya.

Lalong nanlaki ang mga mata ko nang halikan niya 'ko sa kamay. Matapos niyang gawin 'yon ay tumingin naman siya kay Alexeus.

"Hanggang sa muli, kaibigan," sambit nito. Walang naging tugon si Alexeus at kapansin-pansin ang seryosong emosyon nito.

"Hanggang sa muli. Mag-iingat kayo," sambit ng Emperador at Emperatris sa papaalis na magkapatid.

Nang tuluyan nang makaalis ang magkapatid ay bumalik na sila sa kanilang mga kanya-kanyang pinagkakaabalahan. Habang ako naman ay dumeretso sa hardin at umupo sa ilalim ng isang matayog at malilong na puno.

Napakaganda ng panahon ngayon. Sariwa ang simoy ng hangin na sinasabayan ng mga halama't bulaklak sa pagsayaw nito, banayad ang sikat ng araw sa bughaw na langit na may kakaunting mga ulap. Napakatahimik, napakapayapa.

Bigla kong naisip, ano kaya 'yong tinutukoy sa propesiya ni Aristea na magdudulot ng matinding sakuna na magiging sanhi ng pagbagsak ng Stavron? Anong klaseng sakuna? Ano o sino ang magdudulot no'n?

Kung ano man 'yon, hindi ko hahayaang masira ang ganitong klaseng kapayapaan dito sa imperyong ito. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko bilang ang kanilang hinirang na Magissa.

Napatingin ako sa aking stefani. Tatlong kosmima na. Tatlong kosmima pa. 

"Charlotte."

Napatingin ako sa tumawag sa akin.

"Ikaw pala, Airlia."

"Paumanhin. Ngunit, naabala ba kita?" usisa niya.

Umiling ako. "Syempre, hindi. Bakit? May kailangan ka ba?" nakangiti kong wika.

Umupo siya sa tabi ko. "Wala naman. Nais lamang kitang makilala pa nang lubusan," sambit niya.

Tumingin siya sa'kin sabay binigyan niya ako ng isang magandang ngiti. Tapos ay binaling niyang muli ang kanyang tingin sa kanyang kandungan.

Magíssa: Elemental SorceressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon