Ikapitompu’t-siyam na Kabanata
The Last HopeHalos natulala ako sa taong nasa harap ko ngayon. Lumapit siya sa akin at umupo sa gilid ng kama ko.
“Daedalus?” sambit ko.
“Ikaw si Alexeus mula sa hinaharap sampung taon na mula ngayon, ‘di ba?” usisa ko pa.
Tumango siya. Nakatitig ako sa kanyang mukha. Wala naman gaanong nagbago sa mukha ni Alexeus kahit sampung taon na ang lumipas. Maliban na lang sa kanyang mga mata na kulay itim na dati’y kulay bughaw. At ang peklat na nasa kanyang pisngi na pahaba ang hugis na tila hiniwa ng matalas na bagay.
“Masaya ako’t nagtagumpay ako sa muling pagbuhay ko sa’yo, Charlotte,” sambit niya.
Napakunot ang aking noo. “Ikaw ang bumuhay sa’kin? Bakit? Paano?” tanong ko.
“Nahulaan ni Skotadi ang pagkumpleto mo sa mga kosmima. Kaya naman binalaan niya si Orien at gumawa siya ng paraan upang hindi na tayo makabalik sa Aglaea ng buhay.Sa tulong ng salamangka ni Despoina, nagtulungan sila ni Orien na masundan ka sa inyong mundo upang paslangin tayo at makuha ang mga kosmima,” paliwanag niya.
“Paanong buhay ka pa?” tanong ko.
“Kinuha ni Skotadi ang aking bangkay at muli akong binuhay. Ang sabi niya sa akin ay kailangan niya raw ako dahil higit na malakas ako kaysa sa mag-amang maharlika ng Baltsaros. Tinatak niya sa isip ko na ako ang may kasalanan kaya namatay ka kaya’t bumagsak ang Stavron at buong Aglaea. Labis kong sinisi ang aking sarili. Kaya’t napagdesisyunan kong tanggapin ang alok ni Skotadi na kanyang maging anak at maging Emperador ng tinayo niyang imperyo na Skotia. Sinuot ko ang itim na baluti at bakal na maskara at pinalitan ang aking ngalan bilang Daedalus,” paliwanag niya.
“Alam ba nila Orien at Despoina na ikaw at si Alexeus ay iisa?” tanong ko.
Umiling siya. “Hindi. Walang kahit sinong nakakaalam ng aking tunay na pagkatao,” sagot niya.
“Tinanggap ko ang labis na kapangyarihan na binigay niya sa akin. At naisip kong gagamitin ko ito upang baguhin ang nakaraan. Kinuha ko ang bangkay mo ng palihim at binuhay kitang muli upang magkaroon ng pag-asang mailigtas pa ang Aglaea.”
Hinawakan niya ang mga kamay ko at tumitig siya sa mga mata ko. “At nais kitang mahawakan, at makitang buhay kahit sa huling sandali,” sambit niya.
Kumunot ang noo ko. “Huling sandali?” tanong ko.
Napansin kong unti-unting naglalaho ang kanyang katawan. “Anong nangyayari?” tanong ko.
“Ginamit ko ang lahat ng kapangyarihang taglay ko upang magtagumpay sa pagbuhay sa’yo. Wala nang natitira sa’kin kahit na patak lang ng kapangyarihan ko. Isa pa, patay na naman talaga dapat ako,” sambit niya.
Naramdaman kong umiinit ang aking mga mata. “P-pero, Daeda- Alexeus…” sambit ko.
Inilagay niya ang isa niyang palad sa aking pisngi. “Handa akong harapin ang kamatayan kahit paulit-ulit para lang sa’yo, Charlotte,” sambit niya.
“Wala man sa’yo ang mga kosmima, maaari mong tawagin ang Flago at iyong gamitin upang ipagtanggol ang iyong sarili. Isipin mo na lang na kasama mo lang ako palagi,” dagdag pa niya.
Kumawala na ang mga luha sa aking mga mata na kanina pa namumuo. “Tanggap ko ang aking kapalaran bilang iyong magiting na kabalyero, at bilang isang lalaking tunay na umiibig sa’yo. At lagi mong tatandaan, mahal na mahal kita, Charlotte.”
Tila piniga ang aking puso sa kanyang sinabi. At pagkasabi niya no’n ay tuluyan nang naglaho si Alexeus. Walang tigil ang pag-agos ng mga luha sa aking mga mata. Naninikip na rin ang aking dibdib, nahihirapan na akong huminga at tila may nakadagan na kung anong mabigat sa aking puso.
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...