Kabanata 3

306 26 21
                                    

NAPAPAYUKO na lamang si Agueda upang iwasan ang mga matatalim na tingin ng lalaking tinuturi na niyang ama. Dalawang oras na ang nakalipas simula nang ipatawag siya nito sa isang masinsinang usapan. Nahinuha na niya kaagad kung anong magiging paksa ng kaniyang panayam. Handa na siyang makinig sa mga pangaral nito dahil pihado siyang nagsumbong si Artemio rito tungkol sa kaniyang pagtungo sa plaza at pagbili ng isang librong mapanganib ariin ng kung sinuman.


Gayunman, wala siyang pinagsisihan sa lahat ng iyon. Sa halip, ikinatuwa niya pa ang kaniyang ginawa. Buong akala niya ay digmaan ang tanging daan upang labanan ang mga mananakop ngunit hindi niya akalaing makapangyarihan rin pala ang mga salita. Batid na niya ngayon ang dahilan kung bakit ipinagbabawal ang librong Noli Me Tangere sa Pilipinas bagaman isang Pilipino naman ang sumulat nito, sapagkat isang maselang paksa pala ang tinatalakay sa libro kung saan isiniwalat ng may-akda ang mga pang-aapi at panggigipit ng mga Espanyol sa mga Pilipino. Lalo lamang napukaw ang kaniyang galit at tumindi ang kaniyang pagmamahal sa bayan nang mabasa niya ang kabuuan ng aklat.


"Hindi ka ba magsasalita riyan?" singhal ni Esteban sa dalaga.


Sumasakit ang kaniyang ulo sa pagiging sutil nito. Wala pang isang araw siyang nawala kaya't hindi niya akalain na mabilis itong nakalabas ng bahay at pumuslit ng isang mapanganib na bagay.


"Wala po akong sasabihin," tipid na sagot ng dalaga. "Hindi ako hihingi ng tawad sa iyo sapagkat wala naman po akong ginawang mali. Kailan pa naging kasalanan ang lumabas upang bumili ng isang libro gamit ang sarili kong salapi?" katuwiran niya.


Napatayo si Esteban mula sa kaniyang kinatatayuan. Isa pang ayaw niyang ugali sa batang ito ay ang pagiging maprinsipyo at makatuwiran nito tulad ng kaniyang Ina. Mana nga ito kay Carmen. Ilang beses na niya itong pinagsabihan na huwag lumabas nang mag-isa ngunit hindi ito nakikinig sa kaniya.


"Sa palagay mo ba ay iyon ang ikinagagalit ko? Batid mong lubhang mapanganib sa labas para sa isang katulad mo. Nawala na ba sa iyong isipan ang lahat ng nangyari sa iyong buong angkan? Ano na lamang kung nakilala ka ng mga tao? Isa pa, isang ipinagbabawal na libro ang ipinuslit mo. Noong isang araw nga ay ginalugad ng mga guardia sibil ang mga kabahayan upang hulihin ang kung sinumang Pilipino na nagmamay-ari ng ganoong akda. Hindi lamang ang sarili mo ang iyong inilagay sa panganib pati na rin ang ating buong pamilya."


Napatingin si Agueda sa kausap. Napansin niyang humuhupa na ang galit nito at bumalik ang mga malamlam na mga tingin. Madilim man ang paligid ngunit sapat ang ilaw na nanggagaling sa gasera upang makita niya ang pag-aalala sa mukha nito. Napuna niyang hindi naman ito galit, alam niyang labis lamang itong nag-alala sa kaniya.


"Ama," tawag niya rito. "Naiintindihan ko po ang pinanggalingan ninyo ngunit huwag na po kayong mag-alala, nag-iingat naman po ako. Kung sakalimang mangyari ang kinatatakutan ninyo, kaya ko namang ipagtanggol ang aking sarili."


Bumuntong hininga si Esteban. Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang tapang at lakas ng loob nito. Malayo ang ugali ni Agueda sa mga karaniwang dalaga sa bayan.


"Hindi ko hahayaang may mangyari masama sa iyo. Ipinangako ko sa iyong nasirang ina na ika'y aking aalagaan hangga't ako'y nabubuhay pa."


Natahimik ang dalaga nang banggitin ng lalaki ang tungkol doon. Batid niyang may pangako si Esteban sa kaniyang ina ngunit may kailangan rin siyang tuparin sa kaniyang parte. Bagama't nasaksihan niya ang masamang sinapit ng kaniyang angkan, nais niya pa ring sumunod sa mga yapak ng kaniyang ina. Malakas ang kaniyang pagnanais na lumaban at ipagtanggol ang kasarinlan ng bayan.

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon