Kabanata 29

75 15 0
                                    

MALAKAS ang kabog ng dibdib ni Simeon habang nilulublob ang hawak niyang malinis na tela sa palangganang puno ng mainit na tubig. Nanginginig ang kaniyang mga daliri sa labis na kaba habang pinagmamasdan ang babaeng nag-aagaw buhay sa kaniyang harapan. Sanay siyang nakakakita ng taong sugatan at duguan ngunit hindi niya gusto ang kaniyang nakikita ngayon. Ibang-iba ang itsura ng taong kaniyang kasama sa dalagang kilala niya.


Mabilis niyang dinampot ang kaniyang kagamitang gagamitin upang gamutin ang babae at isa-isa rin itong inilublob sa mainit na tubig upang siguraduhing ito'y malinis. Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at tinastas ang suot na pantalon ni Agueda.


Bumungad sa kaniya ang sugat nitong walang tigil sa pagdurugo. Kumapit pa ang malansa nitong likido sa kaniyang kama ngunit hindi na niya iyon pinansin pa. Agad niyang nilinis gamit ang kaniyang hawak na tela ang dugong kumalat sa binti nito at bahagyang diniinan upang sana'y patigilin ito sa pagdurugo ngunit napahinto si Simeon nang marinig ang sunud-sunod na daing ng babae.


Umangat ang kaniyang tingin sa dalaga. Nakasandal si Agueda sa ulunan ng kama at ang mukha nito'y puno na ng pawis habang iniinda ang tinamong sugat. Nakapikit lamang ito at kinakagat ang ibabang labi upang pigilan ang sariling sumigaw. Napansin iyon ni Simeon kung kaya't dumikwat siya ng panyo mula sa kaniyang aparador at binasa ito ng tubig. Lumapit siya kay Agueda at itinapat ang panyo sa bibig nito ngunit umiling ang babae at tumangging subuin ang tela.


"Kagatin mo ito," mahinang utos ni Simeon. "Tatanggalin ko ang balang bumaon sa iyong binti kaya't kakailangan mo ito."


Bahagyang idinilat ni Agueda ang kaniyang mga mata upang tingnan ang lalaking kasama. Mabibigat ang kaniyang mga talukap at unti-unting nanlalabo na ang kaniyang patingin. Wala na siya sa kaniyang sarili kaya't wala siyang tiwala sa kaniyang mga nakikita. Hindi sigurado kung totoo ba ang lalaking kaniyang kaharap o bahagi lamang ito ng kaniyang imahinasyon.


"Agueda, magtiwala ka lamang sa akin." muling kumbinsi ni Simeon.


Wala na siyang lakas pa upang makipagtalo rito kaya't dahan-dahang ibinuka na lamang niya ang kaniyang bibig upang sundin ito. Marahang ipinasok ni Simeon ang basang panyo sa bibig ni Agueda bago bumalik sa kaniyang ginagawa.


Kinuha niya mula sa palanggana ang isang malaking tiyani at ginamit ito upang kulikutin ang sugat ng dalaga.


Rinig na rinig niya ang mga ungol at pagtitiis nito sa sakit nang tuluyan niyang makuha ang balang bumaon sa binti nito. Inihulog ni Simeon ang maliit na piraso ng bakal sa tubig at tumunog pa ito nang tumama sa palanggana. Mabilis niyang nilinis ang sugat nito at binalot ng gasa upang hindi tuluyang magka-inpeksyon.


Ilang taon ring nanilbihan si Simeon sandatahan ng Espanya. Kaakibat na ng kaniyang pagiging sundalo ang mga natatamo niyang sugat sa digmaan. Natuto siyang alagaan ang kaniyang sarili ng hindi umasa sa iba kaya't kahit papaano'y may kaalaman rin siya pangggamot.


Nasa kalagitnaan ng paglilinis ng kaniyang mga kagamitan si Simeon nang makarinig siya ng sunud-sunod na katok sa kaniyang pinto. Mabilis niyang iniligpit ang nagkalat na mga tela sa lapag kasama ang sombrero, riple, bolo at iba pang mga gamit na pagmamay-ari ni Agueda sa ilalim ng kama tsaka ito tinakluban ng kumot.

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon