Agosto 1887
MAALIWALAS ang panahon nang lumabas ang isang dalaga mula sa malaking bahay ng mga Ricarte. Maingat niyang muling isinara ang kinakalawang na tarangkahan nito at pagkuwa'y napatingin sa paligid upang masiguradong walang ibang nakapansin sa kaniyang paglabas. Hindi siya maaaring mahuli ng kung sinuman dahil mahalaga ang araw na ito sa kaniya. Sa araw na ito dadaung ang isang barko lulan ang isang taong matagal na niyang hinihintay. Sinilip niya ang kakarampot na perang kaniyang naipon sa ilalim ng isang manipis na tela na ginawa niyang pitaka gayong pinagbuhol niya lamang ang mga dulo. Sampung pilak na piso rin ang kailangan niyang ibayad sa taong iyon kapalit ng isang bagay na matagal na niyang gustong makuha.
Karaniwang suot ng mga dalaga sa bayan ng Cavinti ang mga magagarang baro't saya na siyang nagbibigay ng kakaibang halina sa bawat babaeng sumusuot nito. Malayo sa itsura ni Agueda ang karaniwang ayos ng mga kababaihan. Imbes na makukulay at magagarang damit, isang simpleng camisa de chino na may guhit ng pulang mga linya at itim na salawal ang kaniyang suot. Itinali niya pa ang kaniyang mahabang buhok at ikinubli ito sa ilalim ng suot niyang salakot. Bitbit niya rin ang isang bayong sa kaliwang kamay.
Pitong taon na rin ang nakalipas nang mawala ang kaniyang ina. Tulad ng bilin nito, nagtungo siya sa kabilang bayan upang hanapin ang isang lalaking nagngangalang Esteban Ricarte na kalaunan ay napagtanto niyang isang matalik na kaibigan pala ng kanilang pamilya. Kinupkop siya nito, binihisan at inalagaan. Gamit ang kapangyarihan at kayamanan na taglay ng mga Ricarte, tinulungan siya nitong mabuhay gamit ang ibang pagkatao. Walang sinuman ang nakakaalam sa kaniyang tunay na katauhan maliban sa pamilyang kumupkop sa kaniya. Bilang proteksyon sa kaniyang sarili, nagpapanggap siyang isang binatang hardinero na naninilbihan sa mga Ricarte gamit ang pangalang Piyo.
Paminsan-minsan kapag siya ay lumalabas, nauulinigan niya ang masasamang balita tungkol sa karumal-dumal na sinapit ng kaniyang pamilya. Batid ng lahat nabura na sa mundo ang pangalang Iniquinto dahil sa kataksilan nito sa Espanya ngunit lingid sa kanilang kaalaman, isang batang babae ang nakaligtas sa trahedyang iyon.
Malalalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Agueda habang nilalakbay niya ang daan patungo sa plaza. Ilang taon na ang lumipas ngunit wala pa ring pinagbago ang Pilipinas. Nanatiling bulag ang mga tao sa mga karahasan at pananakop ng Espanya sa bansa. Bawat kalye na kaniyang natatanaw ay binabantayan ng mga guardia sibil. Isang malaking kahangalan nang sabihin ng Gobernador-Heneral na para ito sa proteksyon ng mga tao ngunit ang totoo niyan binabantayan nito ang mga galaw ng mga Pilipino upang maiwasan ang mga pag-aaklas laban sa pamumuno nito.
Hindi niya maintindihan kung bakit pumapayag ang mga taong nasa katungkulan na magpasakop sa mga dayuhan. Batid niyang walang sapat na lakas ang Pilipinas na ipagtanggol ang bayan ngunit anong silbi ng pagiging Pilipino kung ibang lahi naman ang may-ari ng Pilipinas. Isa pa, marahil imposible nga talagang mapalaya ang sariling bayan mula sa mga mananakop sapagkat may sakit ang mga Pilipino na hanggang ngayon ay patuloy na lumaganap, ang pagiging makasarili.
Napahinto si Agueda sa paglalakad nang dumaan sa kaniyang harapan ang isang kalesa. Sumagi sa kaniyang isipan ang masasayang alaala niya kasama ang kaniyang ina. Hindi na kailanman siya sumubok na sumakay nito mula nang magbago ang lahat sa kaniya dulot ng nangyari sa kanilang pamilya. Aaminin niyang hindi pa rin naghihilom ang mga sugat sa kaniyang puso. Tuwing gabi, madalas, bago siya mahimbing, ginugunita niya ang kahapong hindi na maibabalik.
Kung mayroon mang magandang naidulot ng lahat ng kaniyang pangungulila, 'yon ay lumaki siyang walang inaasahan na ibang taong magtatanggol sa kaniya. Nagawa niyang mabuhay nang walang inaabalang ibang tao. Wala siyang ibang mithiin ngayon kundi ang ipagpatuloy ang labang sinimulan ng kaniyang pamilya. Bagama't alam niya ang mapait na kinahihitnan nito ngunit nais niya pa ring subukang lumaban.
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Fiction HistoriqueAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...