ANGELA floated serenely over the water. Dapat ay pupunta siya ngayon sa clinic niya pero tinamad siya bigla kaya ipinasya na lang niyang maglunoy sa karagatan ng Catalina. Gayunman, pinabuksan pa rin niya ang clinic sa isang mapagkakatiwalaang tauhan at binilinan ito na itawag agad sa kanya kapag may pasyenteng nangangailangan ng atensiyon niya.
Wala si Marko dahil nagkaroon diumano ng problema sa negosyo nito kaya kailangan nitong lumuwas sa Maynila. Sumabay pa ang kanyang ina kay Marko. Maging ang mga pinsan niya ay nagsiluwas na rin sa Maynila nang nagdaang araw kaya mag-isa lang siya roon, maliban sa mga security guard ng hacienda. Ang mga tauhan naman nila ay abala sa iba't ibang trabaho sa hacienda.
Nang magsawa sa paglalangoy ay ang pamumulot naman ng mga sea shell ang kanyang pinagkaabalahan. Ah, how she loved living there. Pakiramdam niya ay sa Catalina talaga ang buhay niya kaya nga hindi na siya masyadong nababagabag ng tungkol sa tunay niyang katauhan. Funny, pero parang gusto na lang niyang ilibing sa limot ang lahat ng natuklasan niya at ituring iyong isa ring masamang panaginip. Hanggang ngayon kasi ay wala pa ring balita ang mga detective na inupahan niya. Mahirap daw tuntunin ang pinagmulan niya. Kaya naman naiisip niyang ipagpatuloy na lang ang kung anong buhay mayroon siya. She had her mother and she had Marko now. Ah, oo nga pala, kailangan din nga pala niyang sabihin sa binata ang tunay niyang pagkatao. Kailangang maging totoo siya rito at aminin niyang siya ay ampon lang ng kinalakhan niyang ina. Hindi naman siguro magiging problema ang bagay na iyon sa pagitan nila ni Marko.
"Speaking of the devil!" nakangiting bulalas niya nang maulinigan niya ang ugong ng helicopter. Hindi nga siya nagkamali dahil iyon ang helicopter na ginagamit ni Marko. Kung gayon pala ay nakabalik na kaagad ito.
Kinawayan niya ito. Marko maneuvered the chopper hanggang sa halos pumatong na iyon sa ibabaw ng karagatan sa sobrang baba ng lipad.
"Hi!" malakas na sabi niya rito.
Kahit na malayo ay kitang-kita naman niya ang tila pagkunot ng noo ni Marko sa kanya na para bang may hindi ito nagustuhan. Bigla tuloy siyang naguluhan sa ekspresyon nitong iyon. Bago pa siya makapag-react ay tumaas na uli ang chopper at nakita niyang tinungo na niyon ang airstrip para mag-landing.
Nagkibit-balikat na lang siya at itinuloy ang pamumulot ng sea shells. Nakasisiguro naman siyang pupuntahan siya nito roon. Hindi nga siya nagkamali dahil ilang minuto lang ang lumipas at nakita na niya ang humahagibis na kabayo. Napapalatak siya nang makita si Marko na sakay ng kabayo. Napakakisig kasi nito at tuwid na tuwid ang likod na para bang kinalakihan na nito ang pagsakay sa mga stallion.
Nakababa na ito ng kabayo at ngayon ay malalaki ang hakbang na tinutungo ang dalampasigan kung nasaan siya. Ang dalawang kamay nito ay may mga hawak na kung ano-anong paper bags na nakita rin niyang nakatali kanina sa stallion.
"Ang bilis mo yatang nakabalik?" salubong niya rito at saka ito hinalikan sa pisngi.
Nakatingin lang ito sa kanya at halos mag-isang-linya na ang mga kilay nito. It was obvious that he was upset.
"What? Bakit nakabusangot 'yang mukha mo?" nagtatakang tanong niya rito.
"Ganyan lagi ang suot mo tuwing nagsu-swimming ka rito?" nakakunot-noong tanong nito sa kanya.
Tumaas ang isang kilay niya. What was wrong with her attire? Tama lang naman na mag-two-piece swimsuit siya dahil nasa dagat siya. Tumaba ba siya at pangit na ba siyang tingnan sa swimsuit na iyon? Two-piece swimsuit nga iyon pero hindi naman iyon ganoon ka-daring.
"Markopolo, sa pagkakatanda ko, ganito talaga ang isinusuot ko tuwing naliligo ako. At sa pagkakaalam ko rin, ganito talaga dapat ang suot ng isang taong naliligo sa dagat. Saang planeta ka ba nanggaling at tila krimen na sa 'yo ang pagsusuot ng ganito? Don't tell me ngayon ka lang nakakita ng taong naka-two-piece dahil nakasisiguro akong mas daring pa kaysa rito sa suot ko ang mga nakita mo," nakasimangot na litanya niya rito. Sa inis niya ay tinalikuran niya ito at nagmamartsang tinalunton ang daan pabalik sa villa.
BINABASA MO ANG
A Home In His Arms (Completed)
RomancePHR Ang nobelang pinagmulan ng Story Of Us Trilogy at Valencia Series. :)
