CHAPTER THREE
PANGATLONG araw na ni Angela sa Maynila. Ang unang araw ay ginugol niya sa pagtambay sa restaurant ni Charlie. Ang pangalawang araw ay ginugol niya sa pagkonsulta sa doktor na espesyalista sa amnesia cases pero wala rin itong maibigay na konkretong sagot sa kanya. Maliit na diumano ang porsiyentong bumalik ang alaala niya, lalo pa at napakabata pa niya nang mangyari ang aksidente. Gayunman, huwag daw siyang mawalan ng pag-asa dahil maaaring isang araw ay bigla na lang babalik ang mga alaala niya. Minsan daw ay mapaglaro talaga ang utak ng tao, mamamalayan na lang diumano niya na malinaw na sa kanya ang lahat.
Naeengganyo na siyang magpalathala sa mga pahayagan at telebisyon ng tungkol sa nawawala niyang pamilya. Iyon nga lang, alam niyang delikado iyon. Malaki kasi ang posibilidad na maraming lumapit sa kanya at angkinin siya bilang anak dahil sa kayamanang kaakibat ng pamilya ng Mama Anna niya.
Ngayon ay nasa Rustan's siya at manonood ng sine kasama si Enteng. Nang araw lang daw na iyon maluwag ang schedule nito kaya niyaya siya nitong manood ng sine. Tamang-tama naman dahil showing ang The Avengers kung saan ay paborito niya ang isa sa mga bida roon. Nagkasundo sila ni Enteng na magkikita na lang sa movie house dahil manggagaling pa ito sa isang singing engagement nito. Maaga siyang dumating sa meeting place nila kaya tinawagan muna niya sa cell phone ang inupahan niyang private investigator para hanapin ang pamilyang pinagmulan niya. Ang bawat hakbang niya ay ikinukonsulta niya sa kanyang ina at suportado naman nito ang mga desisyon niya.
Tumunog ang cell phone niya pagkatapos niyang makipag-usap sa private investigator. Agad niyang sinagot iyon nang makitang si Enteng ang tumatawag.
"Nasa'n ka na, Ate? Napapanis na ang kaguwapuhan ko rito sa harap ng sinehan," anito, halatang nakangiti nang sabihin iyon. Even on the phone, his voice was really enchanting.
Napangiti siya. Kapag gustong maglambing ni Enteng at Charlie ay tinatawag siya ng mga ito na "ate." Kapag mang-aasar naman ay "kiddo," at kapag barkadahan ang mood ay "Angela" lang. "Naku, nandito pa ako sa bahay..." biro niya kay Enteng bagaman nagmamadali na siyang sumakay sa escalator. Gusto niyang matawa nang umungol ito. "Sandali, maliligo lang ako—"
Naputol ang pagbibiro niya nang mapatingin siya sa kaliwa niya kung saan pababa ang direksiyon ng escalator. Partikular na tumutok ang mga mata niya sa lalaki na naroon din. Kumabog ang dibdib niya nang magtama ang kanilang mga mata. He had blue eyes! Pakiramdam niya ay tumigil ang oras sa pag-ikot at sila na lang ng lalaking iyon ang naroon. He was tall, fair-skinned, and very handsome.
Hanggang sa magtapat ang puwesto nila ng lalaking blue-eyed. The stranger was also looking at her intently and looked as if he didn't want to blink his eyes. Mabuti na lang at napigilan niya ang sariling mapasinghap nang makita niya ito nang malapitan. Napakaguwapo nito sa malapitan. Pakiramdam din niya ay may paruparong nagliliparan sa tiyan niya. It was a very peculiar feeling.
Nang lumampas na sila sa isa't isa ay saka lang bumalik sa pag-inog ang mundo niya pero hindi maikakailang nasa dibdib pa rin niya ang kakaibang kaba. Gusto niya itong lingunin pero hindi niya ginawa. Napailing-iling siya. Saka lang niya napagtanto ang nangyari—nakipagtitigan siya sa isang blue-eyed stranger. Ilang segundo lang iyon pero tila tumigil sa pag-inog ang mundo at tumatak sa isip niya ang hitsura ng estranghero.
"Ate Angela? Are you still there? Hello?"
Napapitlag siya nang marinig niya iyon. Umawang ang mga labi niya nang mapagtantong nasa tainga pa rin niya ang kanyang cell phone. Jesus, Angela! You acted like you were star-struck with a Hollywood actor! kastigo niya sa sarili.
"Ate Angela?"
Nakaakyat na siya nang sagutin niya si Enteng. "Y-yes, sorry about that. Ahm, n-nawalan ako ng signal. Binibiro lang kita, nandito na 'ko sa Rustan's." Dali-dali na niyang tinungo ang kinaroroonan nito. Ilang saglit lang ay namataan na niya si Enteng. Kahit nakatalikod ito ay nakilala niya ito. He was wearing a baseball cap and a leather jacket.
Ibinaba na niya ang kanyang cell phone at kinuha ang atensiyon nito. "Enteng!"
Muntik na siyang mapabunghalit ng tawa nang makita niyang nakasuot ito ng pekeng bigote, pekeng nunal, at tila kumapal din ang mga kilay nito. May hawak itong dalawang malaking popcorn.
"Sshh! Baka may makarinig sa 'yo. Huwag mo naman akong tawaging 'Enteng' sa pampublikong lugar. Sikat na singer 'to, Ate. 'Vincent' na lang."
"May pa-Vincent-Vincent ka pang nalalaman. Eh, kung Jun-jun kaya ang itawag ko sa 'yo?" natatawang tanong niya rito. Noon ay "Jun-jun" ang pang-asar nila rito dahil may junior ito sa pangalan.
Umasim ang mukha nito. "Nakow, ang pangit!"
Hindi na niya napigilan ang sariling mapahalakhak. Nang makitang nakasimangot na ito ay tumigil na siya sa kakatawa. "Eh, ano'ng tingin mo diyan sa disguise mo? Pangit din naman 'yan, ah," nakangiting sabi niya rito. "Diyos ko naman, Enteng. Ano na lang ang sasabihin ng mga tao sa date ko ngayon?" biro niya rito. Sa kabila niyon ay naghuhumiyaw sa isip niya ang hitsura ng lalaking nakatitigan niya kanina.
"Pasensiya ka na, Ate. Umiiwas lang ako sa publiko."
"I understand," nakangiting sabi niya rito.
"O, siya, tara na, gusot na 'tong tickets at makunat na 'tong popcorn." Nakangiting iniumang nito ang braso nito sa kanya.
Napapailing na lang siya bago kumapit sa braso nito.
BINABASA MO ANG
A Home In His Arms (Completed)
Roman d'amourPHR Ang nobelang pinagmulan ng Story Of Us Trilogy at Valencia Series. :)