15

37 2 0
                                    

"Paano nga kung may boyfriend si mama?" tanong ko at humiga sa higaan niya habang pinagmamasdan siya na pinupunasan ang gitara niya. Nakaupo siya sa harapan ko tapos ako naman ay sinakop ko na ang malambot niyang higaan. After class ay dumiretcho na ako dito kahit umuwi si mama ng maaga pero pinayagan naman niya ako.

"Anong problema don?" tanong niya. Kumunot naman ang noo ko tapos umupo ng maayos.

"Paano si papa?" pagbabalik ko rin ng tanong. Hindi ko naiisip na magkakaroon si mama ng iba maliban kay papa. Nangako siya na hindi niya papalitan si papa at kaming dalawa lang ay ayos at sakto na.

"Paano naman ang mama mo?" tanong niya pabalik sa'kin. Naisip ko rin naman na baka kailangan rin ng kasama ni mama. Pero hindi ko talaga matatanggap na palitan niya si papa dahil nandito pa naman ako.

"Paano ako?"

Tumawa siya ng mahina at umiling-iling tapos isinandal niya ang kanyang gitara sa gilid tapos humarap siya sa computer niya kaya nakatalikod siya ngayon sa'kin.

"Ano ba nararamdaman mo?" natatawa niyang tanong.

"Bakit ka ba natatawa seryoso ako dito," sabi ko.

"Sorry kasi napansin ko lang puro tayo tanong," sagot niya. Napansin ko nga rin.

"Ayokong palitan niya si papa," sabi ko tapos humarap naman siya sa'kin. "Nangako siya sa'kin na hindi niya papalitan si papa. Isa pa, hindi pa nagtatagal na nawala sa'min si papa tapos papalitan niya na?"

"Mas mabuting kausapin mo muna ang mama mo baka mamaya wala naman pala siyang bago," sabi niya.

"Nakita ko, tapos may mga convos rin sila marami. Tuwing nakikita ko si mama hawak ang phone niya palaging nakangiti at tumatawa tapos hindi niya na ako napapansin. Hindi ko nga alam kapag late ba siyang nakakauwi ay talagang galing siya sa trabaho niya, baka nakikipagkita lang siya sa lalaki niya." hindi ko maiwasang mainis. Para kasing trinatraydor niya kami ni papa.

"Pero alam mo namang wala na ang papa mo diba?" natigilan naman ako sa tanong niya at natulala sandali. Parang may yumakap rin sa'kin na kung anong malamig na hangin. Inusog niya ang upuan niya malapit sa'kin.

"Kausapin mo na kasi mama mo, baka magkaintindihan kayo." nakangiti niyang sabi.

"Tinatanong ko siya pero ayaw niya namang sagutin. Parang nahihirapan siyang sabihin sa'kin," sagot ko. Parang iniiwasan niya rin ako palagi. "Hindi ko na rin siya maintdihan minsan, hindi ko alam kung tuwing gabi si papa ba ang dahilan kung bakit siya umiyak o pagod siya sa trabaho at sa lahat. Pero palagi niyang hawak ang cellphone niya at minsan sumisigaw siya naririnig ko. Kaya kung sino mang ang lalaking 'yon ngayon palang pinapaiyak niya na si mama hindi ko talaga siya matatanggap."

Bigla naman niya akong hinawakan sa magkabilang pisngi.

"Paano ba kita mapapasaya ngayon akala ko ba manonood tayo." parang bata niyang sabi. "Ngayon palang stress ka na paano pa kaya kung manood na tayo."

"Eh kasi naman pwede namang iba nalang bakit nakakatakot palagi pinipili mo," inis kong sabi tapos ginulo niya ang buhok ko.

"Pero seryoso, mag-usap kayo ulit at dapat siguro ikaw ang mas umintindi sa mama mo alam ko kasing simula nang mawala papa mo naiwan kay tita lahat."

"Salamat Wren," sabi ko tapos tumayo siya bigla at may pinindot sa computer niya.

"Manood na tayo!" sigaw niya at umusog naman ako tapos tumabi siya sa'kin.

Sabi ni papa, bawal ako sa isang kwarto na may isang lalaki. Bawal magsama sa isang kwarto ang lalaki at babae, alam ko naman 'yon pero kaibigan ko naman si Wren at hindi pa ako nakaramdam ng kahit anong ilang sa kanya. Madalas nga kaming mag-away lang at magsigawan sa loob ng kwarto niya.

Mr. SneezyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon