Kabanata 44

59 12 0
                                    

MAAGA pa lamang nasa garison na si Simeon upang samahan ang Gobernador-Heneral sa gagawin nitong pagpupulong kasama ang mga taong may mataas na katungkulan sa sandatahan ng guardia sibil. Nais niyang tumanggi sa paanyaya nito ngunit naisip niyang isang maganda itong paraan upang malaman niya ang susunod na hakbang ng kaniyang ama.


Tulad ng kaniyang inaasahan, nakauwi siya ng madaling araw kanina ng wala pa ito. Hindi man lamang natunugan ng matanda ang kaniyang mahabang pagkawala. Masyado itong abala sa pakikipagpalagayan ng loob sa mga mayayamang pamilya upang kunin ang tiwala at suporta ng mga ito.


Nakatayo si Simeon sa tabi ng kaniyang ama habang nag-uusap sina Kapitan Santiago at Teniente Manahan. Nabigla pa ang dalawa nang makita siya ngunit hindi na umangal pa ang mga ito dahil sa Gobernador-Heneral. Batid naman ng binata ang kawalan ng tiwala ng dalawa sa kaniya. Buhat nang tumanggi si Simeon na pangunahan ang pagtutugis sa mga rebelde, nagsimula na ring maghinala ang mga ito—bagay na kailanman ay hindi nila mapapatunayan.


Hindi isang bata si Simeon upang mag-iwan ng kalat sa lahat ng mga bagay na kaniyang ginawa kaya't walang mahihita sa kaniya ang kung sinumang galing sa sandatahan.


"Kumusta na ang inyong pagsisiyasat, teniente?" panimula ni Valeriano ng usapan.


"Akin nang ipinabatid sa taumbayan ang tungkol sa mga rebeldeng aming nagapi. Bukod pa roon ay inanunsyo rin ng kapitan Santiago na magbibigay siya ng pabuya sa kung sinumang makakahuli sa isang rebelde."


"Pabuya?" pag-uulit ng matanda.


"Siyang tunay, Gobernador-Heneral," sagot ni Santiago. "Huwag po kayong mag-aalala 'pagkat sa aking sariling bulsa manggagaling ang pabuyang aking ibibigay. Hindi po kayo maaabala rito."


"Mainam sapagkat ayokong kaltasan pa ang aking mga ari-arian upang mapadali ang ating paghuhuli sa mga pisteng iyan. Sa ngayon, itigil niyo muna ang inyong pagsisiyasat sa bundok."


Nagkatinginan sina Santiago at Manahan sa sinabi ng Gobernador-Heneral. Kapwang nagtatanong ang kanilang mga mata kung tama ba ang kanilang naririnig. Hindi nila maaaring itigil ang pagsisiyasat ngayon pa't nagkaroon na sila ng malapitang engkwentro. Batid ni Manahan na kung magpapatuloy sila ay hindi magtatagal ay matutunton rin nila ang kuta ng mga ito.


"Hindi po natin maaaring itigil ang pagsisiyasat, Gobernador-Heneral. Bagama't nagapi natin ang tatlo, tiyak akong magpapatuloy pa rin sa pag-aalsa ang natitira pa nitong mga kasama sa kilusan," paliwanag ni Santiago.


Tumawa si Valeriano.


"Santiago, Santiago! Kailan ka pa matututo? Hayaan mo ang pera ang magtrabaho para sa iyo. Kung malaki ang halagang nakapatong sa mga ulo ng mga rebelde, hindi ka na pagpapawisan pa sa paghahanap sa mga ito sapagkat ang mga tao na ang gagawa n'yon para sa iyo. Alalahanin mong uhaw sa yaman at pera ang mga Pilipino, anumang bagay ay kanilang papatulan makaahon lamang sa hirap. Manuod ka lamang sa susunod na mangyayari."


Tumango si Santiago. Nakukuha niya ang punto ng Gobernador-Heneral.


The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon