Hulyo 1880
UMALINGAWNGAW ang sunod-sunod na putok ng baril sa buong bayan ng Santa Cruz, Laguna. Nagsigawan ang mga tao nang mapansin ang kaguluhan sa bahay ng isang kilalang pamilya. Dakong alas diyes ng gabi, nagkalat ang mga guardia sibil bibit ang kani-kanilang mga armas sa bakuran ng mga Iniquinto. Rinig na rinig ang mga maiingay na mga yapak ng mga sapatos nito na animo'y nagpapaligsahan sa gabi.
Ipinag-uutos ng Gobernador-Heneral de Rivera na lipunin ang lahat ng mga kaanak ng Iniquinto at pugutan ng ulo sa harap ng madla bilang parusa sa pagtataksil sa Espanya. Matagal nang kakampi ng dayuhang bansa ang mga Iniquinto pagdating sa pangangalakal kaya't hindi ito matanggap ng mga banyaga na sila'y kinaibigan lamang upang makakuha ng impormasyon tungkol sa pagpapalakas ng imperyalismo ng Espanya sa Pilipinas.
"Batid naming may tao riyan sa loob! Huwag na kayong magmatigas at lumabas na kayo!" sigaw ng isang guardia sibil na bagama't Pilipino ay piniling maglingkod sa Espanya.
Lumipas ang ilang sandali nang walang nangyari. Uminit ang ulo ng pinuno ng guardia sibil ng Laguna na si Santiago at inutusan ang kaniyang mga kawal na paulanan ng baril ang buong bahay.
Muling nagimbala ang tahimik na gabi gawa ng sunod-sunod na putok ng baril. Nagsilaglagan ang mga basiyo bala nito sa lupa at walang pakundangang tinatamaan ng mga kawal ang mga mamahaling paso ng mga bulaklak sa veranda. Nagkalat ang bahagi nito sa kung saan-saan. Nagkabutas-butas rin ang kahoy na dingding at babasaging bintanang nakadesinyo ng casement.
Hindi maawat ang sigawan ng mga taong nakikiusisa sa paligid. Karamihan sa kanila ay mga tagapagsilbi ng pamilyang Iniquinto.
Samantala, sa loob ng malaking bahay, naroon si Carmen, ang nag-iisang anak na babae ng pamilya na hindi alintana ang gulo sa labas. Hindi niya akalaing mahihimigan ng mga guardia sibil ang kaniyang lihim na pagbisita sa kanilang mansion. Nanginginig man ang mga kamay, mabilis niyang hinanap ang mga mahahalagang dokumentong nakatago sa kaniyang kwarto. Siniksik niya ang ilang pera, baril at mga papeles sa loob ng isang malaking supot.
Lingid sa kaalaman ng lahat, hindi lamang siya isang anak ng mayamang pamilya. Si Carmen ay kasapi ng Samahan ng Kalayaan; isang sekretong kilusang naglalayong makamit ang kalayaan ng Pilipinas na siyang itinatag ng kaniyang ama.
Ilang taon na rin nilang pinaghirapang mapanatiling lihim ang organisasyon. Ikinubli nila ang kanilang tunay na pakay sa likod ng pagkikipag-alyansa sa Espanya. Naniniwala siyang labis-labis ang kanilang pag-iingat upang ilihim ito. Hindi niya mahulaan kung sino sa mga miyembro nito ang nagtaksil sa kanila.
"Ina, natatakot ako."
Napalingon si Carmen sa kaniyang labinlimang taong gulang na anak na babae na si Agueda. Mangiyak-ngiyak na ito habang mariing tinatakpan ang kaniyang tenga. Nilapitan niya ito at pinakalma.
"Agueda, anak, huwag kang matakot. Naalala mo pa ba ang palaging kong sinasabi sa'yo?"
Natigilan si Agueda at matamang tiningnan ang kaniyang ina.
"Mabuhay ng mag-isa at ipagtanggol ang sarili," sagot nito.
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...