Bumalik ako sa sasakyan at ibinaba ang mga kahon. Ipinasok ko ang mga 'yon sa sala.
Pinagmasdan ko 'yong bahay niya, maliit nga lang pero hindi mukhang maliit, naglalaro sa puti at brown ang kulay sa loob, galing sa pinto sa gawing kanan may isang malaking shelf ng mga libro, isang study table at isang malaking itim na upuan, isang mahabang shelf na hanggang baywang ang taas ang naghihiwalay dito sa sala, sa likuran ng study room ay nakatayo ang isang hagdan na pininturahan ng puti, mga ilang hakbang lang siguro, sa paanan ng hagdan ay mga malalaking frame ng mga litrato at iilang painting, mukhang dito itinambak ni Jill ang mga kuha niya pero sa paraang hindi makalat kundi maayos.
Sa una hindi mo aakalaing bahay ng isang babae pero dahil sa hitsura ng mesa sa kusina na pa-oval at may limang silya, nabalot ng kulay gatas at sa ayos ng mga pulang rosas na nakapaibabaw doon, alam mong babae ang nakatira.
Puti ang mga kurtina, ang sofa naman ay gray pero may mga pulang throw pillows ito. Isang island ang naghihiwalay sa sala niya at sa kusina. Sa tapat ng sofang kinahihigaan ni Jill, sa gawing kaliwa ay isang patayong bintana na salamin lang at tanging kurtina lang ang makapagkukubli sa kung anong nasa loob ng bahay, matatanaw rin doon ang bakuran ng kapitbahay.
Pagkatapos ng bintana, paharap hanggang sa haligi sa kaliwa ay mga litratong natitiyak ko na kuha ni Jill, nakaframe, nakatayo sa sahig. Sa harapan ng tatlong sofa at isang mababang center table ay ang flat screen TV, Dvd player at speakers. Sa tabi no'n ay iilang litrato ni Jill at ng pamilya niya. Malinis ang bahay niya, napaka-elegante, wala masyadong detalye, wala ring bentilador pero de-aircon. Halatang bahay ng isang magandang dalaga at hindi ng isang binata.
Simula sa kotse niya at sa kulay ng motor niya, aakalain mong lalaki ang may-ari. Matalino si Jill, alam niya kung paano protektahan ang sarili niya. Habang tumatagal mas lalo kong ginugusto na manatili sa tabi niya.
Malalim na ang gabi at malalim na rin ang tulog niya. Binuhat ko siyang muli at inakyat sa kwarto niya, hindi siya puwedeng matulog sa sala, sasakit ang katawan niya kinabukasan.
Inakyat ko ang hagdang kanina ko pa hinahangaan dahil sa sukat, kulay at ang epekto ng mga litratong nakaframe sa paanan. Maluwang na pasilyo ang tumambad sa akin sa taas. Dalawa ang kwarto, pinili kong buksan 'yong mas malaking kwarto, doon ko siya ibinaba.
Bumalik ako sa baba at ipinagtimpla siya ng puwede niyang inumin pagkagising, wala pang limang minuto nakabalik na ako, tulog pa rin siya. Paano na lang kung ibang tao ang naghatid sa kanya?
Hindi ko mapigilan ang sarili ko sa pagkamangha sa kanya. Inayos ko ang kumot niya, hinalikan sa noo at saka umalis. Ayoko mang iwan siya rito mag-isa pero kailangan dahil malamang hindi niya magugustuhang ako ang una niyang makita paggising niya.
--
Nagising ako sa malamig na ihip ng hanging galing sa labas na ipinasa sa'kin ng kurtina sa kwarto kasabay ng pagbagsak ng isang litrato ng kargador sa pier na kinuha ko noong nasa college pa ako, nakaframe malapit sa bintana. Una kong hinanap ang switch ng lamp sa side table, nang lumiwanag, isang tumbler ang bumulaga sa akin. Kinuha ko, nakita ko may note, ang sabi, "Inumin mo 'to, para makatulog ka ulit kung sakaling magising ka bago mag-alas siyete."
Nag-isip ako kung kanino galing 'yong note. Sulat-kamay ni Paul. Mahilig talaga siyang gumawa ng mga ganitong bagay.
Sa naaalala ko, hindi ako ang nag-akyat sa sarili ko rito dahil sa sofa ko inilatag ang sarili ko kanina.
"Malamang si Paul ang nag-akyat sa'kin dito," nagsalita ako mag-isa.
Ininom ko muna 'yong iniwan ni Paul, sa loob ng matagal na panahon hindi ako nakatikim ng gatas dahil milktea lang ang kilala kong gatas.
BINABASA MO ANG
Gamble
General Fiction"Even in the cheapest way, I am willing to gamble." Natuto na si Jill. Mas pinatibay na siya ng lahat ng sakit sa na naranasan niya sa nakalipas na mga taon at hindi naging madali ang lahat -- kinailangan niya pa munang maiwang mag-isa sa lakbay ng...