Part 55

7.3K 213 0
                                    


Tumulo ang mga luha ni Angela. Ngayon ay malinaw na niyang napagdugtong-dugtong ang mga bahagi ng kanyang pagkatao. Napadpad siya sa Catalina, nakita siya ng Mama Anna niya, at nawala ang memorya niya kaya itinuring na lang siya nitong anak nito. May dahilan pala talaga ang mga bangungot niya. Nakadama siya ng walang kapantay na galit para sa Manuel na iyon dahil sinira niyon ang buhay niya, ang buhay nilang mag-ama.

Daddy... Napahagulhol siya nang maalala ang kanyang ama. What happened to her father when she was gone? Natatandaan niya na may mga CCTV sa bahay nila. Kung hindi siya nagkakamali ay may camera din sa pinto nila. Kung gayon ay maaaring nakunan ng camera ang pagdating ni Manuel sa bahay nila. Isa pa ay exclusive ang subdivision nila. Lahat ng pumapasok at lumalabas na sasakyan doon ay naka-record sa entrance pa lang ng subdivision.

They had a way to look for her. Sa mga CCTV pa lang ay malalaman na agad kung sino ang kasama niya nang araw na mawala siya. Pero bakit ang sabi ng Mama Anna niya ay wala diumanong balita ng pagkawala niya? Na nagpaimbestiga rin ito para malaman kung may naghahanap ba sa kanya? Ah, she didn't know what to think anymore.

Biglang bumukas ang pinto. "Angela..." wika ni Marko nang makita nitong gising na siya. Agad bumakas ang relief sa mukha nito. "Thank God, you're awake." Agad itong lumapit sa kama niya. Naupo ito sa tabi niya at hinawakan ang kanyang kamay. Ibinaling niya sa ibang direksiyon ang kanyang mukha nang akmang hahalikan siya nito. Binawi rin niya ang kamay niya mula sa pagkakahawak nito.

"A-Angela... honey," tila naguguluhang usal ni Marko.

Hindi siya sumagot, sa halip ay ipinakita niya rito na ayaw niya itong makita. She couldn't forgive him. Nananalaytay sa dugo nito ang taong dahilan ng mahabang panahon na pagdurusa nilang mag-ama. Hindi nito alam kung ano ang pakiramdam na gumising mula sa isang bangungot na takot na takot.

Noon din dumating ang kanyang Mama Anna. Marahil ay naramdaman agad nito ang tensiyon na bumabalot sa pagitan nila ni Marko.

"Angela..." Sinubukang hawakan uli ni Marko ang kamay niya pero tila napapasong umiwas siya rito. Iniiwasan din niyang mapatingin sa mga mata nito.

"L-leave," aniya rito bago pumikit. "'Ma, get him out of here. Please."

"Angela..." Mahihimigan sa boses ni Marko ang pagkalito. "Ano ba'ng nagawa ko? Tell me..."

Hinarap niya ito. Nakita niya ang halo-halong emosyon na nagsasalimbayan sa mga mata nito. Pero hindi kayang pahupain niyon ang nagngangalit niyang damdamin. "Leave! I said, leave me alone! Hindi ka ba makaintindi?" asik niya rito. Marahas na pinahid niya ang mga luhang naglandas sa mga pisngi niya.

"Angela!" saway sa kanya ng kanyang ina. "Ano ba'ng nangyayari sa 'yong bata ka?"

Nang tingnan niya si Marko, kitang-kita niya ang labis na kalungkutan sa mga mata nito. "Lalabas na muna ako, Mama," anito bago malalaki ang hakbang na nilisan ang silid na iyon.

"Jesus, Angela! What was that?"

Bumaling siya sa kanyang ina. "M-Mama..." Hindi na niya napigilan ang sarili at yumakap na siya rito. Isinubsob niya ang mukha niya sa dibdib nito at sa pagitan ng pag-iyak ay paputol-putol na ikinuwento niya rito ang mga natuklasan niya.

