Part 13

9.8K 257 4
                                    


MULING sinulyapan ni Angela ang relo niya. Limang minuto nang late si Alexander. Inilabas niya ang kanyang cell phone para tawagan sana ito pero naunahan na siya ng kaibigan at nag-flash na ang numero nito sa screen ng cell phone niya.

"You're late!" agad na sabi niya rito. Hindi man niya ito nakikita ay alam niyang nagkakamot na ito ng batok at pagkatapos ay magpapa-cute na sa kanya.

"I'm sorry. Na-extend 'yong meeting, eh, at—"

"At hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos ang meeting na 'yan. Na nag-excuse ka lang para matawagan mo 'ko?" gagad niya sa sasabihin nito. "Xander, kagagaling mo pa lang sa Milan noong isang linggo. Aba, magpahinga ka naman muna!" dagdag pa niya.

"Actually, nagdadalawang-isip pa rin ako kaya tumatagal ang meeting na 'to. Parang gusto ko na rin munang magtago sa Catalina."

"O, eh, ano pala ang pumipigil sa 'yo?" Imposibleng pera dahil mayaman na rin si Alexander. Yumaman ito mula sa malaking kinikita nito sa pagiging international model. Pinag-aagawan na ito ng mga modeling agency dahil wala itong kiyeme sa pagmomodelo. Bukod kasi sa mga outside apparel, pati underwear ay imino-model na rin nito. Dahil doon ay hindi na siya nagtataka kung bakit pinagpapantasyahan ito ng kababaihan at maging ng mga may-pusong babae. May motto kasi ang kaibigan niya na "if you've got it, flaunt it!" Kaya hayun ang damuho at wagas kung makapagpakita ng perpekto na yata sa kagandahan nitong katawan.

Kung minsan ay siya na ang naiilang na tingnan ang mga daring poster nito. Moreno rin ito kaya naman lalong lumakas ang appeal nito. Iyon nga lang, mayroon itong ugaling kinaaayawan niya. Moody ito. Natatandaan pa niya noong maliliit pa sila ay mahilig itong makipag-away sa Centro dahil na rin sa pagiging moody nito.

"Hindi ko rin alam," sagot nito, saka bumuntong-hininga. "Pasensiya ka na, Angela, ha? Tatawagan ko na lang si Charlie para siya na lang ang sumundo sa 'yo. Babawi ako mamaya, promise."

"No need. Okay lang naman ako. Huwag mo nang istorbuhin si Charlie, I can manage. Parang gusto ko ring sumakay ng jeep ngayon," nakangiting sabi niya rito. Mula kasi sa SM Bacoor ay puwedeng jeep na lang ang sakyan papunta sa Imus kung saan ay naroon ang town house na pag-aari ni Alexander.

"Jesus, Angela! No way! Huwag kang aalis diyan, pupunta na lang ako diyan," biglang sabi nito mula sa kabilang linya.

Itinirik niya ang kanyang mga mata kahit hindi naman siya nito nakikita. "Masyado kang overact—" Bigla niyang natutop ang kanyang bibig. Bakit ba nakalimutan niya na may phobia nga pala ito sa jeep? Nagkaroon ito ng phobia dahil sa aksidente sa jeep ang ikinamatay ng mga magulang nito at ng nag-iisa nitong kapatid na babae. Sasakyan nito ang kahit na anong sasakyan maliban na lang sa jeep. "I'm sorry," aniya rito nang makabawi. Alexander had become protective of her since the accident. Ayon na rin dito, kapatid na raw ang turing nito sa kanya.

Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. "Wala 'yon. Stay put, Angela. Hindi ko na tatapusin ang meeting na 'to. Pupunta na 'ko diyan."

"No!" maigting na tutol niya rito. Napabuntong-hininga siya. "Okay, para matahimik ka, hindi na lang ako sasakay sa jeep. Magta-taxi na lang ako o kaya naman ay tatawagan ko na lang si Charlie. Xander, I'll be fine. Don't worry, okay? Siyanga pala, gusto ko ng thin crust pizza. Pasalubungan mo 'ko mamaya, ha," pag-iiba niya sa usapan nila.

"Okay, take care."

Tinapos na ni Angela ang pakikipag-usap kay Alexander. Dina-dial na niya ang numero ni Charlie nang magdalawang-isip siya. Alam niyang busy ngayon si Charlie sa restaurant nito. Napatingin siya sa paradahan ng jeep. Natuto siyang sumakay sa jeep dahil kay Alexander—iyon ay noong hindi pa nangyayari ang aksidente. Maging ang mga pinsan niya ay sumasakay rin sa jeep. Hindi naman siguro makakarating sa kaalaman ni Alexander na sinuway niya ito.


A Home In His Arms (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon