SA LIKOD ng makapal na kurtinang pinagkukublihan ni Angela, kitang-kitang niya nang tumingala si Marko at tumingin sa direksiyon ng silid niya. Ilang saglit itong nakatingin lang doon bago lumulan sa sasakyan nito. Ilang sandali pa ay sunod-sunod nang lumabas mula sa bakuran nila ang apat na sasakyan. Kay Marko ang isa habang ang tatlo ay kinalululanan ng ama nito at nang iba pang miyembro ng pamilya de Gracia. Nasa Ireland ang mga ito ngunit nang malaman ang tungkol sa kanya ay agad na umuwi ng Pilipinas.
Ilang ulit nang nagpapabalik-balik sa kanila ang pamilya ni Marko para hingin ang kanyang kapatawaran subalit tuwina ay hindi niya hinaharap ang mga ito. Araw-araw din na pinapadalhan siya ni Marko ng mga bulaklak at kung ano-ano pang bagay ngunit tuwina ay sa basurahan ang bagsak ng mga iyon. Hindi pa niya mahanap sa puso niya ang pagpapatawad na hinihingi ng mga ito.
Naupo siya sa gilid ng kanyang kama nang tuluyan nang mawala sa paningin niya ang mga sasakyan. Ilang sandali pa ang lumipas nang makarinig siya ng mahihinang katok sa pinto ng kanyang kuwarto.
"Bukas po 'yan," wika niya. Agad namang bumukas ang pinto at iniluwa ang daddy niya.
"Umalis na sila, hija," anito pagkaraang maupo sa tabi niya.
Malungkot na tumango siya. "Ipagpaumanhin n'yo po ang hindi ko pakikiharap sa kanila, Dad. Mabuti na po siguro ang ganito kaysa pakiharapan ko sila at makapagbitiw pa ako ng masasakit na salita."
"Naiintindihan kita, hija."
"D-Dad."
"Angela, hija, hindi nila hawak ang pag-iisip ni Manuel. Hindi nila kagustuhan ang mga nangyari noon."
Napapikit siya kasabay ng muling pag-agos ng kanyang mga luha. Napakalawak ng pang-unawa ng daddy niya samantalang siya ay tila napakatigas ng puso. Ito rin ang nakiusap sa kanya na huwag na lang silang magsampa ng kaso dahil wala na rin naman si Manuel.
"M-matigas nga po siguro ang puso ko, Dad," pagsasatinig niya sa nilalaman ng kanyang isip.
"Natural na reaksiyon lang 'yan ng mga taong nasasaktan, hija. Katulad nga ng sinabi ko, hindi rin agad ako nagpatawad. Pero, hija, isipin mo na Siya nga ay nakapagpatawad, tayo pa kaya na tao lang?"
Napangiti siya sa sinabi nito. "Huwag po kayong mag-alala, Dad. Pasasaan ba't matututo rin akong magpatawad. Sa ngayon po kasi, masyado pang sariwa ang sugat dito sa puso ko. Kaunting panahon pa po ang hinihingi ko."
"Napakabuti mong bata, Angela. Nasaan man ang mommy mo ngayon, nasisiguro ko na ipinagmamalaki ka niya," nakangiting sabi nito. Nang tingnan niya ito ay namumula ang mga mata nito sa pagpipigil na maiyak.
"T-thank you, Dad."
BINABASA MO ANG
A Home In His Arms (Completed)
RomancePHR Ang nobelang pinagmulan ng Story Of Us Trilogy at Valencia Series. :)
