Ikaanimnapu’t-anim na Kabanata
Calliah and RastusNang pinuntahan ni Alexeus ang Emperador para kausapin ito ay napagpasyahan ko namang puntahan si Calliah sa silid nito.
"Calliah?" sambit ko sabay katos sa pinto ng kanyang silid. "Calliah, si Charlotte ito."
Mayamaya'y nagbukas din ang pinto. Nahabag ako nang makita ko ang malungkot na mukha ng prinsesa at ang lumuluha nitong mga mata.
Umupo kaming dalawa sa kanyang kama. "Calliah..."
"Charlotte. Ano nang gagawin ko? Paparusahan ni Ama si Rastus. Ayaw kong mangyari 'yon," sambit niya habang umiiyak.
"Huwag kang mag-alala. Gumagawa na ng paraan si Alexeus," sambit ko habang hinihimas ang kanyang likod.
"Gaano na kayo katagal na magkarelasyon ni Rastus?" usisa ko.
"Isang taon na." sagot niya. "Isang taon kaming palihim na nagtatagpo upang hindi malaman ng kahit sino man. Hanggang sa dumating kayo ni Alexeus dito. Wala akong balak na ipaalam pa kahit kanino ang tungkol sa relasyon naming dalawa. Ngunit nahuli kami ni Alexeus. Nakiusap ako sa kanya na panatilihin itong lihim at pumayag naman siya," kuwento niya.
"Puro kami babaeng anak ni Ama, kaya ganoon na lamang siya kahigpit sa amin. Nais niyang panay maharlika ang aming mapapangasawa. Ngunit mahal ko si Rastus at hindi ko siya kayang ipagpalit sa kahit sino mang maharlika," dagdag pa niya.
"Calliah!" Napatingin kami pareho sa pumasok.
"Adelfi Ariadna."
"Hahatulan na ni Ama si Rastus sa bulwagan!" balita nito.
Agad na tumayo si Calliah at nanakbo papuntang bulwagan habang kasunod niya kami ni Prinsesa Ariadna.
"Rastus!" sigaw ni Calliah nang makarating kami sa bulwagan.
Nakaupo ang Emperador sa kanyang trono at nakaluhod sa kanyang harapan ang kawal na kasintahan ni Calliah.
"Huwag niyong palalapitin dito si Calliah!" mahigpit na utos ng Emperador kaya't hinarangan siya ng mga kawal.
"Isa kang lapastangan. Matapos kang kupkupin ng palasyo ay ganito ang igaganti mo? Ang magkaroon ng relasyon sa isa sa mga anak ko? Hindi mo ba alam kung gaano kataas ang pangarap ko para sa kanila? Isang prinsesa si Calliah kaya't nararapat lamang na isang maharlika rin ang kanyang ibigin!" galit na sambit ng Emperador.
"Marunong po akong tumanaw ng utang na loob, Mahal na Emperador. Ngunit mahal ko po talaga si Calliah at kung kasalanan man ang mahalin siya, handa akong tanggapin ang inyong kaparusahan na ipapataw sa akin," sambit niya.
"Rastus..." sambit ni Calliah habang naluluha. Nasa tabi niya kami ngayon at wala naman kaming magawa ni Ariadna kundi ang panoorin ang sitwasyong kinalalagyan nila kahit pa awang-awa na kami sa magkasintahan.
"Hmm. Itapon sa labas ng imperyo ang lalaking ito! At kapag nakita ninyong umaaligid siya rito sa palasyo ay huwag kayong mag-alinlangang patayin siya!" utos ng Emperador.
"Ama!" sigaw ni Calliah.
Dinampot na ng mga kawal si Rastus at inilabas ng palasyo.
"Ama! Huwag niyo itong gawin sa amin. Pakiusap!" pagmamakaawa ni Calliah sa kanyang ama.
"Magtigil ka, Calliah! Hindi nararapat ang lapastangang iyon para sa iyong pag-ibig! Maraming maharlika sa buong Aglaea na maaari mong mahalin," sambit ng Emperador.
"Maaari ngang marami akong puwedeng mahalin. Ngunit si Rastus lang ang makakapagbigay ng tunay na pag-ibig na hinahanap ko," sambit ni Calliah tapos ay umalis na siya. Sinundan naman namin siya ni Ariadna hanggang sa silid nito.
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...