Ikalawa [2]

225 9 1
                                    

Isang araw matapos umalis ni Paul patungong Singapore sinadya ko siya sa bahay niya rito sa Tagaytay. Dala ang mga walang tigil kong panaginip at walang awang alala ng mga sakit na naramdaman ko simula sa pagkamatay ni Papa, sa tunay na pagkatao ni kuya hanggang sa pagkasira ng relasyon namin ni Paul, walang anu-ano kong tinahak ang daan papunta sa kanya para sagutin ang mga tanong na unti-unti nagpapahina sa'kin.

Hindi ko sinabihan si Mama o si kuya o si Cass, Lance, o Dex. Si Papa lang siguro pero wala naman na siyang magagawa para pigilan ako.

Dumating ako sa lugar niya, nagulat siya pero hindi na niya tinanong kung sino ako dahil malamang kilala niya na  ako.

Noong araw na 'yon, punung-puno ako ng galit kaya walang takot kong ipinagsigawan ang dahilan ng pagdalaw ko sa kanya.

"Nandito ako dahil marami akong tanong na kailangan mong sagutin, kung mawawalan man ako ng galang sa'yo, sana maintindihan mo kasi anak ako ng asawa ng bestfriend mo na kamamatay lang."

Hindi siya umimik, tumango lang siya habang nakaupo sa wheelchair niya, maputla na siya pero nagawa niya pa ring tingnan ako sa mata bilang hudyat ng pagpapaunlak sa sadya ko.

"Bakit?" sinubukan kong maging matapang, "Bakit mo hinayaang mangyari 'to?"

Natagalan bago niya nakolekta ang mga salitang bibitawan niya, nakatingin sa malayo, maputla at mahina ngunit makikita mo sa mata niya na gusto niya akong tulungan para sa ikatatahimik ng isip ko.

Huminga siya nang malalim at sumagot, mahina na ang boses niya pero naiintindihan ko pa rin ang bawat salitang ipinukol niya.

"Hindi ko sinasadya, gusto ko lang itama ang mga pagkakamali ko noon, gusto ko lang gawin ang dapat dati ko pa ginawa..."

"...hindi ko, kahit kailan, nasabi kay Len na mahal ko siya."

"Kaya hinayaan mong magkamali ang Mama ko? Wala ka man lang ginawa? Makasarili ka. Hinayaan mo siyang ipagpalit ang pamilya niya, dito sa naudlot niyong istorya?"

"Hindi ko ginustong sirain ang pamilya niya, ang pamilya ninyo."

"Madalas gustuhin man natin o hindi nangyayari pa rin. Kaya nga may sarili tayong kakayahang pumili para mapigilan ang mga pagkakamali," matapang kong pahayag. Ang tapang ko noon, siguro dahil sa mga sakit na bumabalot sa akin.

Hindi siya noon nagsasalita hanggang sa tinanong ko ang bagay na nagbukas sa isip ko.

"Bakit kayo humantong sa ganito? Bakit wala kang ginawa noon, bakit hindi ka umamin kay Mama?"

"Natakot ako. Natakot akong baka mawala siya. Natakot akong baka masaktan ko siya. Ayaw kong isipin na baka mawala ko siya at masira kami. Natakot akong mawala ang bestfriend ko. Naduwag ako pero ginusto ko lang na hindi siya masaktan, at sa lahat ng taong nasa paligid niya ang sarili ko ang pinakaayaw kong makasakit sa kanya..."

Tumigil siya sandali, huminga nang malalim at nagpatuloy.

"...walang pagkakataon na ginusto kong masaktan siya o maging malungkot siya, naisip ko siguro nga ipinanganak ako para maging matalik niyang kaibigan na laging nandiyan sa kahit na anong pagkakataon..."

"... sa isang relasyon lalo na ang pagiging matalik na magkaibigan ang pinakamahalaga ay 'yong kasiyahan ng isa, hindi ang kasiyahan mo."

"... Marahil, sinubok kami ng tadhana at pareho pala kami ng naging dahilan para hindi magtapat, gano'n kasi talaga sa matalik na magkaibigan, nagdedesisyon ka hindi para sa sarili mo kundi para sa kanya..."

"...'yan marahil ang misyon sa buhay ng mga bestfriend ang maging parte ng isa, iyon na marahil ang pinakaespesyal na relasyon sa mundo..."

"...sa relasyong 'yon walang mga batas, kung meron man ang tanging batas na 'yon ay ang protektahan ang isa't-isa sa kahit sino at maging sa sarili mo."

"...hindi ko nagawang umamin dahil ayokong mawala ang espesyal na relasyong 'yon."

Para akong natauhan nang matapos siyang magsalita. Napakaraming bagay sa isip ko no'n, si Mama, siya, si Papa, si kuya, lalo na si Paul. Gano'n din kaya ang nasa isip ni Paul? Kung itinago ko na lang ba 'yong nararamdaman ko, hindi ba mangyayari 'yong mga nangyari? Gano'n din ba kaya kina Mama? Napakaraming tanong.

"Dapat pala akong magpasalamat sa'yo,  kung hindi dahil sa naging desisyon mo, wala siguro ako ngayon dito."

"...nakakalungkot lang dahil kailangan pang marami ang masaktan dahil sa naging duwag kayo dati, sana wala ng ibang nadamay."

"Wala sa kagustuhan ko ang guluhin ang pamilya ninyo, patawarin mo sana ako," sabi niya.

"Hindi na mahalaga kung humingi ka ng tawad o patawarin kita ngayon dahil nangyari na ang mga nangyari, patay na rin ang lubos na nasaktan sa nangyari."

Alam ko na kahit papaano, ginamit ko si Papa sa mga galit ko, pero 'yon na nga 'yon e, galit ako dahil nasaktan si Papa ng gano'n.

"Kung suot mo lang ang sapatos ko ngayon, maiintindihan mo," ika niya.

"Hindi na kailangan, naiintindihan ko na."

"Anong ibig mong sabihin?"

"Pareho tayo. Pareho kami ni Mama."

Hindi ko alam kung anong nagtulak sa'kin at naipagtapat ko 'yon sa kanya.

"Tatandaan mo lang lahat ng sinabi ko. Kung nawala man siya ngayon at bumalik siya at magpakilala ulit sa'yo, huwag mong ipagkait dahil espesyal ka sa kanya, gano'n din siya sa'yo."

Namangha ako sa mga salita niya, parang alam na alam niya ang kalagayan ko. Pero walang halong pagkamuhi, naintindihan ko siya at naintindihan niya ako.

Tiningnan ko siya diretso sa puso niya at tahimik na nagpasalamat.

Umalis ako nang may magaan na pakiramdam marahil dahil sa pakikipag-usap at pagbibigay ng pagkakataon sa taong kinamumuhian ko. Nalungkot ako sa katotohanang hindi naging masaya ang wakas ng istorya nila ni Mama. Mas naintindihan ko na si Mama, mas naintindihan ko na si Papa, ang lalaking iyon, ang sarili ko, si Paul at lalo na ang naging kinahinatnan ng relasyon namin ni Paul. Kahit papaano, nagpapasalamat ako sa kanya. Dahil sa kanya nabuksan ang isipan ko.

"Jill, anak," naputol ang pagbabalik-tanaw ko nang tawagin ako ni Mama.

"Po?" bumaling ako kay Mama at binawi ko ang mga mata ko sa pangalan ng nakahimlay sa lupang ito.

"Bakit ka sumama sa'kin?"

"Ma, sinasamahan lang kita, pumapayag lang po ako."

"Bakit anak? Hindi ka na ba galit sa kanya?"

Sa loob ng limang taon, ngayon lang nagtanong ng ganito si Mama.

"Ma, wala nang magagawa ang galit ko sa taong patay na."

Bumaling si Mama sa pangalan ng bestfriend niya. Nagpatuloy ako dahil alam kong may gustong malaman si Mama.

"Noong mawala si Papa at umalis si Paul, pinuntahan ko siya, Ma."

Nagulat si Mama sa ibinunyag ko.

"Dahil sa mga sinabi niya, nagsimulang mabuksan ang isip ko, nagkaroon ako ng lakas ng loob na makalimutan ang mga sakit. May natutunan ako sa kanya na hanggang ngayon, dala-dala ko pa rin."

Ngumiti si Mama, hinawakan ang kanang balikat ko at hinaplos ang likod ko.

"Kaya siguro dumating siya sa buhay ko dahil may purpose siya," sabi ko.

"Kaya kahit na dumating siya sa 'di tamang oras ng buhay ko, nagpapasalamat na rin ako, kahit na hinigitan niya si Papa sa puso ninyo, okay lang dahil kung hindi, hindi ganito kataas ang tingin ko kay Papa at sa'yo, Ma."

Ngumiti si Mama at sinuklian ko siya ng halik sa pisngi. Tumayo ako, inabot ko ang kamay ko kay Mama para tulungan siyang tumayo. Niyakap niya ako at may naramdaman akong isang patak ng luha ang dumampi sa pisngi ko.

Isang oras o mahigit nasa sasakyan na ulit kami, naglalakbay pabalik ng Maynila.

GambleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon