Part 9

10.7K 243 0
                                    


"KUNG mamalasin ka nga naman, o!" naiinis na wika ni Angela nang maipit sa gitna ng traffic ang sasakyan niya. "Patay ako nito kay Alexander!"

Iyon ang araw na darating ito at siya ang pinakiusapan nitong sumundo rito. Maaga naman siyang umalis ng bahay pero hindi niya inaasahan na napakabigat na traffic pala ang sasalubong sa kanya. Sa nakikita niyang bumper to bumper na eksena ng mga sasakyan ay tila hindi siya aabot sa oras ng arrival ng eroplanong sinasakyan nito. Aktong tatawagan na niya sa cell phone ang kapatid ni Alexander na si Vladimir nang maalala niyang hindi nga pala alam ng huli ang pag-uwing iyon ni Alexander. Napapabuntong-hiningang ibinalik niya ang cell phone sa dashboard.

Binuksan na lang niya ang car stereo para kahit paano ay malibang siya. Nang makahanap ng magandang istasyon ng radyo ay tumingin siya sa labas ng bintana. Napaawang ang mga labi niya nang mapatingin siya sa nakababang bintana ng katapat niyang Toyota Vios. Mula roon ay kitang-kita niya ang profile ng lalaking may matangos na ilong, pangahang mukha, at makakapal na kilay.

Him again? bulalas niya sa isip. Hindi niya maialis ang kanyang tingin sa lalaki. Unang beses na nagtama ang kanilang mga mata sa Rustan's. Sakay siya noon ng escalator paakyat sa second floor habang ito naman ay pababa. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang kabog ng dibdib niya nang mga oras na iyon gayong sanay naman siyang nakakakita ng asul na mga mata. Sa katunayan, karamihan ng mga naging kaklase niya sa San Francisco ay mga blue-eyed at matitikas din gaya ng lalaking kasalukuyan niyang tinitingnan. Pero iba talaga ang naging epekto ng mga matang iyon sa kanya. Tanda pa niya na hindi man lang ito kumurap habang nakatingin sa kanya. Kunsabagay, ilang segundo lang pala ang itinagal ng pagtatagpo ng mga mata nila.

Sa hindi malamang dahilan ay biglang tumingin sa direksiyon niya ang lalaking nasa Toyota Vios. Noon lang niya nasiguro na ito nga ang lalaking nakita niya sa Rustan's. Nagbawi agad ito ng tingin ngunit tila kidlat na muli itong tumingin sa kanya. Their eyes met again for the second time. His blue eyes met her dark brown eyes; it created a connection she couldn't describe. Kumabog ang dibdib niya, ganoon na ganoon din ang naramdaman niya sa unang beses na pagtatama ng mga mata nila.

And as if on cue, pumailanlang sa loob ng kanyang sasakyan ang isang awitin na nagpatindig ng balahibo niya, ang awiting "Close To You."

Why do birds suddenly appear, every time you are near? Just like me they long to be close to you. Why do stars fall down from the sky? Every time you walk by. Just like me. They long to be close to you..."

Nagkaroon siya ng agam-agam kung paaandarin na ba niya ang sasakyan niya nang gumalaw na ang trapiko. Kailangan niyang umusad kung ayaw niyang mabusinahan ng mga sasakyang nasa likuran niya. Hindi niya alam kung bakit lumingon pa siya para makita kung susunod ba sa sasakyan niya ang kotse ng lalaking may bughaw na mga mata. Nadismaya siya nang makita niyang lumiko na iyon.

Nagkibit-balikat na lang siya kahit hindi pa humuhupa ang tila paruparo na nagliliparan sa loob ng tiyan niya. "'Buti na lang at may nakita akong guwapo. Hindi uminit ang ulo ko sa sobrang traffic," wika niya na sinabayan pa niya ng hagikgik. Pero nang wala sa sariling napatingin siya sa kanyang relo ay napapalatak siya nang makitang sampung minuto na lang at mag-aalas-dos na ng hapon. Napabilis tuloy ang ginawa niyang pagmamaneho.


A Home In His Arms (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon