Ika-80: Magíssa Supremo

804 34 3
                                    

Ikawalompung Kabanata
Magissa Supremo

Nakahandusay ako ngayon sa lupa. Mabigat ang aking paghinga. Masakit pa rin ang ulo ko at nararamdaman ko ang pagtibok ng bawat ugat sa utak ko na para bang sasabog na ang mga 'to. Nararamdaman ko rin na mabagal na ang aking pulso at unti-unti nang nanlalabo ang aking paningin na nagdodoble na rin.

Hindi ko na maikilos ang katawan ko. Para bang naubos ang lahat ng lakas ko dahil sa labis na sakit ng ulo. Nakatayo pa rin si Despoina sa tabi ko. Marahil hinihintay niyang mawalan na ako ng malay. Wala na ba talagang pag-asa? Mababaliwala ba ang sakripisyo ni Alexeus sa muling pagbuhay niya sa'kin? Hanggang dito na lang ba talaga ako?

Unti-unti nang bumibigay ang talukap ng mga mata ko. Paumanhin, Alexeus. Hindi ko na kinaya. Pasensya na kung hindi ko nagawa ang tamang paggamit ng Flago. Paumanhin ngunit mukhang hanggang dito na lang talaga ang lahat.

At tuluyan na ngang nagdilim ang lahat.

---

Nakalutang ako ngayon sa isang kawalan. Madilim dito ngunit puno naman ng mga bituin. Iba-iba ang kulay ng mga bituin na nakikita ko sa paligid. May puti, may kahel, dilaw, at pula. Iba-iba rin ang laki ng mga ito.

Para akong nasa kalawakan. Nasa kabilang-buhay na ba ako?

Mayamaya'y may isang nakasisilaw na gintong liwanag ang lumitaw kaya't napapikit ako at naitakip ko pa sa mukha ko ang aking braso.

Ilang sandali lang ay nawala na rin ang liwanag. Ibinaba ko na ang braso ko at dahan-dahang minulat ang aking mga mata.

"Aking hinirang..."

Halos lumuwa ang mga mata ko at nangilabot ang aking katawan. Isang higanteng dragon ang tinitingala ko sa harapan ko ngayon. Sa sobrang laki niya ay hindi mo na matantya kung gaano siya kalaki. Makinang ang makaliskis nitong katawan na kulay pula. Kumikinang siya na parang ginto. May mga malalaking pakpak din siya na gawa sa buto't balat. Ang kanyang mga mata ay kumikinang na kulay pula. May malalaking kamay din siya na may mga matutulis na kuko.

"I-ikaw si..." nauutal kong sambit dahil sa pagkamangha sa kanya.

"Ako si Mulciber. Nagkita rin tayo sa wakas, aking hinirang," sambit nito nang may malagong ngunit mahinahong tinig na umaalingawngaw sa buong lugar.

"Paumanhin kung nabigo ako bilang iyong hinirang," sambit ko sabay yuko ng aking ulo.

Tapos ay tumingin ako sa kanya. "Patay na ako, hindi ba?" tanong ko naman.

"Hindi pa.Nakikipag-agawan ka pa ng buhay sa kamatayan," sagot niya.

"Bakit ako narito?" tanong ko.

"Wala man sa'yo ngayon ang mga kosmima, ngunit ikaw naman ang kumumpleto ng mga ito. Narito ka dahil sa iyong matinding kagustuhan na panindigan ang pagiging tagapagligtas ng Aglaea. Kaya naman, aking hinirang, tanggapin mo ngayon ang labis na kapangyarihang ipagkakaloob ko sa iyo."

Pagkatapos ay nagliwanag na naman ang paligid nang nakakasilaw.

"Humayo ka at iligtas ang Aglaea gamit ang aking kapangyarihan na ipinagkaloob ko sa'yo, aking Magissa!"

---

Biglang dumilat ang aking mga mata. Magaan na ang aking pakiramdam. Lahat ng sakit at sugat sa aking katawan ay nawala. Tumindig na ako dahil mayroon na akong lakas. Nakita ko si Despoina na naglalakad papasok ng palasyo. Akala niya siguro ay patay na ako.

Humawi ang mga ulap sa langit at may nakasisilaw na liwanag na bumagsak mula rito papunta sa akin. Nababalutan ako ngayon ng liwanag na iyon. Nakakaramdam ako ng napakalakas na kapangyarihang dumadaloy sa aking katawan. Unti-unting nagbago ang aking anyo.

Magíssa: Elemental SorceressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon