Kabanata 13

86 11 0
                                    

NAGSINUNGALING ang lalaki kay Agueda. Dumoble ang pait at init na kaniyang nararamdaman sa pangalawang lagok niya ng alak. Iniwaksi niya sa kaniyang harapan ang basong ginamit upang hindi na ito salinan pa ni Simeon ng kasunod. Muli siyang napaubo nang kumapit ang hindi mawaring lasa sa kaniyang dila. Pagkuwa'y napahawak siya sa gilid ng kaniyang labi upang pigilin ang sariling masuka. Masama niyang tiningnan ang katabi na ngayon ay pinipigilan ang mga tawa.


"Nalilibang ka yatang paglaruan ako," mapanuyang turan ng dalaga.


Tumikhim si Simeon. "Sapagkat kaaya-aya ka talagang panuorin, Piyo. Ikaw lamang ang lalaking kilala ko na hindi pa nakakatikim ng alak sa tanang buhay niya. Sa aking sapantaha naman ay magkasing-edad lamang tayo. Ano't hindi mo pa nasubukang uminom ng alak dati?"


Napaayos ng upo si Agueda sa biglaang tanong ng binata.


"Ayokong mahumaling sa bagay na walang katuturan. Hindi ko masisikmurang uminom ng alak at magpakasaya habang unti-unting sinasakop ng mga dayuhan ang aming bayan," sagot ng dalaga.


"Ano ba ang mga bagay na may katuturan para sa iyo? Ang humawak ng baril at pumatay ng tao?"


Sinipat ng dalaga ang kaniyang katabi dahil sa walang preno nitong bibig. Naghihintay ang mga mata ni Simeon sa kaniyang magiging sagot.


"Hindi ako pumapatay ng tao para lamang sa mga walang kabuluhang layunin. Nais kong ipagtanggol ang aking bayan sapagkat iyon lamang ang nakikita kong dahilan upang patuloy akong mabuhay. Nabanggit mo kanina na kung lahat ng mga Pilipino ay katulad ko kung mag-isip siguro ay may posiblidad pang lumaya ang aking bayan, ngunit hindi lamang talino ang kailangan ng mga tao kundi katapangan. Ang totoo, lahat ng mga Pilipino ay nangangarap ng kalayaan ngunit hindi lahat sa kanila ay may lakas ng loob na tahakin ang landas upang makamit iyon. Kaunti lang ang mga taong matapang, at nagpasya akong maging isa sa kanila."


Sandaling napatitig si Simeon sa kaniyang katabi. Naitukod niya ang kaniyang siko sa lamesa at nagpahalumbaba upang tingnan ng maayos ang bago niyang kaibigan. Hindi niya mawari ang pinanggagalingan nito. Anong klaseng buhay ang naranasan ng kaniyang kasama upang maging isang taong puno ng katapangan at paghihimagsik.


Nahuhumaling si Simeon sa ningning ng mga mata nito habang minumutawi ang mga nais nitong gawin. Naiinggit siya sapagkat alam nito ang layunin sa buhay. Kahit saan anggulo niya tingnan, nangingibabaw ang pagmamahal nito sa bayan. Ang mukha nito ngayon ay katulad ng itsurang nakita niya noong gabing una silang magkita. Bagama't kapwang may hawak sila ng baril noon ngunit parehong nakaasinta sa iisang direksyon. Sumisidhi ang kaniyang pagnanais na halungkatin ang buhay nito. Pakiramdam niya, hindi niya pa nakikilala ang tunay nitong pagkatao.


Lumingon ang dalaga sa kaniyang katabi. Nahuli niyang nakatitig ang binata sa kaniya habang nakatukod ang mga siko nito sa lamesa kaya't mabilis niyang napuna ang suot nitong gintong singsing sa daliri.


"May asawa ka na?"


Nabigla ang lalaki sa tanong nito. Nakuha naman niya kaagad ang ibig nitong sabihin nang mapagawi ang kaniyang mga mata sa suot niyang singsing. Isang gintong singsing na may nakaukit na pangalan niya sa ilalim.

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon