Part 21

10.1K 254 2
                                    


"HINDI na talaga ako makakatanggi, 'no?" nakalabing wika ni Angela kay Alexander habang pinapasadahan ng tingin ang isang cocktail dress na kade-deliver lang sa town house na tinutuluyan niya. Hindi na natuloy ang pag-uwi sana niya kahapon sa Catalina. Humiling kasi ito na samahan muna niya ito sa isang charity event. Nakatawag na siya sa mama niya at ipinaalam dito ang pagbabago ng plano niya.

"Wala ka nang choice. Sasamahan mo 'ko kung ayaw mong magmukha akong tanga ro'n."

Nakaawang ang mga labing binalingan niya ito. "Sino'ng niloloko mo, Xander? Ikaw, magmumukhang tanga? Aba, eh, isang pitik lang yata ng daliri mo, pipila na ang mga babaeng nahuhumaling sa 'yo!" Pumalatak pa ito.

Pinatulis nito ang nguso nito. "Sige na, pet."

Tumabi siya rito at saka ito binatukan nang mahina. "May pa-pet-pet ka pang nalalaman ngayon! Para akong aso, ah!"

Kumamot ito sa ulo. "Alam mo, ikaw, nasasanay ka nang binabatok-batukan ako! Sumusobra ka na, ha? Baka nakakalimutan mong international model na 'ko?"

Natawa siya. "O, siya, sige na. Basta ipangako mo lang na hindi mo ako iiwan do'n, ha? Naku, kilala kitang lalaki ka. 'Pag may nakita kang magandang babae ro'n na pasok sa taste mo, siguradong iiwan mo na 'kong mag-isa." Mabuti na nga rin siguro na sumama siya kay Alexander para kahit paano ay mawaglit sa isip niya si Marko. Hanggang nang mga sandaling iyon kasi ay iniisip niya kung ano ang naging reaksiyon nito nang hindi na siya bumalik sa mesa nila.

Hmp! Baka nga wala lang sa kanya kung hindi ako bumalik do'n! May kasama naman siyang magandang babae.

"Aba, prinsesa, matanong nga kita. Kailan nangyari na iniwan kita dahil may nakita akong ibang babae?" Nanlalaki ang mga mata nito na para bang sinasabing huwag siyang magkakamali ng isasagot dahil malilintikan siya rito. Nakaamba na rin ang kamay nito. Alam niya kung saan nito gagamitin iyon. Gagamitin nito iyon hindi para saktan siya. Gagamitin nito iyon sa pagkiliti sa batok niya oras na hindi nito magustuhan ang isasagot niya.

She smiled sheepishly. "Joke lang po. Ito naman, o. Hindi ka na mabiro."

"Mabuti na 'yong malinaw," nakangiting wika nito bago umayos ng upo. "Pet..."

"Hmm?"

"May iba sa aura mo ngayon. Parang may bumabagabag sa 'yo. Tell me, may problema ka ba?"

Natilihan siya, hindi pa siya handa na isiwalat kanino man ang mga nalaman niya tungkol sa pagkatao niya. Tanging sila lang ng Mama Anna niya at ang mga Valencia ang nakakaalam tungkol sa bagay na iyon. Nang mga sandaling iyon ay hindi pa rin niya alam kung ano ang susunod niyang gagawin, lalo pa ngayong wala pa rin siyang maalala sa mga nangyari noon. Nang tumingin siya kay Alexander ay pinilit niyang ngumiti rito.

"I understand. Hindi ka pa handang sabihin sa 'kin." He reached for her hand and squeezed it lightly. "Basta huwag mong kalilimutan na marami kaming handang makinig at tumulong sa 'yo, ha?"

"Ganyang-ganyan din ang sinabi nina Dylan sa 'kin. Opo, hindi ko po nakakalimutan 'yon. Pero minsan, nakakainis na kayo. 'Akala n'yo yata, kayo lang ang lumaki at nag-mature habang ako, bata pa rin sa paningin n'yo," nakalabing sabi niya rito.

Tumawa ito. "Hindi mo 'yon maiaalis sa 'min, Angela. Ikaw yata ang prinsesa namin."

Iningusan lang niya ito. "Nagugutom na 'ko, Xander. Tinatamad akong magluto. Pa-deliver ka na ng pagkain natin," ungot niya rito para mailihis na niya ang pinag-uusapan nila.

"I have an idea. Sumugod na lang tayo sa restaurant ni Charlie. May bago raw siyang menu ngayon, eh. What do you think? Tamang-tama, narito na rin daw sa Manila sina Brandon."

Napangiti siya. "Speaking of Charlie. Alam mo na ba na feature cover siya ng Healthy magazine? Lalabas ang magazine sa susunod na linggo." Nakita na niya ang layout cover ng magazine at nasisiguro niyang pagkakaguluhan ng kababaihan ang pinsan niya oras na lumabas iyon sa mga bookstore.

"Holy cow!" Mababakas ang matinding excitement sa mukha ni Alexander. "Sa wakas, may nakapagpapayag din sa kanya na mai-feature sa isang magazine. He should take his shirt off! Dapat tinawagan mo agad ako, Angela, para nabigyan ko siya ng tip sa pagpo-pose sa harap ng camera. Madali lang naman, lalandiin mo lang naman ang camera lens like you're making love to it."

Natatawang hinampas niya ang braso nito. "Loko! Itutulad mo pa sa 'yo si Charlie. Pampamilya 'yong magazine, okay? Wholesome 'yon at puro healthy foods ang featured do'n!"

Humalakhak ito. "Gano'n din 'yon. Iisa lang naman ang intensiyon n'on, eh. To sell the products."

"Hindi kailangang maghubad ni Charlie para makilala ang restaurant niya. 'Yong uniform pa lang niya, sapat nang pampalakas ng sex appeal. Naku, paniguradong mawawalan na ng privacy si Charlie. For sure dudumugin ng kababaihan ang restaurant niya," nakangiting sabi niya rito.

"Dapat lumantad na rin sa publiko sina Brandon at Dylan para naman mabawasan pa ang mga naghahabol sa 'kin!" nakangising wika ni Alexander.

"Conceited!" aniya, saka ito binato ng throw pillow na sinagot lang nito ng mataginting na tawa.

A Home In His Arms (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon