Ikaanimnapu’t-dalawang Kabanata
The Face-offNadatnan kong wala si Alexeus sa kama niya. Pinaghalong kaba at pagtataka ang naramdaman ko.
Nasaan kaya siya?
"Alexeus?" tawag ko sa pangalan niya. Nakailang tawag na ako ngunit walang sumasagot.
Napansin ko naman ang bintana niyang bukas na bukas. Nakapagtataka lang dahil masyado nang malalim ang gabi para iwanan niya itong nakabukas.
Lumapit ako sa bintana at dumungaw. Wala akong kahit sinong nakita sa ibaba at sa paligid.
Naalala ko 'yong napaginipan ko kanina. Hindi kaya may kumuha talaga sa kanya? Pero alam kong manlalaban naman siya kung ganoon ngunit wala namang makikitang kahit anong bakas ng panlalaban dito.
Nasaan si Alexeus? Paano ko siya matatagpuan?
Napatingin ako sa stefani na aking suot. Naalala kong iisa ang pinanggalingan nito at ng Flago. Pareho silang nanggaling sa banal na apoy ni Mulciber.
Tumakbo kaagad ako sa aking silid at kinuha ang katheftris. Baka sakaling gumana itong naisip ko.
"Mahiwagang salamin. Ako ang Magissa at ako'y iyong dinggin. Ipakita mo sa akin si Prinsipe Alexeus, ngayon din."
Mayamaya'y lumiwanag ang salamin. May pinakita itong lugar sa akin. Para itong isang abandonadong lugar na malapit sa lawa.
Lumabas ako ng palasyo."Katheftris, ituro mo sa akin kung saan ang lugar na tinutukoy mo sa akin."
Naglabas ng tuwid na liwanag ang salamin.
"Fotia." Matapos kong magpalit ng anyo ay sinundan ko ang tuwid na liwanag na nagmumula sa mahiwagang salamin.
Tumakbo ako nang tumakbo sa bilis na abot ng aking makakaya. Napatingin akong muli sa aking stefani. Natuon ang atensyon ko sa kosmima ng hangin.
Hindi ko pa nasusubukan ang isang 'to. Ano kayang nagagawa nito?
"Aero," bigkas ko sa pangalan ng kosmima.
Mayamaya' y nagbago ang kulay ng buhok ko at ito'y naging kulay puti. Nakita ko sa katheftris na aking hawak ang repleksyon ko. Naging kulay abo rin ang aking mga mata.
Tapos ay tila bumilis ang aking kilos...na parang hangin. Kaya naman ang oras ay mistulang naging minuto na lang para sa akin.
At sa wakas ay narating ko na rin ang lugar na pinakita ng salamin. Mukhang isang abandonadong lugar sa tabi ng isang lawa.
Mula sa aking puwesto ay may natanaw na kaagad akong isang babae na nakaupo sa isang batuhan. At nagmadali akong lumapit nang makita ko si Alexeus na nakaunan sa kanyang kandungan.
Hindi ko pa gaanong maaninag ang mukha ng babae dahil nakaharang pa ang buhok nito sa kanyang mukha. Hinahaplos niya ang buhok ng walang malay na si Alexeus.
"Ikaw! Sino ka at bakit kinuha mo si Alexeus?"
Huminto ang babae sa paghaplos sa buhok ni Alexeus. Dahan-dahan niyang inalis sa kanyang kandungan ang ulo ni Alexeus tapos ay tumayo siya at humarap sa akin.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong pamilyar ang babae. Naalala ko ang larawan ng babae sa silid-aklatan ng palasyo ng Stavron. Kamukha niya 'yon.
"Margaret?"
"Ikaw pala, Charlotte."
"Anong... Paano?" Hindi pa rin ako makapaniwala. Akala ko ba matagal na siyang patay?
"Anong kailangan mo kay Alexeus? Bakit mo siya kinuha?"
"Kinuha ko lang ang dapat na para sa akin," sagot niya.
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...