•Chapter 36•

12 3 5
                                        

Love Me Right: Family Issue

Kate’s POV.

Nagmamadali akong magbihis dahil siguradong kanina pa kami hinihintay ni Diana roon sa kanila. Unang gabi kasi ngayon ng burol ng kaniyang Lola Maida.

Pagkatapos kong magsuklay ay sinilip ko muna sa baba si Shane bago siya pinuntahan sa kuwarto niya nang makumpirma na wala pa siya sa baba. Bahagya itong nakabukas kaya dire-diretso na kong pumasok.

“Hindi ka pa tapos?” tanong ko sa kaniya nang maabutan siyang nagsusuklay ng buhok.

“Wait lang, teh!” nagmamadali niyang ibinaba ang suklay sa loob ng drawer niya bago niya kinuha ang shoulder bag na dadalhin niya. “Tara!” nauna na kong lumabas ng kuwarto niya dahil nandoon lang naman ako sa may bungad.

Ilang araw ring hindi nakapasok si Diana dahil sa pagkamatay ng Lola niya, at ngayon ay hindi pa rin siya makakapasok hangga’t hindi pa naililibing ang kaniyang Lola.

Sumakay na kami sa kotse upang ihatid kami ni Kuya Dani sa bahay nila Diana. Next month ay darating na sila Nanay dito dahil ngayong March na ang graduation ni Kuya Rovic.

Pagkarating namin sa tapat ng gate nila Diana ay agad din kaming bumaba ng kotse at saka pumasok sa loob. May mga ibang naglalaro ng baraha sa dalawang lamesang nakaayos sa labas ng kanilang bahay, sa lugar naman ng dating mahabang sofa nakapuwesto ang kabaong ni Lola Maida kaya naman tanaw ito kahit sa labas ng bahay.

Wala pang gaanong tao dahil alas-otso pa lang naman ng gabi, madalas kasing dumarami ang tao rito kapag alas-diyes o alas-onse na.

Pagpasok namin sa loob ng bahay nila ay sobrang tahimik ang madaratnan, amoy din ang bulaklak na nakatayo sa magkabilang dulo ng kabaong ni Lola. Bahagya ko siyang sinilip at saglit na tinitigan.

Bahagyang nakakunot ang kaniyang noo at mukhang hindi tanggap ang maagang pagkamatay niya. Ayaw niya pa sigurong iwan si Diana at ang ibang maiiwan niya pa pero wala siyang nagawa dahil oras na niya.

Sinilip din siya ni Shane matapos kong umupo sa upuan na nakapuwesto sa tapat nito.

“Oh‚ nandito na pala kayo,” nilingon namin si Tita Emmana na lumabas galing kusina.

“Magandang gabi po.” sabay naming bati ni Shane habang marahang nakangiti. May nakalagay na black pin sa kaliwang banda ng dibdib niya at sigurado ako na gano’n din ang kay Diana.

“Nakikiramay po kami.” wika ko at marahan naman siyang ngumiti bago tumango.

“Pasensya na’t wala pang pagkain, magluluto pa lang ako ng sopas e.” umupo siya sa may upuan doon sa tabi ng kabaong ni Lola.

“Okay lang po, nasaan nga po pala si Diana?” tanong ko.

“Ahh, may binili lang sila ni Baekhyun sa bayan. Kulang kasi ‘yong nabili ko kanina dahil sa pagmamadali.”

“May maitutulong po ba kami para sa mga bisita sa labas?” wika naman ni Shane ngunit umiling lang si Tita Emmana. Iyon na rin kasi ang nakasanayan naming tawag sa kaniya.

“Ayy nako, h’wag na kayong mag-abala pa. Hintayin niyo na lang si Diana, pabalik na rin siguro sila.”

“Sige po, tutulong na lang po kami sa pag-serve ng sopas mamaya.” tugon ko.

“Salamat. Gusto niyo ng tinapay? Iyon muna ang makakain niyo sa mga oras na ’to e.”

“Ayos lang po kami, busog pa naman po kami sa dinner.” pagtanggi ni Shane.

Love Me RightMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon