BILANG Jefe ng kilusang pinaghirapan niyang itatag, tungkulin ni Agueda na protektahan ang mga kasapi nito sa abot ng kaniyang makakaya. Wala siyang tiwala sa estrangeherong iyon ngunit wala siyang mapamimilian kundi ang pagbigyan ang kahilingan nito.
Batid ng dalaga na maaari niyang ikapahamak ang kaniyang desisyon ngunit nais niyang sumugal kung para naman ito sa ikabubuti ng kanilang kilusan. Natatakot siya hindi para sa kaniyang sarili kundi para sa mga kasama. Bagama't may hinala siyang hindi espiya ang dayuhang lalaki, hindi pa rin siya nakasisigurong itatago nito ang kaniyang nalalaman. Kung tutuusin, may sekreto rin siyang hawak laban rito. Kapwa silang may pinanghahawakan sa isa't isa ngunit kapwa rin silang walang balak pagkatiwalaan ang isa't isa.
Noong gabi ring iyon, hindi na tumuloy si Agueda sa pagbisita sa kanilang kampo. Ayaw niyang mag-alala ang kaniyang mga kasama kaya't minabuti niyang itago na lamang muna ang sitwasyon. Isa pa, buong akala ni Ka Miyong na ang Jefe ang pumatay sa Gobernador-Heneral. Tiyak niyang mababahala ang matanda kapag nalaman nitong may dayuhang nakialam sa kaniyang misyon. Hangga't kaya niya, lulutasin niya ang suliranin ng mag-isa.
Umuwi siya bago sumikat ang araw kaya't walang nakapansin ng kaniyang pagkawala. Dapit hapon na nang kumatok si Artemio sa silid ng dalaga upang magpaalam itong umalis. Sasama ang binata sa lakad ng kanilang ama. Niyaya pa siya nito ngunit tumanggi siya at ginawang dahilan ang kaniyang pag-aaral upang hindi na siya kulitin pa. Hindi na rin naman nagtanong ang lalaki at hinayaan lamang si Agueda. Inihatid pa niya ng tingin sina Esteban at Artemio nang umalis ito sakay ang isang karwahe. Tiyak niyang uumagahin ng uwi ang dalawa. Magandang pagkakataon iyon upang makaalis siya.
Naniniwala ang lalaking dayuhang iyon na isa siyang lalaki kaya't aalis siya nang nakabihis panlalaki upang patuloy itong linlangin. Hindi niya maaaring ipakita ang tunay na pagkatao niya rito sapagkat alam niyang bababa ang tingin nito sa kaniya oras na malaman nitong isa siyang babae. Hindi pa tanggap ng lipunang kinabibilangin nila na naglalakas-loob na ring lumaban ang mga kababaihan.
Suot ang isang itim na terno at kurbata, pinagmasdan ni Agueda ang kaniyang sarili sa salamin. Pinili niyang purong itim ang suotin upang hindi siya makatawag ng pansin.
Sinimulan na ng dalaga na itinali ang kaniyang buhok. Sinigurado niyang nakatago ito sa loob ng kaniyang suot na sombrero. Hindi na siya nag-abalang takpan ang kaniyang mukha ng isang tela sapagkat alam niyang makilala pa rin naman siya ng lalaking kaniyang kikitain. Bukod pa roon, masyadong kahina-hinala rin kung magtatakip siya ng mukha.
Kumuha ang dalaga ng isang rebolber na nakatago sa ilalim ng kaniyang mesa. Pinuno niya ng bala ang mga bakante nitong silindro at itinago ang baril sa kaniyang bewang. Naging ugali niya na ang magdala ng baril sa tuwing siya'y may lakad. Hindi niya kontrolado ang mga pangyayari sa labas kaya't makabubuti kung magiging handa siya.
Alas siyete na ng gabi nang muling tinalon ni Agueda ang matayog na bakod ng kanilang mansion. Panatag ang kaniyang mga lakad habang tinatahak ang daan papunta sa plaza. May iilang mga tao ang napapalingon sa kaniyang suot at karamihan doon ay mga kababaihan na hindi matanggal ang titig sa kaniya. Nilalampasan na lamang ng dalaga ang mga babaeng sumusulyap sa kaniya.
Maliwanag ang plaza kaya't mabilis niyang nakita ang lalaking kakatagpuin. Nakatalikod ito sa kaniyang gawi. Suot ng binata ang isang kulay itim na terno at kurbata na halatang yare sa isang mamahaling tela. Isang sombrero rin ang suot nito sa ulo. Umangat ang kaniyang kilay habang pinagmamasdan niya ang likuran ng estranghero. Napapansin niya rin ang malalagkit na tingin ng mga binibini sa paligid. Hindi niya ito masisi sapagkat tunay ngang agaw pansin ang itsura nito kahit sa malayo.
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...