Ikaanim na Kabanata
Our DealHindi pa 'ko tuluyang umaalis sa palasyo. Kahit magkasundo na kami ni Alexeus ay binabalak ko pa ring gawin 'yon.
Suot ang aking dilaw na Victorian era ball gown na medyo halintulad kay Belle ng Beauty and the Beast, naglalakad-lakad ako ngayon dito sa isa sa mga hallway ng palasyo habang nakatingin sa bawat bintanang madadaanan ko. Mga bintanang naglalakihan na hugis arko.
Pumapasok mula sa mga bintana ang banayad na sinag ng araw maging ang kalmado't sariwang hangin.
"Charlotte." Napalingon ako sa tumawag sa'kin.
"Alexeus." Tapos ay nilapitan niya ako.
"Kanina pa kita hinahanap," sambit niya.
"Bakit? May kailangan ka?" kunot-noo kong tanong.
"Nais kitang dalhin sa bulwagan ng palasyo," sambit niya. Napakunot ang noo ko sa pagtataka.
"Halika na," sambit niya sabay hablot sa pulso ko at madaling naglakad.
Mayamaya'y nakarating na kami sa bulwagan ng palasyo. Nang igala ko ang aking paningin ay nagtaka ako sa nakita ko.
"Narito na po ang lahat ng antigong salamin na nakalap namin sa buong Stavron gaya ng inyong kagustuhan, Kamahalan," bungad sa amin ni Heneral Balsicus pagpasok namin sa bulwagan ng palasyo. Tatlong araw din ang ginugol niya para lang diyan.
"Ang dami namang mga salamin na ito. Aanhin mo ba ang lahat ng ito, Alexeus?" tanong ko.
"Hindi ba't sinabi mong isang antigong salamin ang dahilan kung bakit ikaw ay napadpad dito? Tinutulungan lamang kita, Charlotte gaya ng iyong nais," sagot niya.
So, seryoso pala si Alexeus na tulungan akong makauwi. Mabuti naman at naging mabait na siya sa'kin. Kahit may pag-aalinlangan ay isa-isa kong nilapitan ang mga salamin habang hinahaplos ito. Baka sakaling umilaw din ang isa sa mga 'to gaya noong nangyari sa'kin doon sa bodega ng library namin sa school.
Bawat salamin na hinahaplos ko ay may kaba akong nadarama. Umaasa ako na sana isa na nga sa mga ito ang salamin na hinahanap ko. Ang salamin na maaaring makapagpauwi sa akin sa mundo ko.
Ngunit sa kasamaang palad, sa limampung antigong salamin na nandito, ni isa. Wala.
"Wala sa mga ito ang salaming tinutukoy ko," dismayado kong sabi.
"Paumanhin, Charlotte," sambit sa'kin ni Alexeus sa may halong simpatiya.
Ngumiti ako. "Ayos lang. 'Wag kang humingi ng paumanhin. At salamat na rin dahil sa kagustuhan mong makatulong sa'kin," sambit ko.
At dito, nasilayan kong ngumiti ang makisig na prinsipe na may mga bughaw na mga mata. Mas bagay sa kanya ang nakangiti. Nakakapagpagaan ng pakiramdam.
Matapos nang nangyari, napagpasyahan kong pumunta muna sa hardin ng palasyo. Teka, hardin pa ba 'to? Eh parang park na 'to sa laki eh. Maganda dito dahil bukod sa iba't ibang halaman at bulaklak, meron din'g mga nagliliparang mga paruparo. Nakaka-relax dito. Sariwa ang simoy ng hangin, tapos maganda pa ang paligid. Kahit papano nabibigyan ako nito ng peace of mind. Lalo na't gulung-gulo na 'ko sa sitwasyon ko ngayon.
"Narito ka lang pala." Nabigla ako sa pagsulpot ni Alexeus sa likod ko.
"Maaari ko bang makita ang Emperador? Nais ko kasing magpaalam at magpasalamat sa kanya bago ako umalis," sambit ko.
"Aalis ka? Bakit?" tanong niya.
"Hahanap ako ng ibang paraan para makauwi. Baka sa paglalakbay ko, makahanap ako ng paraan," sagot ko naman.
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...