49

61 2 0
                                    

"Ano nag-iisip ka ba, gusto mo na naman ako gumastos ng malaki sa'yo!" Pagkababa namin ni Kaye ay sigaw agad ni papa ang sumalubong sa'min. Agad na yumakap sa braso ko si Kaye. Tumingin ako kay papa at kay Edward na ngayon ay napapakamot sa batok niya.

"Walang aalis dito, malari ang pangarap ko sa'yo wag mong sinasayang! Hindi ako papayag na magrenta ka pa sa labas, anong problema mo dito!" mukhang hindi nila kami mapapansin ni Kaye. Wala ngayon si mama nasa palengke kaya sila ang naiwan sa'min. Napailing-iling nalang ako. Ang ganda ng araw ngayon talagang bwinebwesit nila. 

"Alam kong ayaw mo dito, ako rin naman. Konting tiis nalang at maibebenta na ito ng ate mo," sabi ni tito kaya agad akong nagsalita.

"Ano pong maibebenta?" tanong ko at parehas silang napalingon sa'kin. Nakita ko namang ngumiti si papa at nilapitan ako.

"Wala, wala anak..kumain ka na," sabi niya.

"May narinig po ako, ano po 'yon?" tanong ko ulit. Hindi ko naman gusto na magtanong at wala naman akong pakealam sa pinag-aawayan nila pero iba ang narinig ko kanina.

"Wala, sa'min ang usapan na 'yon, sige na kumain ka na." 

Hindi manlang niya pinansin si Kaye. Umirap lang ako nang tumalikod siya. Hinila ko naman si Kaye dahan-dahan papuntang kusina. Hindi ko nga sila pinapakealamanan kung may binabago sila sa bahay na 'to. Sana multuhin nalang sila ni papa kung ano man ang balak nila.

"Saan mo gusto pumunta ngayon?" nakangiti kong tanong kay Kaye. Wala naman akong lakad ngayon at gusto kong makasama si Kaye. Kawawa naman itong kapatid ko palaging naiiwan dito. Nakita ko siyang ngumiti tapos tumango. Hinaplos ko ang kanyang buhok tapos pinaghanda ko siya ng makakain. 

"Saan naman kayo pupunta?" tanong ni papa nang pumasok siya tapos umupo sa harapan namin. 

"Sa park lang po pa," sagot ko at binigyan ko ng isang ngiti si Kaye dahil alam kong natakot siya sa boses ni papa.

"Wag kayong magpagabi, umuwi agad at wag matigas ang ulo mo Kaye," sabi ni papa tapos nakisabay siyang kumain sa'min. Salamat naman at pumayag siya. 

Pagkatapos kumain ay sabay kami ni Kaye na nagpalit ng maisusuot. Syempre ako ang nagbihis sa kanya tapos inayos ko ring ang mahaba niyang buhok, halos parehas na kami ng haba ng buhok aabot na sa balakang ko. Itinali ko lang rin ang sa'kin tapos konting make-up lang. 

"Saan kayo pupunta?" tanong ni mama nang makababa kami.

"Sa park lang po ma," sagot ko. Tapos nagmano kami parehas.

"Oh sige, mag-ingat kayo ah. May pera ka pa ba Honey?" tanong ni mama. Umiling naman ako agad, ngayon lang ako nagkaroon ng walang pake sa pera. Mauubos rin lang naman sa huli. Agad akong binigyan ni mama tapos lumabas na kami ni Kaye. Sumakay kami ng tricycle tapos agad rin naman kaming nakarating sa West Park.

"Dahan-dahan Kaye!" sigaw ko nang bigla siyang tumakbo. Kapag nakakalabas talaga siya minsan kailangan talagang bantayan. Siguro dahil hindi siya sanay dito sa labas at mabilis siyang matuwa. Medyo may pagkaisip bata rin kasi si Kaye para sa edad niya. 

Umupo lang ako sa isang bench tapos pinagmasdan siyang hinahabol ang mga maliliit na ibon.

"Dito ka lang ah!" sigaw ko. "Wag mawawala sa paningin ko!" 

Kinuha ko naman ang cellphone ko tapos kinuhanan siya ng mga litrato. Ang cute talaga ni Kaye. Bakit ba ayaw siyang bigyan ng halaga nila mama. Hinayaan ko lang muna siya maglaro ng ilang minuto tapos bumili kami ng ice cream.

"Malaki naman ang binigay ni mama ngayon, kaya isasama kita sa East kumain tayo don!" kinikilig kong sabi. Minsan lang naman kami sumaya, babawiin naman mamaya kaya sulitin na. Tumango si Kaye, sa lahat naman ng sasabihin ko ay sumusunod lang rin siya, pati sa iba kaya kailangan siyang bantayan at protektahan. Napakainosente rin kasi niya lalo na sa mga tao. 

Mr. SneezyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon