"Sabihin mo nga... 'Elle'"
"Errrr--" Di talaga niya mabigkas. Kahit anong labas nang dila niya di talaga niya kaya bigkasin yung letrang "L"
Tumawa ang Kuya niya. "Putsa! Anak ka talaga ng Hapon! Seben ka na bulol ka parin!"
Nasa kalsada sila at nakalatag na ang kartong hihigaan nila para ngayong gabi. Katabi nila ang mga kalakal na napulot nila noong araw ding iyon.
Simula ang iniwan na nila ang Nanay nila, hindi na rin umuwi ang Tatay nila. Ang Kuya nalang niya ang tanging nag-aalaga sa kanya. Mas minabuti na nilang manatili sa kalsada. Mas madali daw kumita doon.
"Daya mo Kuya," hikbi niya. "Raprap narang."
Di niya alam kung bakit kailangan palitan pa ang pangalan niya. Yung mga kalaro naman nila Raprap ang tawag sa kanya.
"Di pwede. Pang mahirap ang tunog niyan. Mas maganda pakinggan yung Elle. Pang mayaman."
"E di ba shabi puribi daw tsayo? Di tsayo ayaman, Kuya." Naalala pa niya kanina, pinagtabuyan sila doon sa may karinderya. Bawal daw doon ang madumi, madungis.
Busabos.
Di nga niya alam kung anong ibig sabihin noon. Nakakain ba yon? Gutom parin siya.
Dalawang pandesal lang kaninang umaga yung nakain niya. Ayaw niya namang gunamit noong pandikit tulad ng mga kasama nila. Nang minsang sinubukan niya ay pinalo siya ng kuya niya. Makakasama daw sa kanya iyon.
"Raprap tandaan mo ha. Paglaki mo magiging prinsesa ka. Makakapangasawa ka ng prinsipe tapos yayaman ka," sabi nito. Kinuskos pa nito ng kamay ang naninigas na buhok. Ilang araw na pala silang di nakakaligo.
"Tapos Elle ang itatawag sayo ng prinsipe mo."
"Narinig mo rang yan kay Manang Rina." Nguso niya. Yung manghuhula sa iyon sa may tabi ng simbahan. Lagi kasing nakatambay ang kuya niya doon matapos mag benta ng plastic. Yan tuloy, kung ano ano nang pumapasok sa tuktok.
"Basta. Naniniwala ako doon. Gaganda ang buhay mo. Pero wag mong ipagsasabi ha, atin atin lang yon... pati na yung bagong pangalan mo."
Kung minsan nagtataka na siya sa takbo ng utak ng Kuya niya. Naapektuhan na siguro ng usok sa kalsada.
"Eh kaw. Nu hura shayo?"
Ngumiti ang kuya niya.
"Mamatay daw ako eh."
****
Nakatulog na pala siya. Masyadong pagod ang utak niya kaya di na niya napigilan.
Tumingin siya sa paligid.
Nasa Manila na sila. Sa gitna ng trapik.
Malas.
Nakalimutan pa niyang itext si Diego. Panigurado, napanis na iyon kakahintay sa airport.
Tumutunog na din ang sikmura niya. Nagugutom na siya.
"Are you alright?" tanong ni Pierre.
Tumango siya. Tyempo namang umandar na ang mga sasakyan sa harap nila.
"Huy, green na." Sabi niya.
Saka lang parang natauhan si Pierre. Nakatitig na pala ito sa kanya ng matagal.
Anong nangyari doon?
Malapit na sila sa condo niya nang maalala na wala na pala siyang stock ng grocery. Nandito na rin naman siya sa labas, mas mabuti na sigurong mamili.
BINABASA MO ANG
Requiem: Redemption
VampirePART 2 of Requiem Kung maari po sana ay unahin niyong basahin iyon para di po kayo malito... salamat po... Hunter #648 Kinikilala na siya sa mundo nila bilang isa sa pinakamagaling na Tracker ng mga rogue vampires. Kaso may malaki siyang problema, m...