Ikaapatnapu't-tatlong Kabanata
Being With Her"Kung gayon, ikaw ay walang mapupuntahan ngayon?" tanong ko kay Margaret.
Bumuntonghininga siya. "Mukhang gano'n na nga," sagot niya nang may pagkadismaya. "Wala talaga akong ideya kung bakit ako naririto," tugon pa niya at mababakas sa kanyang tinig ang pagkalito.
Napatingala kami pareho sa langit nang unti-unting bumuhos ang ulan.
"Naku, umuulan na! Saan na 'ko pupunta ngayon?" taranta niyang tanong.
At dahil nataranta na rin ako, hinablot ko na lamang ang kanyang braso.
"Halika, mabuting sumama ka muna sa'kin," sambit ko. Hindi na rin naman siya nakatanggi at inalalayan ko siyang sumakay ng kabayo.
Pagkatapos ay sumakay na rin ako at agad na pinatakbo ito ng mabilis.
Ilang saglit lamang ay nakarating na rin kami sa aking tinutuluyan. Agad ko siyang binigyan ng tuwalya upang makapagpatuyo siya at naghanda rin ako ng mainit na tsaa upang aming inumin.
"Margaret," tawag ko sa kanya.
Tumingin naman siya agad sa'kin. "Ano 'yon?"
"Maaari ko bang malaman kung saan ka nagmula at paano ka napadpad dito?" usisa ko sa kanya.
Mistulan siyang natigilan tapos ay ibinaba niya muna ang tasa ng kanyang tsaa sa mesa sabay umayos ng upo.
"Ako ay taga-Espanya," sagot niya.
Napakunot naman ako ng noo. "Espanya? May lugar bang ganoon dito?" pagtataka ko.
"Malamang wala," sagot niya. Lalo akong naguluhan sa kanyang sinabi.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko pa.
Bumuntonghininga siya nang malalim. "Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa'yong napunta ako sa lugar na'to nang dahil sa isang malaking salamin?"
Nakatitig lang ako sa kanya nang nakakunot ang noo. "Salamin? Paano naman mangyayari 'yon?" pagtataka ko.
"O 'di ba? Kahit ako hindi ko alam kung anong nangyari. Basta ang alam ko, natagpuan ko ang salaming iyon sa bodega ng bahay ng aking Abuela. Nang hinawakan ko ito, bigla na lang itong lumiwanag nang nakakasilaw at pagmulat ko, heto at narito na ako," paliwanag niya.
[A/N: Abuela - Spanish term for 'grandma'.]
Hindi pa rin ako makapaniwala sa kanyang sinasabi. Posible ba 'yon? Ngunit mukhang nagsasabi naman siya ng totoo. Pero mahirap pa rin naman talagang paniwalaan.
"Kita mo na? Nahihirapan kang maniwala, 'di ba?" Hindi ako nakaimik sa kanyang sinabi dahil totoo naman.
"Hindi naman kita pinipilit na maniwala. Hindi rin kita masisisi dahil mahirap talagang paniwalaan. Pero 'yon talaga ang totoo, Marcus," sambit pa niya.
Ang totoo, nahihirapan talaga ang isip kong maniwala sa kanya ngunit ang puso ko ay gusto namang paniwalaan siya.
"Sige, ganito," sambit ko na nakakuha ng kanyang atensyon.
"Hahayaan muna kitang manatili dito habang hindi pa natin alam kung paano ka makakauwi sa inyo. Maaari kitang tulungan kung nais mo," alok ko sa kanya.
Tila nagningning ang kanyang magagandang mga mata at gumuhit ang isang matamis na ngiti sa kanyang labi. "Talaga? Naku, maraming salamat, Marcus!"
Simula nang tinanggap ko siya, nalaman kong tatlong taon ang itinanda ko kay Margaret at tila nagkabuhay ang aking tahanan. Lagi siyang gumigising ng maaga upang ipaghanda ako ng agahan.
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...