"God!" ang tanging reaksiyon nito bago hinaplos ang likod niya. "Sigurado ka ba, Angela? Sigurado ka bang ama ni Marko ang lalaking iyon?"

"Sigurado po ako, Mama. Parang kahapon lang nangyari ang lahat ng iyon. M-malinaw na malinaw na sa isip ko ang lahat," aniya. Muli siyang napahagulhol.

"A-ano'ng plano mo ngayon?" mayamaya ay tanong nito sa kanya nang humupa na ang kanyang emosyon.

"H-hindi ko po alam, hindi ko alam," desperadong wika niya. "A-ang daddy ko, ang daddy ko! Kawawa naman ang daddy ko," aniya bago muling napahagulhol. Nakikini-kinita na niya ang paghihinagpis ng ama niya dahil sa pagkawala niya, at lalong bumigat ang loob niya dahil doon. Paano tinanggap ng ama niya ang lahat?

"Sshh..." Niyakap siya ni Mama Anna. "Huminahon ka, Angela, huminahon ka... Natatandaan mo na rin ba kung saan kayo nakatira?"

Pumikit siya nang mariin bago tumango. "N-natatakot ako, Mama. Baka hindi na niya ako kilala. Baka nakalimutan na niya 'ko..."

"Sigurado akong hindi ka niya nakalimutan, hija. Kumalma ka muna. Wala bang masakit sa 'yo? Mabuti na lang at nakapagpreno kaagad ang driver ng sasakyan na nasalubong mo. Hindi ka niya nabangga, hija. Shock marahil ang dahilan kaya nawalan ka ng malay-tao."

"I w-wish I just died..." mapait na wika niya. Ano ang naging kasalanan niya para paglaruan siya ng kapalaran? Bakit kailangang maging bahagi pala ng pangit na nakaraan niya ang lalaking pinakamamahal niya at ngayon ay asawa na niya?

"Don't say that, Angela!"

"Puwede po ba akong magpa-discharge ngayon? Gusto ko nang umuwi, 'Ma... Sa Catalina— No, gusto ko palang umuwi s-sa... sa a-amin... sa d-daddy ko..."

"P-paano si Marko?"

Napailing siya. "Ayoko muna siyang makita, Mama. Ang mukha ng ama niya ang nakikita ko tuwing naiisip ko si Marko. I can't stand ever seeing him again. Bumabalik ang takot na naramdaman ko noon, lalo na nang abutan na ako ng gabi na palutang-lutang sa dagat. H-halos mamatay ako sa takot na baka may mga pating na bigla na lang sakmalin ang binti ko o ang braso ko." Muling namaybay ang mga luha sa kanyang mga pisngi. "I hate him, I hate them!" humahagulhol na sabi niya. Mariin siyang pumikit.

"Angela, don't say that. Hindi mo pa alam ang buong pangyayari. Maaaring anak nga siya ng taong may sala sa 'yo pero wala naman siyang kinalaman doon, hija."

Matigas na umiling siya. "I hate him..." Kapagkuwan ay dumilat siya. "Sina Dylan, alam na ba nila ang nangyari sa 'kin, Mama?"

Tumango ito. "Narito sila kaninang tulog ka. Babalik na lang daw sila mamaya."

Sa kabila ng pananakit ng kanyang katawan, pinilit niyang tumayo.

"Angela, huminahon ka muna, hija."

She looked at her mother. "Sabihin nga ninyo sa akin ang totoo, 'Ma. Wala ba talagang naghanap sa 'kin? Walang missing persons report na napabalita tungkol sa pagkawala ko?" Mahal na mahal siya ng daddy niya. Hindi siya nito sinisi kahit na namatay sa panganganak sa kanya ang tunay niyang ina kaya nakatitiyak siya na hahanapin at hahanapin siya nito.

Bigla itong nag-iwas ng tingin ngunit sapat na ang ginawa nito para makita niyang tinakasan ng kulay ang mukha nito.

A Home In His Arms (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon