SA sumunod na araw, gumayak ang mga natitirang kasapi ng La Independecia Filipinas paakyat ng bundok upang puntahan ang kanilang dating kuta. Hindi mapigilan ng bawat isa sa kanila ang makaramdam ng lungkot habang binabaybay ang dating daan kung saan maayos pa ang lahat, kung saan kasama pa nila ang lahat ng kanilang mga kasapi. Mabibigat ang mga hakbang at maya't maya silang napapabuntong hininga lalo na't nang mapadaan ang mga ito sa maliit na kubo ni Ka Miyong.
Tulad ng kanilang narinig, sinunog ng mga guardia sibil ang bahay kung kaya't tanging mga natupok na haligi at ilang tirang gamit na lamang ang kanilang nadatnan.
Pinipigilan na lamang ni Josefa ang umiyak habang pinagmamasdan ang dating bahay kung saan tinanggap sila ng matanda. Hindi niya kailanman malilimutan ang kabutihang ginawa nito sa kanilang mag-ina.
Napapayuko na lamang din si Agueda upang itago ang kaniyang lungkot.
Ipinagpatuloy ng grupo ang kanilang paglalakbay hanggang sa narating nila ang dating kuta. Tulad ng bahay ni Ka Miyong, tinupok na rin ng apoy ang kanilang pangalawang kuta. Nagkalat pa sa paligid ang ilang mga gamit mula sa bahay na animo'y isang bagyo ang dumaan.
Namataan ni Agueda ang kaniyang ilang mga libro na hinayaang na lamang mabasa at mainitan ng panahon. Ang mga damit at ilang mga gamit na naiwan ng mga kasapi nila ay nilusaw na ng apoy.
Tulala lamang ang grupo. Sa kanilang pagbabalik sa kuta, kusang nanumbalik rin ang saya, lungkot at pagdadalamhati. Hindi nila maiisip kung paano nauwi sa ganito ang lahat ng kanilang ipinaglalaban.
"Hindi tayo maaaring magtagal rito," basag ng Jefe sa katahimikan. "Saan niyo inilibing ang mga kaban ng armas at ang mga salapi?"
Natauhan si Manuel at pinahiran ang sariling luha. Lumapit siya sa Jefe at tinuro ang isang puno ng manga sa 'di kalayuan.
"Naroon sa lilim ng manggang iyan, Jefe. Diyan namin ibinaon ang lahat."
Sinundan naman ni Agueda ng tingin ang lugar na tinuro ng binatilyo. Isang puno ng mangga ang nakatayo ilang metro lamang ang layo sa kanilang kuta. Hindi niya ito napansin noon sapagkat, nasa likuran ito ng bahay.
"Kumuha kayo ng mga kagamitan," utos niya. "Simulan na natin ang paghuhukay."
Ibinaba ni Mateo ang dala niyang isang sako na naglalaman ng pala, bolo at ibang kagamitan sa paghuhukay. Isa-isang kumuha ng gamit ang lahat saka sinundan ang Jefe papalapit sa puno ng mangga. Malalim ang hukay kaya't halos dalawang oras rin ang ginugol ng lahat bago matagpuan ang mga kaban na ibinaon. Dalawang kaban na mga hindi pa nagagamit na armas ang natira sa kilusan at isang kaban naman ng mga salapi. Lubhang mapanganib kung dadalhin nila ang lahat ng ito pababa ng bundok.
Kumuha ang Jefe ng isang rebolber, riple at mga bala habang kusang dumampot na rin ng mga armas ang iba pa upang magamit ng mga ito kung kinakailangan. Ibinalik nila ang kaban ng armas sa pagkakabaon habang ang salapi naman ay hinati nila sa ilang parte upang ibalik sa taumbayan. Bawat pamilyang siningil ng buwis ay makakatanggap ng salapi. Ang yaman na ito ay hindi sa kanila o sa mga dayuhan, ito ay pagmamay-ari ng mga tao.
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...