8. Hated Name

194 4 0
                                    

CHAPTER 8: Hated Name

“ANTONIO! Nariyan na ang anak mo! Bilisan mo!”

Napangiti na lamang siya nang makita ang Nana niya na tumatakbo palabas ng bahay nila. Mabilis siyang nagbayad sa tricycle, at saka sinalubong ang ina ng yakap.

“I miss you, Nana,” nakangiting saad niya habang yakap-yakap ito.

“Miss na miss din kita, Anak,” sagot nito na mas nagpangiti sa kaniya. Isang taon na rin kasi siyang hindi umuuwi rito, kaya naman ganito niya na lamang ka-miss ang mga magulang niya.

Kasunod n’on ay nakita niya ang Tata niya na naglalakad palabas ng bahay para lumapit sa kanila. Kaya agad niya rin itong sinalubong ng yakap.

“Mabuti at naisipan mo na’ng umuwi? Masyado ka yatang nagwili roon sa siyudad,” saad ng ama niya, pero may ngiti rin naman sa labi.

Napahimas siya sa batok. “Naging busy lang sa trabaho, ‘Ta. Palagi ko naman kayong tinatawagan ehh, kasi alam kong miss na miss niyo na ang pinaka-guwapo niyong anak. ‘Di ba, Nana?” saad niya, kapagkuwa’y paglalambing niya sa Nana niya, kasabay ng pagyakap niya rito mula sa likuran nito.

Natatawa nitong ginulo ang buhok niya. “Ikaw talagang bata ka. Ikaw lang naman kasi ang anak kong lalake,” kapagkuwan ay sagot nito, dahilan para bumitiw siya rito’t nagbibirong sumimangot.

“Kadarating ko lang, ‘Na, in-o-okray niyo na agad ako.”

“Sus, nagtampo naman agad ang baby damulag ko,” anito, kasabay ng pagpalo sa puwetan niya, dahilan para mapa-pitlag siya’t mabilis na lumayo rito.

“Nana naman ehh!” reklamo niya, habang hinihimas ang puwet niyang napalo. Ganito ba talaga ang mga babae? Ang bibigat ng mga kamay; ang sasakit humampas.

Tumawa lang ang Nana at Tata niya, kapagkuwa’y nakangiting bumaling sa mga kasama niya.

“Sigmund, halika nga ritong bata ka. Yakapin mo rin ang Nana,” saad ng Nana niya, kaya mabilis na tumalima si Sigmund at yumakap din dito.

Hindi naman ito ang unang beses na dinala niya rito ang matalik na kaibigan, kaya naman kilalang-kilala na rin ito ng pamilya niya. Sa katunayan nga niyan ay halos anak na rin ang turing ng mga magulang niya rito.

“Habang tumatagal ay lalo kang gumaguwapo, hijo. Kaawaan ka ng Diyos,” saad naman ng Tata niya nang magmano rito si Sigmund.

“Bolero talaga kayo, ‘Ta,” nakangiting sagot lang ni Sigmund. Pa-humble pa. Sa sobrang guwapo nga, pati notorious serial killer, napa-ibig, pft.

Binalingan niya si Hensin na nakatingin lang sa kanila, at saka niya ito sinenyasan na lumapit. “Magmano ka ke’la Nana,” kapagkuwa’y aniya rito, na mabilis naman nitong ginawa.

“Mano po,” sambit nito, kasabay ng pagmamano sa Nana at Tata niya.

Ito pa lang ang unang beses na dinala niya si Hensin dito, kaya naman hindi pa ito kilala ng parents niya.

“’Na, ‘Ta, si Hensin po, kaibigan ko rin,” pagpapakilala niya sa dalaga.

“Kaawaan ka ng Diyos, hija,” nakangiting saad ng Nana niya, at saka bumaling sa kaniya. “Hindi namin alam na may kaibigan ka pa lang ganito kagandang dalaga. Kaibigan lang ba talaga?” kapagkuwa’y anito.

“Nako, Tope, ni-minsan hindi ka pa nagdala ng babae rito; ngayon lang. Hindi naman kami magagalit kung aaminin mong nobya mo itong dilag na ito. Malaki ka na; pinahihintulutan na kitang magka-nobya,” dagdag pa ng Tata niya.

Friendship To Lovers (Dr. Kristof Gomez's Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon