MAAGA pa ngunit nasa silid-pulungan na sina Agueda, Artemio at Ka Miyong para sa isang mahalagang diskusyon. Dalawang oras pa lamang ang iginugol ng dalaga sa pagpapahinga ngunit nakabawi na kaagad siya ng sapat na lakas.
Hindi na rin kabilang sa mga alalahanin ni Artemio ang kaniyang daplis sa braso kaya't pagkatapos itong gamutin ng dalaga, agad na rin siyang sumali sa usapan. Kailangan nilang iulat ang lahat ng nangyari sa kanilang misyon kay Ka Miyong upang mapag-usapan na rin nilang tatlo ang susunod nilang gagawin.
Hindi sila maaaring makampante sa tagumpay na kanilang nakamit sapagkat batid nilang labis na ikagagalit ng mga dayuhan ang kalapastangang ginawa nila sa plaza. Magiging mahigpit ang pagbabantay ng mga guardia sibil sa bayan kaya't hindi sila maaaring bumaba ng bundok nang kahina-hinala ang mga kilos. Sigurado rin silang sinusuyod na ng mga dayuhan ang mga kabahayan sa Cavinti upang makakuha ng impormasyon tungkol sa nangyari. Hindi rin malayong mag-imbestiga rin ang mga dayuhan sa bundok na kinaroroonan nila ngayon. Kailangan nilang gumawa ng mga plano kung sakali mang mangyari iyon.
"Ang ibig mong sabihin ay binaril mo ang pinuno ng mga guardia sibil na si Santiago?" pag-uulit na tanong ni Ka Miyong.
Marahang tumango si Agueda. Binanggit niya rito ang kaniyang ginawang pagbaril sa binti ng lalaki. Wala naman siyang intensyong patayin ito sapagkat alam niyang hindi pa iyon ang tamang oras para parusahan ang pinuno ng guardia sibil. Masyadong malaki ang kasalanan nito sa bayan upang mamatay lamang sa ganoong paraan.
"Si Miguel Santiago ay matagal nang naninilbihan sa mga dayuhan bilang pinuno ng mga guardia sibil. Kabilang siya sa mayamang pamilya ng Santiago sa Laguna na tapat na naglilingkod sa Espanya. Kung totoong binaril mo nga siya, siguradong hindi lamang ang mga dayuhan ang maghahabol at maghahanap sa iyo, pati na rin ang buong angkan ng mga Santiago."
Kumunot ang noo ni Agueda. "Bakit?"
"Sapagkat siya lamang ang nag-iisang lalaki na maaaring magdala ng pangalang Santiago. Isa pa, sa kaniya rin ipinamana ang ilang ektarya ng lupain na pagmamay-ari nila sa Bulacan. Ang buhay ng lalaking ito ay mas mahalaga pa kaysa sa iyong inaakala."
Pagkuwa'y napangisi si Agueda. "Hindi ako nagsisisi sa aking ginawa, Ka Miyong. Isa pa, hindi naman niya malalaman na ako ang bumaril sa kaniya. Marahil nga ay hinanap na tayo ng daan-daang guardia sibil ngayon kaya't bago pa nila matunton ang bundok na ito, kailangan na nating pag-usapan ang ating susunod na gagawin."
"Jefe," tawag ni Artemio sa kaniya.
Binigyan niya ito ng isang tango nang inabot ng binata ang isang tasa ng mainit na kape. Maingat na nilagpag rin ni Artemio ang isa pang tasa sa harap ni Ka Miyong.
"May nais ka bang imungkahi, Kapitan?" tanong ni Agueda rito.
"May naisip akong magandang ideya."
Humigop muna ng kape ang binata bago muling nagsalita.
"Nais kong imungkahi na humanap tayo ng iba pang kampo liban lamang sa bahay na ito."
Napatingin sa kaniya si Ka Miyong. "Maganda naman ang iyong naisip ngunit hindi ko nakikitang magiging solusyon ito sa problema natin ngayon."
"Kung hahanap tayo ng iba pang lugar na mapagtataguan, maaari nating hatiin ang ating grupo. Hindi ba't lalong kahina-hinala kung lahat ng ating mga kasapi ay magtitipon-tipon rito? Alalahanin ninyong dumadami na ang miyembro ng ating kilusan. Mahihirapan ang mga dayuhan na lipunin tayo kung kakalat tayo sa buong Cavinti. Hindi ko rin alam kung ligtas pa ba ang kampong ito lalo na sa mga batang kasama natin rito."
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...