42. I Should

117 3 0
                                    

CHAPTER 42: I Should

GAYA ng inaasahan ni Hensin, agad na nabakas ang gulat sa mukha ng kapatid niya, matapos niyang ipagtapat dito na si Kristof ang totoong ama ng pinagbubuntis niya.

“Si Kristof? As in, ‘yong kaibigan mong kaibigan din ni Dr. Legaspi? Si Dr. Kristof Gomez?!” hindi makapaniwalang bulalas nito, kaya muli na lamang siyang napakagat sa pang-ibabang labi niya’t napayuko.

At saka siya mahinang sumagot, “Siya nga, Kuya.”

“Alam din ba ni Zyjill na si Kristof ang nakabuntis sa ‘yo?!”

Mahina siyang tumango. Napapitlag siya nang hampasin ni Hanson ang lamesa. Sinasabi niya na nga ba’t magagalit ito. Kaya naman nanatili siyang nakayuko, dahil hindi niya magawang tumingin sa kapatid niya.

“At sinasabi mong binabalak niyong itago ‘to kay Kristof? Aakuin ni Zyjill ang batang ‘yan at kalilimutan na si Kristof ang totoong ama?!”

“’Yon ang gustong mangyari ni Zyjill,” mahinang sagot niya, at saka na siya lakas loob na nag-angat ng tingin kay Hanson na kunot na kunot ang noo, habang hindi pa rin makapaniwalang nakatingin sa kaniya. “Pero sinabi ko na, Kuya, hindi ko kayang ipagkait kay Kristof na makilala ang anak namin. Pero…” Muli siyang napayuko. “Hindi ko rin kayang saktan pa lalo ang boyfriend ko. Siguradong masasaktan siya kapag hindi ako sumang-ayon sa gusto niyang mangyari,” kapagkuwa’y mahinang dugtong niya.

Kaya nga naguguluhan siya sa kung ano’ng dapat gawin. Naiinis siya sa sarili niya, dahil kasalanan niya naman kung bakit nangyayari ‘to ngayon sa kaniya. Parang gusto niya tuloy saktan ang sarili--- Pero hindi pa ba ‘ko nasasaktan ngayon? Napapikit siya. Oo nga naman, kulang pa ba? Nasasaktan siya dahil nasasaktan ngayon si Zyjill, nasasaktan siya dahil nilayuan na siya ngayon ng itinuturing niyang best-friend, at nasasaktan siya ngayon dahil alam niyang sa oras na magkamali siya ng desisyon, anak niya ang mag-sa-suffer sa future.

Kaya ano ba ang dapat niyang gawin?

“Ano ba ang sa tingin mo ang tama, Hensin?” Muling umangat ang tingin niya sa naging tanong ni Hanson. Pero hindi niya nagawang makasagot, dahilan para mapabuntonghininga na lamang ang kapatid niya’t tumayo mula sa kinauupuan nito, at saka naglakad palapit sa direksiyon niya, bago muling naupo sa tabi niya.

Pinaharap siya nito rito, at saka hinawakan sa magkabila’ng balikat at tinignan nang seryoso. “Gawin mo ang kung ano’ng sa tingin mo’ng tama; at base sa kung ano’ng nararamdaman mo.” Muli itong bumuga ng hangin, kasabay ng paglamlam ng mga mata nito, habang deretso pa ring nakatingin sa kaniya. “Ano ba’ng nararamdaman mo ngayon, Hensin? Alin ba ang mas matimbang sa dalawang desisyong pinagpipilian mo?”

Mahina siyang umiling, kasabay ng muli nanamang pamamasa ng mga mata niya. “Hindi ko alam, Kuya, naguguluhan ako,” kapagkuwa’y mahinang sagot niya, at saka na nagsunod-sunod sa pagpatak ang mga luha niya. “Hindi ko alam kung ano’ng gagawin ko.” Hanggang sa tuluyan na siyang humikbi. “Kuya ano na’ng gagawin ko?”

Mabilis siyang niyakap ni Hanson, kasunod ng mahinang pagtapik-tapik nito sa likod niya, at saka mahina at malumanay na nagsalita, “Kung nahihirapan ka, isipin mo na lang ang anak mo; piliin mo ang desisyong makabubuti sa batang nasa sinapupunan mo.”

Ano ba ang mas makabubuti sa anak niya? Ang makilala ang totoong ama nito? O, ang makilala ang boyfriend niya bilang ama nito, at mamuhay sa kasinungalingan hanggang sa pagtanda nito? Ano ang mas makabubuti?

Napapikit siya’t isinubsob ang mukha niya sa dibdib ng kapatid niya. Malalim siyang nag-isip sa kung ano’ng dapat niyang piliin para sa anak niya. Hinayaan lamang siya ni Hanson at patuloy lang siyang niyakap, ipinararamdam sa kaniya na narito lamang ito para sa kaniya.

Friendship To Lovers (Dr. Kristof Gomez's Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon