Ikalimampu’t-isang Kabanata
The Twin's RivalrySadyang kamangha-mangha ang makikita pagpasok pa lang sa malahigante sa laking tarangkahan ng opisyal na palasyo ng Imperyo ng Deucalion na halatang gawa mismo sa pinakamatibay na bakal na may halong ginto ay bubungad ang napakalawak na hardin na puno ng mga iba't ibang uri ng mga malalagong halaman at makukulay na mga bulaklak na halatang alagang-alaga dito. Nakahilera sila ng maaayos at maganda sa paningin sa tabi ng malawak at ubod ng linis na daanan na siyang tinatahak namin ngayon.
Ilang minuto ang tatahakin sa malawak at may kahabaang daanan na ito ngunit hindi ka maiinip dahil sa ganda at aliwalas ng paligid. Nang marating namin ang dulo nitong daan ay bumungad sa amin ang isang malaking fountain.
Isa itong dragon na gawa sa makinis na kulay luntiang bato at ang tubig ay dumadaloy sa bibig ng estatwang dragon na nakatayo mismo sa gitna ng malaking fountain.
Pagkatapos ay pumasok na kami sa loob ng palasyo. At bumungad sa amin ang malawak na daan na ang sahig ay gawa mismo sa marmol at nalalatagan ito ng kulay luntiang carpet.
Gaya sa palasyo ng Stavron, mayroon din itong napakataas na kisame kung saan nakasabit ang mga maliliwanang at naglalakihang mga chandelier.
Matapos naming tahakin iyon ay nakarating na kami sa tanggapan ng palasyo. Isang malawak na silid kung saan naroon ang mga malalaki at malalmbot na upuan na nakapalibot sa isang maliit na mesa at mayroon na din ditong hurno.
Magkatabi kaming naupo ni Alexeus sa isang mahabang upuan at kaharap namin ang kambal na prinsipe.
"Alexeus! Kamusta ka na? Matagal-tagal rin mula nang huli tayong nagkita," masiglang sabi ni Aristaeus.
"Matagal na nga ba? Halos ilang buwan pa lang naman. Huli tayong nagkita ay noong nagdiwang ako ng aking ikalabingwalong kaarawan," nakangiting sabi ni Alexeus.
"Balita namin nakapili ka na raw ng iyong mapapangasawa. Siya nga, Alexeus?" usisa naman ni Erasmus.
Nataigilan sandali si Alexeus pagkatapos ay ngumiti.
"Siya nga pala, si Charlotte, ang aking mapapangasawa." Nabigla naman ako sa pagpapakilala niyang 'yon sa'kin.
Nanlaki ang mga mata ng kambal na prinsipe na tumingin sa akin.
"Naku, pasensya ka na talaga sa inasal namin kanina . Dinamay ka pa namin sa aming paligsahan!" sabay na sambit ng kambal habang paulit-ulit na yumuyuko sa harapan namin ni Alexeus.
"T-tama na. Hindi niyo na kailangan pang gawin 'yan, mga kamahalan. Ayos lang. Isa pa, nakahingi na kayo ng tawad kanina kaya ayos na talaga ang lahat," sambit ko.
"Salamat, Charlotte. Tunay na napakabuti mo!" mangiyak-ngiyak na sabay na sambit ng kambal. Napangiti na lamang ako sa inaasal nila. Para talaga silang mga bata kahit pa isang taon ang tanda nila kay Alexeus.
"E kayo? Kamusta naman? Tatlong araw na lamang mula ngayon ipagdiriwang niyo na ang inyong ikalabingsiyam na kaarawan. Wala pa rin bang napipili ang inyong Amang Emperador sa inyong dalawa upang maging kanyang tagapagmana?" tanong ni Alexeus.
Napangiti nang malapad ang kambal. "Oo nga. Kung napansin niyo, wala kayong nakita masyadong mga dama kanina. Iyon ay dahil abala sila sa pag-aayos at paggagayak ng bulwagan para sa nalalapit naming kaarawan," nasasabik na sambit ni Erasmus.
"At alam mo ba kung ano pang espesyal sa mismong araw na iyon?" sabik na tanong ni Aristaeus. Napakunot naman ng noo si Alexeus.
"Sinabi sa amin ni Ama na sa mismong araw na 'yon niya sasabihin kung sino sa aming dalawa ang napili niyang tagapagmana!" sabay na sambit ng dalawa nabakas ang pagkasabik. Sadyang masayahin talaga ang dalawang ito.
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...