DAPIT-HAPON na.
atlong araw na ang nakalipas mula noong mangyari ang barilan sa daungan. Sinuyod ng mga kasapi ng kilusang La Independencia Filipinas ang buong bayan sa paghahanap sa Jefe ngunit hindi pa rin nila ito matagpuan. Habang tumatagal, sumisidhi ang kanilang pag-asang buhay ito at hindi nahuli ng mga dayuhan. Tiyak silang magkakagulo ang buong Cavinti kung sakalimang may nahuling rebelde ang mga guardia sibil.
Masyadong tahimik ang buong bayan ngayon kumpara nitong mga nagdaang araw ngunit kapansin-pansin ang labis na tensyon sa panig ng mga guardia sibil. Tunay ngang lalong humigpit ang kanilang pagbabantay sapagkat nagbaba ang Gobernador-Heneral ng bagong ordinansa tungkol sa kurpyo. Inilipat ito mula ala sais ng hapon hanggang ala sais ng umaga upang malimitahan ang mga galaw ng mga mamamayan.
Gayunpaman, hindi ito nakakaapekto sa mga layunin ng kilusan. Ngayon pa na lumakas ang kanilang puwersa dahil sa mga de-kalibreng armas nilang nadikwat mula sa mga dayuhan. Ngunit, hindi magpapatuloy ang kanilang mga plano kung wala ang namumuno rito. Nag-alala na ang kanilang mga kasapi sa tunay na sinapit ng Jefe kung kaya't naglakas-loob si Artemio na lumapit sa palacio ng Gobernador-Heneral.
Nakaabang ang isang lalaking nakasuot ng mamahaling terno at kurbat sa isang kantong ilang metro lamang ang layo mula sa bahay ng Gobernador-Heneral Alonso. Batid niyang mapanganib ang kaniyang ginagawa ngunit malakas ang kaniyang kutob na may alam ng anak nito kung nasaan si Agueda. Pangalawang araw na siyang nagmamanman rito ngunit kapansin-pansing hindi man lang lumalabas ng bahay si Simeon. Nakapinid rin ang mga bintana sa ikalawang palapag ng bahay na animo'y may kung anong tinitago ang mga tao sa loob nito.
Tulad ng kaniyang inaasahan, pinaliligiran ng mga guardia sibil ang buong bahay. Mahigpit ang seguridad nito sapagkat doon namamalagi ang kinatawan ng Espanya rito sa Pilipinas.
Umayos ng tindig si Artemio nang mapadaan ang tatlong babaeng panay ang sulyap sa kaniyang gawi. Suot ng mga ito ang mga mamahaling baro't saya at kumikintab na mga pamaypay na halos tinatabunan ang kalahati ng kanilang mga mukha habang nagbubulung-bulungan.
Sinulyapan ng kapitan ang mga guardia sibil sa 'di kalayuan na ngayo'y nagsisimula nang maghinala sa kaniyang mga kilos kaya't napalitan siyang lapitan ang mga binibini upang kausapin ito. Tanyag ang pamilyang Ricarte sa buong bayan kung kaya't kalat na rin sa lahat na siya ang bugtong anak ni Esteban Ricarte, ang tagapagmana ng lahat ng yaman at ari-arian nito.
Mabilis naman siyang nakilala ng tatlong babae na gulat na gulat pa sa ginawa ng binata.
SAMANTALA, natanaw ng isang taong nakasakay sa kalesa ang isang binata at tatlong dalagang masayang nag-uusap sa gilid ng daan. Kumunot ang kaniyang noo habang pinagmamasdan ito ngunit nang tuluyang makalapit ang kalesang kaniyang sinasakyan rito, sumilay ang kakaibang ngiti sa mga labi nito nang makilala ang lalaki.
Naputol ang usapan sa pagitan nina Artemio at ng mga binibini nang umangil ang paparating na kalesa. Tumabi sa daan ang mga babae dahil sa gulat. Nagsalubong naman ang kilay ni Artemio nang huminto ito sa kanilang tabi.
Sumilip sa maliit na bintana ang isang matandang lalaking sakay nito. Nakasuot ito ng kulay pulang uniporme na kaaraniwang isinusuot lamang ng isang taong may pinakamataas na katungkulan sa isang bansa. Isang malinis na puting sombrero naman ang nakaputong sa ulo nito at ang mga kulubot sa mukha nito ay senyales na marami na itong pinagdaanan.
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...