Ika-31: Despoina

2.8K 113 41
                                    

Ikatatlompu’t-isang Kabanata
Despoina

Nakadapa ako ngayong bagsak sa sahig at hindi ko maigalaw ang aking buong katawan. Ni parang hindi ko nga maramdaman ang sarili ko. Hinang-hina ako na para bang naubos na talaga kahit ang katiting na lakas na mayroon ako. Kahit isang bahagi lamang ng katawan ko ay hindi ko magawang igalaw.

Nararamdaman ko na rin ang mabagal na pagtibok ng puso ko. Blangko ang isipan ko. Ano na nga bang nangyari?

Ah, oo. Si Alexeus. Siya ang gumawa sa'kin nito. Pero alam kong 'di naman niya 'to sadya. 

Sandali. Parang naririnig ko ang boses niya. Pilit kong pinilig ang ulo ko sa kung saang gawi ko naririnig ang boses ni Alexeus. 

Nanlalabo ang paningin ko, pero pilit ko pa ring tinitingnan ng mabuti kung anong nagyayari sa kanya. Nag-aagaw ang labo at linaw ng aking paningin, ngunit pilit pa ring hinahanap ng aking paningin si Alexeus.

Sa nakikita ko, kasalukuyan siyang nakikipagtuos sa isang babae. Mas matagkad ito ng bahagya sa kanya, hindi ganoon katanda ang hitsura nito, mayroon itong maputlang balat, kulay lila ang mahabang buhok nito, at gayon din ang kanyang mga mata. Nakasuot ito ng mahabang itim na bestida, at patulis ang mga tenga nito.

Naririnig ko ang mga pagsigaw ni Alexeus kada matatamaan siya ng mga atake no'ng babae dahil sa labis na sakit. Naglalabas ang babae ng kulay itim na kidlat mula sa kanyang mga kamay. 

Sinasangga lamang ito ni Alexeus ng kanyang Flago, ngunit mas madalas siyang tamaan nito. At mukhang tuwang-tuwa pa ang babae sa ginagawa niya kay Alexeus dahil sa malakas na paghalakhak nito kada matatamaan niya ito. Nakakapanginig ng sistema ang matinis niyang tinig.

Marami nang mga galos sa katawan si Alexeus at nababakas ko na rin sa kanya ang hirap at pagod. Sa tingin ko, parang gusto na niyang sumuko. At mukhang pinipilit na lamang niya ang kanyang sarili sa hindi ko malamang dahilan para magpatuloy pa siya sa laban.

Sa bawat sigaw ni Alexeus dahil sa sakit, ay parang patalim na tumutusok sa puso ko. Naririnig at nakikita ko siyang nasasaktan, at ang sakit lang dahil wala akong magawa para sa kanya.

Kung makakaya ko lang sanang bumangon, kung may lakas lang sana ako ngayon para lumaban, hindi ko siya para hayaan doong mag-isang lumalaban.

Alexeus... Nararamdaman ko ang pag-init ng mga mata ko. At mayamaya'y, pumatak na nga ang mga luhang namuo dito. Wala na nga ba akong magagawa kundi ang umiyak habang nakikita siyang nahihirapan at nasasaktan?

Nabigla ako nang makita kong bumulagta si Alexeus sa tabi ko. Mukhang pagod na pagod na siya at kay rami na rin ng mga sugat at galos niya mula sa kanyang mukha hanggang sa kanyang buong katawan. Lalo tuloy umagos ang mga luha mula sa mga mata ko.

Dahan-dahan siyang tumingin sa'kin. Nasulyapan ko na namang muli ang magaganda't bughaw niyang mga mata, na mistulang namumungay na dahil sa hirap at pagod. 

Lalo akong napaluha nang pinilit niyang bigyan ako ng isang matamis na ngiti. Na para bang sinasabi niyang 'huwag kang mag-alala, magiging maayos din ang lahat.'

Kahit nanghihina ay pilit kong iginalaw ang aking kamay upang piliting abutin ang kanyang kamay na malapit lamang sa'kin. Hindi ko alam ngunit parang gusto ko lamang itong gawin. Gusto ko siyang abutin, at mahawakan.

Ngunit bago ko pa ito magawa, nabigla ako nang sumigaw ng ubod ng lakas si Alexeus dahil tinapakan ng babae ang dumudugo niyang sugat sa tadyang.

Mas masakit sa pakiramdam na makita siyang nasasaktan gayong nandito siya mismo sa tabi ko. At wala pa rin akong magawa!

"Itigil mo na 'yan, pakiusap! Kung sino ka man!" Bigla na lamang lumabas ang mga salitang 'yon mula sa aking bibig.

Panandaliang huminto ang babae at tumingin sa akin. "Aba, buhay pa pala ang Magissa," nanunuya niyang sambit.

Iniwanan niya si Alexeus at sa akin naman siya nagpunta. Tinihaya niya ako mula sa aking pagkakadapa gamit ang paa niya na para bang isa akong hayop.

"Pakiusap, huwag mo siyang gagalawin." Pilit na sambit ni Alexeus habang nakahawak sa kanyang may sugat sa tadyang.

"S-sino ka ba? Bakit mo ba ginagawa sa'min 'to?" Lakas-loob kong tanong.

Ngumisi ang babae. "Hindi ko ugaling magpakilala sa isang nilalang na mamamatay na. Ngunit sige. Bilang ikaw ang Magissa, at karangalan para sa akin ang makilala mo bago pa kita tapusin."

Sinamaan ko siya ng tingin. Sino ba talaga ang babaeng 'to? Bakit alam niyang isa akong Magissa?

"Ako si Despoina, ang bagong diyosa ng Goiteia," pagmamalaki niya.

"Bagong...diyosa?" pagtataka ko.

"Oo. 'Pagkat tinapos ko na ang diyosang si Maia at ako na ang pumalit sa kanya!" dagdag pa niya.

"Charlotte, siya ang may kagagawan ng pag-atake ng mga Fidian sa Goiteia. Kinokontrol niya ang isip ng mga 'to," sambit bigla ni Alexeus.

"Tama ang sinabi ng iyong kabalyerong prinsipe, Magissa. Parusa ko iyon sa kanila sa hindi pagkilala at pagsamba nila sa akin bilang bago nilang diyosa!" sambit niya nang may lubos na galit.

"Ano bang pakay mo at ginagawa mo ang lahat ng ito?" tanong ko.

"Ang mga kosmima," sambit niya nang may nakakatakot na ngiti. Pagkatapos ay bigla niyang tinapakan ang sugat ko sa dibdib kaya naman napahiyaw ako ng ubod ng lakas dahil sa sakit.

"Charlotte!" sigaw ni Alexeus.

Matapos niyang gawin 'yon ay napapilipit ako at pakiramdam ko'y parang humiwalay ang kaluluwa ko sa aking katawan dahil sa sobrang sakit.

"Ngayon naman, oras na upang magpaalam, Magissa. Sa akin na ang mga kosmima mo," sambit niya sabay tutok ng kanyang palad sa'kin. 

Nakikita ko ang namumuong kulay lilang kidlat mula dito na handa niyang itira sa'kin. Dahil sa panghihina ng aking katawan dulot ng pagkawala ng dugo dahil sa ginawa sa'king pagsaksak, ay wala na akong magawa kundi ang pumikit, at hintayin siguro ang katapusan ko.

Pasensya na. Ngunit mukhang hindi yata ako nagtagumpay bilang Magissa ng Stavron. Paumanhin dahil nabigo akong pigilan ang nakatakdang pagkawasak ng imperyo dahil hindi ko na makokolekta ang mga kosmima.

At hindi na rin ako makakauwi sa'min. Hindi ko na makikita pa sila Mama at Tita Yvonne. Patawarin niyo 'kong lahat dahil nabigo ako.

Isa akong malaking kabiguan.

Alexeus, mukhang bago ako mawala, hindi ko na masasabi sa'yo na...

Sandali. Ano 'yon? Bigla kong naramdaman na parang may nakapatong sa'kin. Kaya't dahan-dahan akong dumilat.

Nanlaki ang mga mata ko dahil hindi ako makapaniwala sa nakikita ko.

"Alexeus?..."

Nakadapa siya sa katawan ko at walang malay. Hindi kaya...

"Alexeus?" tawag ko sa kanyang pangalan habang unti-unting lumuluha. Tapos ay inilagay ko ang mga kamay ko sa kanyang likod.

"Alexeus? Naririnig mo ba 'ko? Pakiusap sumagot ka..." pagsusumamo ko.

Napatingin ako sa kanyang kamay na bumulagta na lamang na parang wala na siyang buhay. Sandali. Wala nang...buhay? Hindi maaari, hindi maaari 'to...

Hindi ako papayag na mawala siya sa'kin ng ganito.

Napahagulgol ako ng iyak. "Alexeus!"







Magíssa: Elemental SorceressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon