Ikadalawampung Kabanata
The Tribe of LykosAlexeus
Inoobserbahan ko aking paligid mula rito sa aking puwesto. Nasa tribo ako ngayon ng mga taong lobo, mga taong may mga mata, tenga, at buntot ng isang lobo, o ang Lykos.
Sari-sari ang mga ginagawa nila. May mga naglilinis at nag-aayos ng mga armas, may mga kumakain habang nagtatawanan at nagkukuwentuhan, at..mga babaeng Lykosian na kung 'di ako nagkakamali ay kanina pa ako tinitingnan. Nakakakilabot.
Habang ako, heto sa loob ng kulungang may rehas, nakatali ng kadena ang mga kamay ko, at ang isa kong paa ay nakakadena sa rehas. Para akong hayop nito. Nakakainis.
Nang mahulog kami ni Charlotte mula sa mataas na lugar, nawalan na 'ko ng malay. At paggising ko, nandito na 'ko. Mabuti na nga lang at nagising ako bago pa nila ako tuluyang kainin.
Si Charlotte. Hindi ko siya maiwasang alalahanin. Saan kaya siya napadpad? Sana naman hindi niya dinaranas ngayon ang kinalalagyan ko ngayon. Tsk. Kailangan ko talagang makalabas dito para mahanap siya. Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kapag may nangyaring masama sa kanya.
Ngunit paano? Hindi ko magagamit ng ayos ang Flágo dahil nakatali ng kadena ang aking mga kamay. At nasasaktan na rin ako dahil sa higpit ng pagkakagapos nito sa akin at bigat ng mismong kadena na gawa sa isang matibay na bakal.
Natanaw ko naman na may mga Lykosian na pumasok. Karamihan sa kanila'y may mga akay na sugatan. Mukhang galing sila sa isang engkuwentro.
"O, mukhang napalaban yata kayo ah," sambit ng isang sumalubong sa kanila.
"Oo. Napalaban kami sa mga Poulían ng 'di oras," inis na sambit ng isa, habang ang iba nilang kasama ay isa-isang ibinababa ng dahan-dahan ang mga sugatang Lykosian. Poulían? Ano naman ang mga iyon?
"Hah. Ang mga taong ibon na naman. Kahit kailan talaga mga sagabal ang mga iyan sa ating pangangaso. Palibhasa kasi mga madadamot," inis niyang sambit.
Mga taong ibon pala ang mga Poulían. Bukod kaya sa mga ito, mayroon pa rin kayang ibang mga kakaibang nilalang dito sa Hagnós?
Bigla ko tuloy naalala ang aking napag-aralang mga saliksik tungkol dito sa lupain ng Hagnós. Tinatawag din itong Gitnang Aglaea. Kasinlaki din ito ng isang imperyo. Ngunit sinasabing mahiwaga at misteryoso ang lugar na ito dahil sa mga kakaibang nilalang na naninirahan dito. Kaya naman bibihira ka lamang makakakita ng mga taong naninirahan dito.
"Hoy, mga taong lobo!" maangas kong sigaw. Nakuha ko naman agad ang kanilang atensyon.
"Pakawalan niyo na nga ako dito!" utos ko.
"Aba, kung makapagutos ka akala mo prinsipe ka ah!" sigaw ng isa. Napataas ang mga kilay ko sa sinabi niya.
"Ano bang balak ninyong gawin sa akin ha? Bakit ayaw niyo pa akong pakawalan?" maangas kong tanong.
"Manahimik ka, mortal! Gagawin ka pa naming pagkain!" sigaw sa akin noong isa. Kung ganoon ay binabalak pa rin pala nila akong gawing pagkain.
Napailing na lamang ako at napatiim-bagang ako sa inis.
--
Sumapit na ang hapon at wala na rito ang mga lalaking Lykosian. May sagupaan daw sila ngayon laban sa mga Poulían upang gumanti dahil sa naganap na engkuwentro no'ng isang gabi.
Kaya't walang ibang naiwan sa akin ngayon para magbantay kundi ang ilang matatandang Lykosian. At ang mga babae din.
Kahit hindi ko sila tingnan ay alam ko'ng kanina pa nila ako tinitingnan at pinagbubulungan. Nararamdaman ko 'yon.
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...