Ika-24: The Real Reason

3.2K 128 29
                                    

Ikadalawampu’t-apat na Kabanata
The Real Reason

Bakit ganito ang nararamdaman ko? Malamig. Mabigat ang aking mga kamay. Ano bang nangyari? Ang huli kong naaalala...

Alexeus. Tama, bago ako mawalan ng malay, nakita ko pang tumatakbo si Alexeus papalapit sa'kin.

Idinilat ko na ang mga mata ko. At nanlaki ang mga ito sa gulat dahil sa aking nakikita ngayon. Nakagapos ang mga kamay ko gamit ang mga bakal na kadenang ito na may kabigatan.

At nakakulong ako ngayon sa likod ng mga rehas. Anong ibig sabihin nito?

"Aba, gising na pala ang bihag nating mortal," nanunuyang sambit ng isang...sandali. Taong lobo?!

--

Alexeus

Narito ako ngayon sa Pouli matapos ang isang sagupaan sa pagitan ng mga Lykosian. Hindi matigil ang aking pag-aalala kay Charlotte matapos siyang dakpin ng mga ito. Hindi mapakali ang isipan ko.

Tumatakbo ako papalapit sa kanya at mukhang hinang-hina na siya. Dahil siguro ito sa kanyang paggamit ng kosmima.

Dahil may kalayuan siya sa akin, naunahan na ako ng mga Lykosian sa pagkuha sa kanya matapos niyang mawalan ng ulirat.

Dahil na rin sa kanilang taglay na bilis at liksi ay hindi ko na sila nagawang maabutan pa. Tuluyan na nilang tinangay nila si Charlotte.

"Charlotte! Ibalik ninyo siya rito!!" Umaalingaw-ngaw ang aking pagsigaw habang pilit na hinahabol ang mga Lykosiang dumukot sa kanya.

Kahit nawawala na sila sa paningin ko ay 'di pa rin ako tumitigil sa paghabol, kahit pagod na ako. Nanlalambot na rin ang aking mga binti kaya parang pinipilit ko na lamang tumakbo sa bilis na kaya ko. Ngunit ito'y hindi naging sapat.

Bigla namang sumulpot sa aking harapan si Kuro. Bumaba siya mula sa itaas kaya't napahinto ako.

"Alexeus. Tama na. Umurong na tayo," pakiusap niya. Binigyan ko siya ng isang matalim na tingin.

"Umurong? Hindi mo ba nakita? Tinangay nila si Charlotte! Kailangan ko silang sundan para mabawi ko siya," mariin kong katwiran.

"Alam ko. Ngunit marami na tayong mga kasamahang sugatan. Isa pa, para makapagplano pa tayo kung paano natin mababawi si Charlotte sa mas mabisang paraan. Hindi biro ang pagpasok sa kanilang tribo," sambit niya.

Hindi ko magawang umimik. Dahil may punto siya. Marahas ko siyang tinalikuran at naglakad papalayo.

"Alexeus." Tinatawag ako ng Kuro na iyon ngunit hindi ako natitinag sa aking puwesto. Ayaw ko siyang harapin. Naiinis ako sa kanya sa dahil sa hindi ko malamang dahilan.

"Dinalhan kita ng maiiinom. Baka kasi nauuhaw ka na," sambit niya.

"Hindi ko iyan kailangan," sagot ko.

Bumuntonghininga ako, "Kausapin mo na lang ako kung may plano ka na kung paano maililigtas si Charlotte." O kaya naman, maaaring ako na lamang mag-isa ang gumawa.

"Kung binabalak mong pumuslit mamaya, 'wag mo nang ituloy. Mapapahamak ka lang," babala niya.

"Wala kang karapatang diktahan ako, Poulian," inis kong sambit.

"Alexeus, pareho lang naman nating gustong iligtas si Charlotte," katwiran niya.

Humarap ako sa kanya, "Siguro nga. Ngunit, nais kong ako lang ang magliligtas sa kanya.  Katalavaínoun?"  malamig 'kong tugon.

Magíssa: Elemental SorceressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon