Part 20

9.7K 252 12
                                        


"WHERE is she?" excited na tanong ni Hanna kay Marko pagkarating na pagkarating nito sa restaurant. Marami siyang plano para sa araw na iyon pero wala siyang hawak na pera kaya tinawagan niya ito kanina gamit ang telepono ng restaurant. Inisip niyang dumaan na lang sa bangko pero baka mahabang proseso pa iyon, lalo na at wala siyang dala na ano mang identification cards.

Siyempre pa ay nag-usisa muna si Hanna kaya umamin na rin siya na naiwan niya ang wallet niya sa loob ng kotse niya sa pagmamadaling makasakay sa jeep. Nagkataon namang nagtungo sa ladies' room ang dalaga nang dumating si Hanna kaya hindi nagpang-abot ang mga ito.

Tumingin siya sa kanyang relo. Masyado na yata siyang matagal? Tumayo siya at sa malalaking hakbang ay tinungo niya ang ladies' room. Sinundan pala siya ni Hanna kaya napigilan nito ang tangka niyang pagpasok sa loob niyon.

"Hoy, bawal ka diyan, Marko!" natatawang sita nito sa kanya, saka hinawakan ang braso niya.

"Baka may masama nang nangyari sa kanya sa loob," nag-aalalang sagot niya rito.

Nginitian siya ni Hanna; nanunukso ang klase ng ngiti nito. "Tinamaan ka na talaga ni Kupido. Wait here, ako ang papasok sa loob." Tumango na lang siya. Ilang sandali lang ay lumabas agad ito. "May tao sa loob pero sigurado ako na hindi siya si Angela dahil may-edad na—"

Hindi na niya ito pinatapos sa pagsasalita. Agad na siyang lumabas ng establisimyento. He couldn't find her. Lumigid siya sa kabilang bahagi ng establisimyento at nakita niya itong nakatayo sa driveway na tila may hinihintay.

"Angela!" Pero bago pa siya makalapit dito ay may pumarada nang isang BMW sa harap nito. Dali-daling sumakay roon ang dalaga. "Damn!" bulalas niya. Mabuti na lang at natandaan niya ang plate number ng sasakyan. Madali na niyang malalaman kung kanino ang sasakyang iyon.

Kung alam lang niya na may balak itong iwan siya ay itinali na sana niya ito sa tabi niya, o kaya naman ay sinamahan niya ito hanggang sa ladies' room. He sighed. Tama si Hanna, tinamaan na talaga siya ni Kupido.

Nang bumalik siya sa restaurant ay niyaya na niyang umuwi si Hanna. Pero nang masulyapan niya ang mga pagkain ay bigla siyang natigilan. Iyon sana ang unang pagkain na pagsasaluhan nila ni Angela. Nakakalungkot lang na napurnada pa iyon.

Tinawag niya ang waiter at ipinabalot na lang ang mga pagkain. Iiling-iling naman si Hanna sa ginawa niya pero ipinagkibit-balikat na lang niya iyon. He was acting weird pero wala siyang pakialam. Hindi rin niya nakalimutang bitbitin ang mga paper bag na marahil ay pinamili ni Angela kanina sa SM Bacoor kung saan niya ito nakita. Magkikita uli sila nito, nararamdaman niya iyon.

Nang makauwi sa bahay ay agad na tinawagan ni Marko ang isa sa mga tauhan niya. Inutusan niya ito na hanapin o i-trace sa LTO kung sino ang may-ari ng plate number ng BMW na sinakyan ni Angela kanina. Wala pang isang oras ay may sagot na kaagad ang tao niya, ganoon kabilis gumalaw ang pera sa Pilipinas. Ayon sa LTO records ay pag-aari ng modelong si Alexander Mondragon ang sasakyan.

He opened his laptop and surfed the web. Sa modernong teknolohiya ay madali na siyang makakakuha ng iba pang impormasyon tungkol sa Alexander na iyon. True enough, marami nga siyang nalaman tungkol dito. Nag-link din ang pangalan nito bilang guest sa isang charity ball na gagawin sa tahanan ng isang sikat na fashion designer sa Pilipinas. At sa makalawa na ang pagtitipong iyon. Malakas ang kutob niya na dadalo roon ang modelo at hindi niya alam kung bakit malakas din ang kutob niya na doon niya muling makikita si Angela. Kailangan lang niyang makadalo sa pagtitipong iyon.


A Home In His Arms (Completed)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon