"MARKO!" humihingal na sigaw ni Angela nang magising siya. Napagtanto niya na panaginip lang ang lahat. Napapikit siya, sabay haplos sa labi niya. Parang totoong-totoo na hinagkan siya ng kanyang asawa.
"Hmm... A-Angela, h-honey..."
"Jesus!" Natutop niya ang kanyang dibdib nang mapagtanto niyang hindi siya nag-iisa sa loob ng kuwarto niya. Naroon si Marko at tila lamig na lamig habang namamaluktot.
Uminit ang ulo niya nang mahagip ng paningin niya ang annulment papers na pinagpupunit niya. Ano pa ba ang ginagawa nito sa silid niya? Gusto ba nitong siguruhin na pipirmahan niya ang mga papeles na iyon?
Muling namasa ang mga mata niya dahil doon. Damn you, Marko! Pa'no mo 'ko nasasaktan nang ganito? She was ready to fight with him nang muling umungol si Marko. Gumalaw ito at bumaling sa kanya.
"A-Angela..." Pilit itong dumidilat. Napansin din niya ang butil-butil na pawis sa noo nito. Until she realized that Marko was sick. Nakumpirma niyang may sakit nga ito nang idampi niya rito ang nanginginig na kamay niya. Sobrang init nito.
Agad na napuno ng pag-aalala ang dibdib niya para sa asawa. Natatarantang binalot niya ito ng makapal na comforter at saka nagmamadaling lumabas ng kuwarto para kumuha ng palanggana ng tubig at bimpo.
Nakita niya ang Yaya Mina niya kaya dito siya humingi ng palanggana ng tubig at bimpo, gayundin ng mga gamot. Nalaman din niya na ang daddy niya ang nagpapasok kay Marko. Ayon na rin sa Yaya Mina niya ay umalis ang daddy niya kasama ang Mama Anna niya. Sinabi rin ni Yaya Mina na aalis din ito para makapag-usap sila nang maayos ni Marko. Napatango na lang siya kahit wala siyang maintindihan sa mga sinabi nito. Binabalot kasi ng pag-aalala ang puso niya at gusto niyang makabalik agad sa kanyang silid.
Pagbalik niya sa silid ay agad niyang ginising si Marko at ipinilit dito na ipalulon ang mga gamot. Pagkatapos ay hinubad niya ang polo nito at pinunasan ang katawan nito para maginhawahan ito kahit paano. Hindi pa siya nangangalahati sa ginagawa nang kabigin siya nito at niyakap nang mahigpit.
"M-Marko!"
Bahagya itong dumilat. Malamlam ang mga mata nitong bahagyang nagluluha. Hindi niya alam kung dahil lang ba iyon sa sakit nito o may iba pang dahilan ang luhang iyon. "P-please stay," mahinang wika nito bago isinubsob sa pagitan ng balikat at leeg niya ang mukha nito habang ang mga bisig ay mahigpit pa ring nakayakap sa kanya.
She bit her lip then closed her eyes. Ah, it felt so good to be in his arms again. Hindi na niya pinigilan ang sarili niya at marahan niyang hinaplos ang buhok nito. Miss na miss na niya ito at hindi niya alam kung paano siya nabuhay sa loob nang mahigit isang buwan na wala sa piling ng kanyang asawa. She loved him. Mahal niya ang kanyang asawa at mamahalin niya ito hanggang sa huli.
Pero agad napuno ng lungkot ang puso niya nang maalala ang annulment papers na ipinadala nito.
Marko, paano ako mabubuhay kung wala ka na? Paano ako magsisimula sa sandaling matapos na ang lahat-lahat sa atin? Where would I go to start over when in your arms is where I want to be?
Bigla na namang sumungaw ang mga luha sa kanyang mga mata. Pero bago pa man tuluyang malaglag ang mga luha niya ay naramdaman na niya ang mainit na likidong bumagsak sa leeg niya.
"Marko!" gulat na bulalas niya. Hindi siya maaaring magkamali, umiiyak ang asawa niya!
"S-sabi mo... S-sabi mo puwede akong umiyak sa balikat mo kapag gusto kong umiyak. S-sabi mo pupunasan mo ang mga luha ko..." namamaos ang tinig na sabi nito na para bang ano mang oras ay sisigok ito. "I-I feel like crying, Angela. G-gusto kong iiyak ang mga nangyayari sa 'tin. I-I'm so sorry that a member of my family hurt you so bad. I-I'm so s-sorry I couldn't do anything to take away the p-pain." Muli na naman niyang naramdaman ang mainit na likidong iyon. Sa bawat pagpatak ng mga luha nito ay tila patalim na sumusugat iyon sa puso niya.
Hanggang sa hindi na siya nakatiis. Bahagya siyang gumalaw upang makita ang mukha ni Marko. She almost gasped when she saw his face drenched with tears. Iniangat niya ang nanginginig na mga kamay at pinunasan ang mga pisngi nito. Walang kasalanan sa kanya si Marko. Nagkataon lang na pamangkin ito ng taong may-sala sa kanya. Walang ibang ipinakita sa kanya si Marko kundi ang pagmamahal nito.
And maybe... maybe God had given Marko to her para tubusin ang kasalan ng tiyo nito.
"A-Angela, honey... h-humihingi ako ng kapatawaran para sa tito ko. I'm so sorry. H-hindi ko hinihiling na ibigay mo agad ang kapatawaran but p-please—"
"Sshh... Magpagaling ka agad, Marko, para makapag-usap tayo nang maayos," aniya rito, saka ito niyakap nang mahigpit.
"A-Angela..."
"M-mahal mo pa ba ako, Marko?"
Marahan itong kumalas mula sa pagkakayakap niya. Kinuha nito ang kamay niya at itinapat sa dibdib nito. Patuloy na tumutulo ang mga luha mula sa mga mata nito ngunit tila wala itong pakialam makita man niya ang mga luhang iyon. "H-hanggang tumitibok ang puso ko, mamahalin kita, Angela."
Sa kabila ng mga luhang nagsisimula nang bumalong sa mga mata niya ay napangiti siya. Sa ngayon ay sapat na ang sagot nitong iyon para sa kanya. "Rest now, honey. Magpagaling ka. Bukas tayo mag-usap." Bahagya itong umungol nang pahigain niya ito pero hindi na nagprotesta pa. Ilang sandali pa ay ramdam na niya ang payapang paghinga nito.
"Mahal din kita, Marko, hanggang tumitibok ang puso ko..." mahinang wika niya bago dinampian ng halik ang mga labi ng natutulog niyang asawa. Tomorrow, they will talk and settle everything but for now, she would keep her sick husband warm throughout the night.
BINABASA MO ANG
A Home In His Arms (Completed)
RomancePHR Ang nobelang pinagmulan ng Story Of Us Trilogy at Valencia Series. :)