Ikadalawampu’t-dalawang Kabanata
The Leaders’ FeudAviar
Habang abala ang aking mga kasamahan sa pakikipagtuos sa aming mga kalaban, sa kabilang banda ay narito ako ngayon sa isang malawak na kapatagan na nababalutan ng mga luntiang damo ang lupain na nasa gitna ng kagubatan. Tahimik at tanging bulong lamang ng hangin ang iyong maririnig.
Walang kahit sino man ang nasa lugar na ito, kung hindi ako at ang mortal kong kaaway.
"Lykoias," bigkas ko sa pangalan niya nang may pagkamuhi. Ningitian niya lamang ako nang nakakaasar.
"Aviar! Kamusta, aking kaibigan?" tanong niya nang may halong panunuya. Tinitigan ko lamang siya ng masama na para bang pinapatay ko na siya sa aking isipan.
Labis na pagkamuhi lamang ang aking nararamdaman sa tuwing makikita ko ang pinunong iyan ng Lykos. Hinding-hindi ko malilimutan ang kasalanang ginawa niya sa akin noon.
Binunot ko ang malaki at matalim kong espada sa aking tagiliran. Labis ang aking pagnanasa na mapaslang ko ang nilalang na iyan gamit ang aking espada na ito.
Ngumiti na naman siya ng nakakaasar sabay bunot din niya ng kanyang espada.
"Hindi mo pa rin ba nalilimutan ang nangyaring iyon dalawampu't limang taon na ang nakararaan?" tanong niya.
Pinaikot ko ang aking espada sa aking kamay. "Hinding-hindi ko iyon kailanman malilimutan, Lykoias," sagot ko.
Tumawa siya ng may panunuya. "Puwes, ako rin. Hinding-hindi ko rin malilimutan ang ginawa mong iyon sa akin!" pagalit niyang sigaw sabay takbo niya papalapit sa'kin upang atakihin ako ng kanyang espada.
Mabilis siyang kumilos ngunit nasasabayan ko ito. Sa labis na tindi ng aming sagupaan ay maririnig mo ang mabibigat na kalansing ng aming mga nagbabanggaang espada.
"Hinding-hindi ko malilimutan ang kasalanang ginawa mo sa'kin noon, Aviar. Kaya't wala akong pinagsisisihan sa ginawa kong pagganti noon sa'yo!" sambit niya na puno ng galit at poot na makikita sa kanyang mga mata habang nakikipagbuno ng espada sa akin.
"At ilang beses kong sasabihin sa'yo na wala akong kinalaman sa sinasabi mo," seyoso kong sambit sabay tulak sa kanya papalayo.
"Baka nakakalimutan mong may nakakita sa'yo sa karumaldumal na bagay na iyong ginawa?" maangas niyang tanong sabay hambalos sa'kin ng kanyang espada na nasangga ko naman.
Hindi na ako umimik pa. Alam kong sarado ang isipan ng nilalang na ito at malakas din ang ebidensiya laban sa'kin mula sa bagay na hindi naman talaga ako ang gumawa.
Patuloy lang kami sa pagtutuos hanggang sa nakakita ako ng tiyempo na maisahan siya. Bukas ang guwardiya niya kaya't mabilis kong sinipa ang kanyang mga binti. Halatang nabigla siya kaya't agad siyang natumba. Tatayo na sana siya nang tadyakan ko ang kanyang sikmura. Halos masuka siya sa sakit at hindi na siya nakatayo pa.
Itinutok ko ang aking espada sa kanyang leeg na para bang handa ko itong ilaslas sa kanya.
"Hanggang dito na lamang, Lykoias," seryoso kong sambit.
Nagtaka ako nang makitang bigla siyang ngumiti. Napansin kong may pinagulong siyang itim na bola malapit sa akin. Alam ko kung ano iyon kaya't nanlaki ang mga mata ko.
Sa bilis ng pangayayari ay wala na akong nagawa pa. Sumabog ang itim na bola na naglabas ng makapal na usok na masakit sa mata at ilong. Naikubli ko tuloy ang aking mukha gamit ang aking mga braso.
Nang aking mapagtanto na wala na ang usok na iyon ay inilibot ko ang aking paningin sa paligid.
Nakatakas na naman ang tusong Lykoias na iyon.
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...