Part 31

8.2K 248 5
                                    


GUSTONG pagsisihan ni Angela kung bakit iniwan pa niya sa helipad si Marko. Kalahating oras na ang nakalilipas mula nang makarating siya sa beach house ngunit wala pa rin ang binata. Dapat pala ay pinaangkas na lang niya ito sa kanyang kabayo nang hindi iyong kinakain na siya ng pag-aalala rito.

"O, wala pa ba si Markopolo? Baka naligaw na ang manliligaw mo at sa Centro na ang daang tinatahak niya," wika ng kanyang ina.

Napabaling siya rito. "How did you know about him?" nagtatakang tanong niya. Hindi niya ito nakita pagdating niya kanina. Inisip na lang niya na nasa library ito.

Itinaas nito ang kamay nito na may hawak na cell phone. "Katatawag lang ni Alexander at sinabi sa akin ang tungkol sa manliligaw mo."

Napaawang ang bibig niya. "That brute! Inunahan pa talaga ako sa pagsasabi sa inyo," bulalas niya na ikinatawa ng kanyang ina. Natutop niya ang kanyang noo. "Sino-sino ang nasa hacienda ngayon, 'Ma?" tanong niya na ang tinutukoy ay ang mga pinsan niya.

"Dumating kahapon si Charlie. Gusto raw muna niyang magtago habang nasa book stands pa ang Healthy magazine. Sina Dylan at Brandon naririyan din. Si Enteng yata ay next month pa uuwi, wala akong balita sa iba."

Napangiwi siya. Kung sa kanyang ina nga ay nakatawag agad si Alexander para ibalita ang tungkol kay Markopolo, natitiyak niyang naitawag na rin nito iyon sa mga brusko niyang pinsan. Oh, well, si Brandon at Vladimir lang naman ang masasabi niyang estrikto talaga.

"Doon na muna ako sa kusina, Angela, at nang matulungan ko si Salud sa paghahanda ng hapunan. Ihanda mo na ang sarili mo. Mayamaya lang ay naririto na sina Dylan," natatawang wika nito. Nagpunta na nga ito sa kusina at siya na lang ang naiwan doon.

"Makukutusan ko talaga ang lalaking 'yon oras na magkita kami!" nanggigigil na bulalas niya. Tama nga ang kanyang ina dahil hindi nagtagal ay nakarinig na siya ng mga yabag ng kabayo. Nang makita niya sina Brandon ay parang gusto na lang niyang magtago. Pakiramdam niya ay napakarami niyang ama na magbabantay sa manliligaw niya. Napapikit na lang siya habang nakaupo sa sofa. Inihanda na rin niya ang sarili sa gagawing panunudyo ng mga ito.

"Tita Anna! Angela!" Boses iyon ni Brandon. Para itong nasa kabilang panig ng mundo kung makasigaw.

Nakapikit pa rin siya kaya hindi niya alam kung sino ang mga nagsidating pero alam niyang marami ang mga ito base na rin sa maraming yabag na naririnig niya.

"Angela!" ani Charlie. Naramdaman niyang tumabi ito sa kanya sa sofa. Nanatili siyang nakapikit. "Tulog ka ba? Sige, kami na lang ang mag-aasikaso sa manliligaw mo."

Napadilat siya sa sinabi nito. Napatuwid siya ng upo nang makita niyang kasama nga ng mga ito si Marko. Bitbit pa rin nito ang mga bulaklak, ang basket ng chocolates, at teddy bear. Nakasukbit pa rin sa balikat nito ang backpack nito. Ang noo nito ay ginigitiwan nang pawis.

Gayunman, ngiting-ngiti pa rin ito at tila hindi man lang nabawasan ang kakisigan. Hindi na nito suot ang shades nito kaya kitang-kita na ang black eye nito. Nakatitiyak siya na pati ang tungkol doon ay naitsismis na rin ni Alexander kina Brandon. Hindi man lang ba ito tinulungan ng mga damuho niyang pinsan sa pagbibitbit ng mga dala nito?

"Kaya na raw niya, eh," kibit-balikat na sagot ni Brandon na para bang nabasa ang nasa isip niya.

Mayamaya pa ay lumabas mula sa kusina ang kanyang ina. Agad namang nagbigay-galang si Marko at binati ang kanyang ina. Iniabot nito rito ang isang bouquet ng bulaklak habang ang isa ay sa kanya, pati na ang teddy bear at ang basket ng chocolates. Her mother smiled in amusement.

"Para sa 'min, wala?" seryosong tanong ni Dylan na ikinalaki ng mga mata niya. Binalingan niya si Dylan at sinaway ngunit hindi man lang ito natinag sa kanya. "Dapat din siyang magpalakas sa 'min," kibit-balikat na sabi nito. Tatawa-tawa naman sina Brandon at Charlie habang si Marko ay napakamot na lang sa ulo.

Nilapitan ng kanyang ina si Dylan. "Saka n'yo na gisahin si Marko. Hayaan n'yo muna siyang makapagpahinga. Angela, ituro mo kay Marko ang guest room na puwede niyang gamitin."

"No, Tita," tutol ni Brandon. "Sa cabin ko po tutuloy si Marko para maguwardiyahan ko siya. Hindi puwedeng sa iisang bubong tumuloy sina Angela at Marko." Sinang-ayunan nina Dylan at Charlie ang sinabing iyon ni Brandon.

Nanlaki ang mga mata niya. Tama ba ang narinig niyang sinabi ni Brandon? Kung makapagsalita ito, animo wala pa sila sa modernong panahon at hindi pa puwedeng magsama sa iisang bubong ang lalaki at babae.

"Bueno, kayo na ang bahala sa bagay na iyan. Pero mamaya na kayo umalis, dito na kayo maghapunan. Nagagalit na sa inyo si Salud at ini-snub n'yo na raw ang luto niya," wika ng kanyang ina.

Gusto sana niyang tumutol kaya lang ay baka lumakas ang loob ng binata kapag nakita nitong gusto na niyang giyerahin ang mga pinsan niya. Palihim na sinulyapan niya si Marko. Nasorpresa siya nang makita niyang nakatingin din ito sa kanya. There was a tiny smile on his lips na para bang sinasabi nito na ayos lang dito ang lahat.

A Home In His Arms (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon