DALA ang gasera, tinungo ni Artemio ang isang bakanteng silid. Tahimik ang buong mansion ng mga Ricarte. Animo'y walang taong nakatira rito maliban sa kaniya.
Mula noong nalaman ng binata ang lahat ay lumayo na ang kaniyang loob kay Esteban. Hindi na tulad ng dati ang kaniyang pakikitungo rito. Nawalan na rin sila ng panahong mag-ama upang mag-usap pa sapagkat lagi itong lumuluwas ng bayan upang asikasuhin ang mga negosyo nito sa Maynila.
Hatinggabi na ngunit hindi pa rin siya makatulog kaya't lumabas siya ng sa kaniyang silid at binaybay ang mahabang pasilyo. Binuksan niya ang dating silid ni Agueda. Bumungad sa kaniya ang pamilyar na pakiramdam. Walang kahit na anumang nagalaw sa mga gamit ng dalaga. Tulad pa rin ito ng dati. Walang nagbago, kung may nawala man—si Agueda.
Malungkot siyang napangiti nang pumasok siya sa loob. Sariwa pa sa kaniyang alaala ang lahat ng mga pinagsamahan nilang dalawa—ang kanilang mga usapan, mga tawanan, mga suliranin na tinawid nang magkasama at mga pangarap na binuo nila sa loob ng apat na sulok ng lugar na ito.
Binuksan niya ang mga bintana at hinayaang pumasok ang malamig na hangin. Pagkuwa'y umupo siya sa kama at inilapag ang hawak na gasera sa kalapit na mesa.
Nahuli ng kaniyang mga tingin ang isang paynetang nakapatong doon. Sumilay ang isang matamis na ngiti sa kaniya nang maalala niyang iyon ang paynetang ibinigay niya sa dalaga. Dinampot niya ito at pinagmasdan. Hindi niya malilimutan ang ngiti ni Agueda nang ibinigay niya ito rito. Habang inaalala iyon, kahit papaano ay napasaya niya pala ito. Mula nang mga bata pa lamang sila, wala na siyang ibang ipinagdarasal kundi ang makita itong lumigaya—dahil man ito sa kaniya o sa iba.
Nakangiti lamang si Artemio habang pinagmamasdan sa kaniyang palad ang payneta ngunit unti-unti na ring kumakawala ang mga luha sa kaniyang mga mata. Parang nababasag ang kaniyang puso, para siyang sinasaksak ng ilang beses. Naghahalo ang lungkot, takot, saya, pagsisisi at pagdadalamhati sa kaniya. Hindi niya maintindihan kung paano nauwi sa ganitong sitwasyon ang lahat.
Maya't maya pa, napatigil si Artemio sa kaniyang ginagawa nang maramdam niya ang pagdantay ng isang malamig na bagay sa kaniyang ulo. Napatigil ang binata sa pag-iyak at pinahiran ang kaniyang luha. Isang tao ang kaniyang naramdamang nakatayo sa kaniyang likuran. Naaaninag niya ang anino nito. Ngumiti siya sa kaniyang sarili. Dumating na siya.
"Kamusta ka?" bati niya rito.
Unti-unting lumingon si Artemio.
Hindi nga siya nagkamali ng hinala sapagkat kaagad na bumungad sa kaniya ang isang babaeng nakasuot ng purong itim, hawak-hawak ang isang rebolber na nakatutok sa kaniyang ulo. Bahagya siyang nakahinga nang maluwag nang makita ang mukha ni Agueda. Bakas ang pagod sa itsura nito ngunit sapat na sa kaniya ang malamang buhay ito.
"Matagal na akong naghihintay sa iyo," dagdag niya pa.
Masama siyang tinitigan ni Agueda.
"Narinig ko ang ginawa mo sa mga dayuhan. Hindi ko akalaing ganoon mo lamang kadaling papatayin ang teniente at ang kapitan ng guardia sibil. Umabot rin sa akin ang balitang pagbabalik ng mga salapi sa taumbayan, hindi pa iyon alam ng lahat, ngunit batid kong kagagawan mo iyon. Ipinagmamalaki kita."
"Bakit mo iyon ginawa?"
Sandaling natigilan si Artemio nang maramdam niya ang galit sa boses ng dalaga. Batid niya kung anong tinutukoy nito.
"Batid ko kung bakit ka narito. Ako ang kapitan ng kilusan kaya't batid ko kung ano ang parusa sa mga taksil. Hindi ako lalaban. Hindi ako magrereklamo. Gawin mo na ang nararapat, Jefe."
"BAKIT? BAKIT MO GINAWA IYON?! BAKIT MO PINAHAMAK SI SIMEON!? WALA SIYANG IBANG GINAWA KUNDI ANG PROTEKTAHAN TAYONG LAHAT! NAGING MABUTI SIYA SA KILUSAN! NAGING KAKAMPI NATIN SIYA! PAANO MO SIYA NAGAWANG PAGTAKSILAN?!"
"Agueda, hindi ko kayang makita kang pinapatay sa aking harapan."
Tuluyang bumagsak ang mga luha ng dalaga. Nanginginig ang kaniyang labi. Halos hindi na niya maituwid ang kaniyang braso sa labis na panghihina ngunit hindi niya pa rin ibinababa ng kaniyang baril. Nanginginig man ngunit nakatutok pa rin ito sa ulo ni Artemio.
"Ang mamatay ka, iyon ang hindi ko kayang panuorin."
"Kung hindi dahil kay Simeon, wala na rin ako ngayon. Dalawang beses niyang iniligtas ang aking buhay kaya't balewala na sa akin kung mamamatay man ako noong mga oras na iyon. Wala kang ibang inisip kundi ang sarili mo lamang—kung ano ang iyong mararamdaman. Hindi mo man lamang ba naisip si Simeon?"
"Noong mga oras na iyon, ikaw lamang ang naiisip ko, Agueda. Sa iyo lamang ako nakatingin—palagi naman."
"HINAYAAN MO NA LAMANG SANA AKONG MAMATAY!"
"AGUEDA!" sigaw ni Artemio. "Wala nang saysay kung pag-uusapan pa natin ang nangyari na. Gawin mo na ang dapat mong gawin."
Natauhan ang dalaga. Itinuwid niya ang kaniyang braso at tinapangan ang mga tingin. Hinigpitan niya ang hawak sa rebolber at itinutok ito sa noo ng binata. Hindi man lamang kumurap si Artemio nang makita iyon. Nakatitig lamang siya sa mga mata ng dalaga.
"Sa ngalan ng La Independencia Filipinas, bilang Jefe ng kilusan, tinatanggalan ko ng buhay ang kapitan; Artemio Ricarte sa salang pagtataksil sa kaniyang mga kasapi."
"Nanginginig ka," puna ng binata sa mga kamay nito.
Hinawakan ni Artemio ang kamay ng Jefe at kusang iginiya ang hawak nitong baril sa kaniyang ulo.
"Huwag kang matakot, Jefe. Hindi na ako ang kapitan ng kilusan, isa na lamang akong taong nagtaksil. Huwag mo akong kaawaan. Huwag kang magdalawang-isip. Huwag kang malungkot. Hindi ako karapat-dapat ng kahit na alinman sa mga iyon. Wala kang ibang dapat maramdaman sa akin kundi galit. Sa ganoong paraan mo lamang ako kayang patayin."
Humugot ng malalim na hininga ang dalaga. Napapikit siya upang pigilan ang kaniyang mga luha. Sa kaniyang muli pagdilat, handa na siyang gawin ang nararapat.
"May sasabihin ka pa ba?" tanong niya kay Artemio.
"Ang mamatay gamit ang iyong mga sarili kamay ay isang malaking karangalan para sa akin. Naging masaya ako sa lahat ng mga digmaang pinagsamahan natin, nagawa kong lumaban at tumayo 'pagkat naroon ka sa aking tabi."
"Sa ngalan ng La Independencia Filipinas, bilang Jefe ng kilusan, tinatanggalan ko ng buhay ang taong nagtaksil."
Umalingawngaw ang putok ng baril sa buong silid. Bumagsak ang kapitan sa kama. Dilat ang mata at walang buhay. Sunud-sunod ang pagtagas ng dugo mula sa ulo nito. Nagkulay pula ang kumot na nakahapin doon.
Nanginginig ang mga kamay ni Agueda nang maibaba niya ang hawak niyang baril. Kumawala ang kaniyang mga hikbi habang pinagmamasdan ang patay na katawan ng lalaki sa kaniyang harapan.
Walang tigil sa paglaglag ang kaniyang luha. Nanghihina ang kaniyang tuhod hanggang sa mapaluhod siya sa sahig. Sumagi sa kaniyang alaala ang lahat ng pinagsamahan nila ng binata—ang mga biro nito noong sila'y bata pa, ang mga pang-aasar nito sa kaniya, ang kanilang mga tawanan, iyakan at lahat ng mga ordinaryong araw na kanilang pinagsaluhan. Lahat ng sandaling nakasama niya si Artemip ay mahalaga para sa kaniya. Naging masaya siya.
Gumalaw si Agueda. Hinaplos niya ang mukha ni Artemio. Hindi niya maintidihan kung paano umabot sa ganito ang lahat. Hindi niya matanggap na siya pa ang pumatay sa taong naging dahilan kung bakit siya patuloy na nabubuhay. Hindi na niya makayanan ang sakit. Para siya nitong pinapatay ng paulit-ulit.
Dumako ang kaniyang mga mata sa kamay ng lalaki. Lalo siyang naiyak nang makita ang payneta sa palad nito. Hindi siya makapaniwalang hanggang sa huling hininga ng binata ay siya ng nasa isip nito.
Si Artemio Ricarte, ang lalaking laging nanatili, naniwala, nangarap at nabuhay kasama siya; ay namatay rin nang dahil sa kaniya.
***
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...