Ika-40: The Prince's First Love

2.4K 85 10
                                    

Ikaapatnapung Kabanata
The Prince's First Love

Hindi pa rin talaga ako makapaniwalang nasa katawan ako ngayon ni Melayna. Totoo ba 'to? Kasalukuyan ako ngayong nagpupunas ng muwebles sa may tanggapan ng palasyo. Napansin ko lang na iba ang posisyon ng ibang mga kagamitan dito.

Maging ang ibang gamit dito ay parang hindi ko naman nakikita sa palasyo. Ano ba talagang nangyayari?

"Melayna." Lumingon ako sa isang tumawag sa akin. Isa ding dama rito.

"Bakit?" tanong ko.

"Halika na. Pinatatawag na tayong lahat sa bulwagan ng palasyo upang salubungin ang Mahal na Prinsipe," sambit niya.

"G-ganoon ba."

Nang maglakad siya ay sumunod na rin naman ako kaagad.

"Sandali, anong taon na ngayon?" tanong ko.

"Ahh, ngayon ay Taong ika-isang libo't isang daan at walompu. Bakit?" tugon naman niya.

Nagulat ako sa kanyang sinabi. Ibig sabihin, nasa nakaraan ako limang taon mula sa panahong pinanggalingan ko?

Umiling ako. "Wala naman."

Napaisip ako. Paano ako makakabalik nito sa kasalukuyang panahon? Sa sarili kong katawan? Paano at bakit ba ako napunta dito?

Namalayan ko na lang na nakarating na kami sa bulwagan ng palasyo. Nagtipon nga lahat dito ang mga tauhan ng palasyo, hanggang sa pinakamaliit ang katayuan. At nasa hanay ako ngayon ng mga dama.

"Ang Mahal na Prinsipe ay narito na!" pag-anunsyo ng isang kawal.

Pagkatapos iyon marinig ng lahat at nagsiyukuan sila. Tahimik lang ang lahat habang dumadaan ang prinsipe sa pasilyo.

Nang magkatapat na kami at iniangat ko nang bahagya ang aking ulo. Nasilayan ko ang kanyang mukha. Seryoso lamang ang ekpresyon ng kanyang mukha at mas bata. Malamang dahil labintatlong taong gulang pa lamang siya nang mga panahong 'to.

Tapos ay sandaling nagtama ang mga mata namin. Mga isang segundo siguro. Ibang-iba talaga siya mula sa Alexeus na kilala ko ngayon. Mukhang mas malala ang kasungitan ng isang 'to kaysa sa Alexeus na nakilala ko sa unang pagkakataon.

Pagkatapos naming salubungin ang pagdating ng prinsipe ay pinabalik na kami sa kanya-kanya naming gawain.

---

Narito ako ngayon sa silid ng mga dama ng palasyo. Ang silid na ito ay nasa likurang bahagi ng palasyo. Katamtaman lamang ang laki nito para sa isang-dosenang dama dito sa loob na may tig-iisang kama na pang-isahang tao lang talaga ang laki. 

"Lutang na lutang na ang kakisigan ng Prinsipe kahit labintatlong taong gulang pa lamang siya. Lalong-lalo na ang pares ng kanyang mga bughaw na mata. Sadyang kaakit-akit," sambit ng isa.

"Tama. Sang-ayon ako sa'yo. Masuwerte ang mapipiling asawa ng Prinsipe. Sana nga lang maaari siyang makapag-asawa ng isang dama," sambit naman ng isa.

"Naku, hanggang pangarap na lamang 'yan. Dahil hindi 'yon maaari. Hindi kailanman mapahihintulutan ang pagmamahalan ng isang maharlika at ng isang hamak na alipin," sabi naman ng isa.

"Pagkatapos ng limang taon ay itatakda nang mag-asawa ang Prinsipe," sambit naman ng isa.

Nakaupo lamang ako sa sarili kong kama habang tahimik na nakikinig sa kanila. Bigla ko tuloy naalala ang gabi ng pagtitipon sa bulwagan. Nang mapili niya 'ko bilang mapapangasawa niya.

"Melayna." Napalingon ako sa kanila nang tinawag nila ang pangalang 'yon.

"Kasing-edad mo ang Prinsipe, 'di ba? Ano namang masasabi mo ngayong nakita mo na siya sa unang pagkakataon?" usisa ng isa.

Magíssa: Elemental SorceressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon