Part 6

12.1K 274 4
                                    


Mabilis na pinatakbo niya ang kabayo nang makasakay na siya roon. Alam na alam na ng kabayo kung saan siya tutungo. Nang makarating sa tuktok ng burol ay bumaba na siya ng kabayo at pasalampak na umupo sa damuhan. Mula roon ay tanaw na tanaw niya ang dalawang panig ng Catalina—Ang Centro at ang Hacienda. Napangiti siya sa kabila ng alalahanin niya. Napakaganda talaga ng Catalina. Who would have thought that two different worlds could be found in one place?

"What's the problem, Doctor?"

Napapitlag si Angela nang marinig iyon. Hindi na niya kailangang lumingon para tingnan kung sino iyon dahil kilala na niya ang boses na iyon. It was Dylan. Gayunman, nakatitiyak siyang hindi lamang si Dylan ang nasa likuran niya. Sigurado siya na naroon din ang iba pa niyang pinsan. Baka nagpapaligsahan na naman ang mga ito sa pagpapatakbo ng kanya-kanyang stallion kaya naroon ang mga ito.

Tama nga siya ng hinala nang lingunin niya si Dylan. Bukod dito, naroon din sina Enteng, Brandon, at Charlie na mga pawang nakahalukipkip habang nakasandal sa mga puno na naroon.

"What's the problem, kiddo?" tanong ni Enteng sa kanya.

Sinimangutan niya si Enteng. "Isa pang kiddo, sasamain ka na talaga sa 'kin. Baka gusto mong pagpraktisan kita ng Muay Thai?" nakataas ang isang kilay na tanong niya rito. Mas matanda kasi siya nang dalawang taon kina Vicente o Enteng at Charlie habang mas matanda naman sa kanya sina Brandon at Dylan.

Humalakhak ang mga ito, hindi tuloy niya maiwasang pagmasdan nang palihim ang mga ito. Napakaguwapo ng mga ito, walang itulak-kabigin. Sa apat na pinsan na nasa harap niya, si Charlie lamang ang masasabi niyang dehado pagdating sa ganda ng katawan. Hindi naman ito payat at tama lang ang katawan nito pero dahil katabi nito sina Enteng, Brandon, at Dylan ay nagmumukha itong malnourished. Maskulado kasi ang tatlo kaysa rito at sa kaswal na kasuotan ay kitang-kita na agad ang kakisigan ng mga ito.

Malapit sa kanya ang lahat ng kabinataan at kadalagahan ng Catalina, lalo na ang mga pinsan niya pero ang maituturing niyang best friend ay si Alexander Mondragon—isang international model. Nasa Centro naman ang mga ari-arian ni Alexander at ng kapatid nitong sundalo na si Vladimir. Sa ngayon ay nasa Milan si Alexander para sa European catwalk invasion nito.

"May problema ba sa clinic mo sa Centro? You seem upset."

Isang taon na ang klinika niya sa Centro. Noong una ay siya lamang ang doktor doon pero dahil dumarami na ang mga pasyente niya ay kumuha na rin siya ng makakatulong. Tamang-tama naman dahil nagdoktor din si Jenny. Katulad niya ay taga-Catalina rin ito. Kamakailan lamang ay nakakuha na ito ng lisensiya sa pagdodoktor. Hati sila ng schedule ni Jenny, salitan sila mula Lunes hanggang Biyernes. Rest day naman nila ang Sabado at kapag Linggo ay pareho silang nasa clinic. Kapag nagkataong may lakad ang isa sa kanila ay nagbibigayan na lamang sila ng shift. Martes noon kaya si Jenny ang nasa clinic.

"Upset? I'm not upset. At wala ring problema sa clinic. Kung ano-ano 'yang nakikita n'yo. Pero mabuti na lang at nandito kayo, tara sa fruit farm. Balita ko, puwedeng lantakan ang mga pakwan do'n," pag-iwas ni Angela sa mga ito. Alam ng mga ito na hindi dugong-Valencia ang nananalaytay sa mga ugat niya pero kahit minsan ay hindi siya itinuring na iba ng mga ito. Gusto tuloy niyang makonsiyensiya sa mga pagkakataong pinaiiral niya sa mga ito ang pagiging "solong babae" niya sa kanilang henerasyon.

Nagkatinginan ang mga ito na para bang hindi naniniwala sa kanya na wala siyang problema. Gayunman, nagkibit-balikat na lang ang mga ito. Marahil ay nararamdaman ng mga ito na hindi pa siya handang pag-usapan kung ano mang bumabagabag sa kanya.

Nang sumipol si Enteng ay lumitaw mula sa kung saan ang kabayo nito. Ganoon din ang ginawa ng tatlo pang kalalakihan.

"Race?" hamon ni Enteng sa kanya. Noon pa man ay madalas na siyang hamunin ng mga ito ng karera at sa tuwina ay siya ang nananalo. Pero nalaman niyang pinagbibigyan lamang pala siya ng mga ito. Isang linggo niyang hindi pinansin ang mga ito dahil doon.

Pero nang araw na iyon ay wala siya sa mood kaya tinanggihan niya ang mga ito.

Dahil sa matamlay niyang sagot kaya muling nagkatinginan ang mga ito.

"Doon tayo sa cabin ko," yaya ni Dylan.

Isa lang ang ibig sabihin ng pagyaya ni Dylan sa cabin nito. Iinom sila ng alak. Gawain na nila iyon tuwing may okasyon o kung may problema ang isa sa kanila. Ganoon sila kalapit na magpipinsan; kahit ang magkapatid na Alexander at Vladimir ay malapit na kaibigan din ng mga ito.

"Kakantahan ka namin, mag-request ka lang ng kantang gusto mo," wika ni Enteng.

"Ipagluluto kita ng paborito mong sisig," nang-eengganyong wika ni Charlie.

"Sige na nga! Umaandar na naman 'yang kakulitan n'yo." Binalingan niya si Enteng. "Sinabi mong kakanta ka, ha," nangingiting wika niya rito. She loved hearing him sing. Enteng was a star in the music industry. Girls went gaga over him. Malamig at buong-buo kasi ang tinig nito, idagdag pa ang kaguwapuhan nito at kakaibang appeal na taglay nito.

"Sure. Para sa 'yo, Angel."

"Pero gusto ko pa rin ng pakwan, eh. Daan na lang muna tayo sa fruit farm bago tayo tumuloy sa cabin ni Dylan. Call?" Agad namang sumang-ayon ang mga ito. Ilang sandali pa at magkakasunod na ang mga kabayo nila sa pagtalunton sa kinaroroonan ng fruit farm.


A Home In His Arms (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon