IF YOU can only change the past, Marko... Kung hindi mo lang sana siya kadugo. Tumikhim muna si Angela bago siya magsalita. "Sit down, Marko. Yaman din lang na narito ka na, mas mabuti pa nga siguro na mag-usap na tayo," seryosong wika niya. Naupo na rin siya sa one-seater sofa na naroon.
Reluctantly, he took the seat next to hers.
"I'm sorry, Marko, pero sana, huwag mo muna akong lalapitan o kakausapin. Gusto ko munang mag-isip. Naging padalos-dalos ako sa mga naging desisyon ko. Give me some space, Marko," matatag na wika niya. Gusto niyang palakpakan ang sarili niya dahil nasabi niya ang lahat ng iyon nang deretso at hindi nauutal.
Bumadha ang pagkabigla at takot sa mga mata ni Marko. Nag-iwas siya ng tingin para hindi na niya makita pa ang emosyong nagsasalimbayan sa mukha nito. Alam niyang nasaktan niya ito pero wala pa iyon sa katiting na sakit na naranasan niya sa kamay ng ama nito. Hanggang ngayon nga ay hindi pa siya makapagdesisyon kung ipapakulong ba niya ang ama nito o hindi. Kapag idinemanda naman niya ito ay mauungkat ang nakaraan at lalo lang siyang hindi matatahimik. Pinag-iisipan pa niyang mabuti ang susunod niyang hakbang at gusto rin niyang hingin ang opinyon ng daddy niya.
"Is that it, Angela? Nagpadalos-dalos ka sa pagdedesisyon? At ngayon ay napagtanto mong nagkamali ka pala ng desisyon kaya para akong multo na nilalayuan mo ngayon?"
Muli siyang tumingin dito. Nasorpresa siya nang makita niyang galit at hindi na sakit ang nababanaag niya sa mga mata nito. "Iyan ba ang epekto ng pagbabalik ng mga alaala mo? Sana pala, niluhuran ko ang lahat ng simbahan para hindi na lang bumalik ang mga alaala mo," dugtong pa nito.
Tila umalsa lahat ng dugo niya sa sinabi nito. "Luluhod ka sa lahat ng simbahan para hindi na bumalik ang alaala ko?" mataas ang tinig na ulit niya sa sinabi nito. "Para ano, Marko? Para habang panahon na rin matakasan ng ama mo ang krimen niya?" bulyaw niya rito. Gusto niyang umiyak pero nangingibabaw ang poot sa puso.
Umawang ang mga labi nito sa pagkabigla. "What are you talking about, Angela? Ano'ng kinalaman ng ama ko sa nakaraan mo?" naguguluhang tanong nito. Hindi rin nito maitago ang takot sa mga mata nito.
"What I am talking about? Puwes, makinig kang mabuti, Marko! Sasabihin ko sa 'yo ngayon kung bakit ako napadpad sa Catalina. Dahil 'yon sa ama mo, sa walanghiya at baliw mong ama!" galit na galit na sabi niya rito.
Tumiim ang anyo nito. "Angela, you don't know my father. Huwag mo siyang pagsasalitaan nang ganyan!" Halatang hindi nito nagustuhan ang mga narinig nito mula sa kanya.
Noon pumatak ang mga luha niya. "Y-your father abducted me, Marko. Siya ang dahilan ng pagkawala ko!" Sa pagitan ng paghikbi ay paputol-putol na isinawalat niya rito ang buong kuwento.
Kulang ang salitang shock para ilarawan ang naging reaksiyon ni Marko sa mga rebelasyon niya. Nakaawang ang mga labi nito at tila tinakasan din ng dugo ang mukha nito dahil putlang-putla ito.
"N-ngayon, naiintindihan mo na ba kung bakit hindi puwedeng maging tayo? N-nauunawaan mo na ba kung b-bakit bigla-bigla na lang akong n-nagkaganito?" humahagulhol na tanong niya rito.
"N-no!" umiiling na wika nito na tila kagigising lang mula sa isang bangungot. His expression told her that he was torn between believing her or his father. "H-honey, h-hindi 'yan magagawa ni Papa."
"He did, Marko, he did!" asik niya rito. "Wala kang ideya kung gaanong takot ang naramdaman ko sa kamay ng ama mo!" Patuloy lang sa pagpatak ang mga luha niya. "It was the scariest moment of my life, Marko..."
Tinangka nitong lumapit sa kanya ngunit umatras siya na para bang pati ito ay kinatatakutan na niya. "Damn it, Angela! I'm nt going to hurt you in any way. Huwag kang umakto na para bang papatayin kita!" frustrated na wika nito.
"A-anak..."
Sabay silang napalingon ni Marko sa tinig na iyon ng daddy niya. Tumakbo siya papalapit dito at mahigpit na yumakap dito. Sigurado siya na narinig din nito ang mga sinabi niya tungkol sa ama ni Marko.
"D-Dad..." humahagulhol na wika niya.
"Tayo naman ang mag-usap," baling nito kay Marko. Wala na siyang nagawa kundi sumama sa Mama Anna niya sa silid. Nilingon muna niya si Marko. She knew he was hurting at hindi niya maintindihan kung bakit tila mas nasasaktan siya sa paghihirap na nababanaag niya sa mga mata nito.
BINABASA MO ANG
A Home In His Arms (Completed)
RomancePHR Ang nobelang pinagmulan ng Story Of Us Trilogy at Valencia Series. :)
