Kabanata 38

54 13 0
                                    

NAGSIMULA na ang kainan.


Inanyaya ang lahat ng mga dumalong panauhin na magtungo sa komedor ng mansion. Galak na galak ang karamihan sa mga ito nang makita ang mahabang mesa na puno ng iba't ibang putahe ng pagkain.


Ilang beses nang niyaya ni Pablo ang kaniyang kaibigan ngunit hindi pa rin ito natitinag sa kaniyang kinatatayuan. Pauli-ulit itong tumanggi sa kaniya at sinabing hindi pa ito nagugutom. Sa huli, mag-isang nagtungo ang mestizo sa komedor kasabay ang iba pang mga bisita upang kumuha ng pagkain.


Imbes na magtungo sa hapagkainan, pinili ni Simeon na magpaiwan sa salas. Nang masiguro niyang wala nang tao sa bulwagan, maingat niyang nilandas ang pasilyo patungo sa mahabang hagdan ng mansion.


Nagpalingon-lingon pa ito bago simulang pumanhik. Unti-unting humihina ang tugtugin mula sa orkestra habang papalayo siya sa bulwagan.


Mabilis niyang narating ang ikalawang palapag. Tulad ng unang beses niyang magawi rito, tahimik ang mga pasilyo. Ang mga tawanan, usapan at tugtugin sa ibaba ay hindi na niya halos marinig.


Maliwanag ang bawat sulok ng ikawalang palapag ng bahay na siyang nagmumula sa mga aranyang nakasabit sa kisame nito. Ilang mga nakasinding gasera rin ang kaniyang namataang nakalagay sa bawat haligi ng pasilyo.


Walang tao sa bahaging iyon kaya't hindi na siya nagdalawang-isip pa na tunguhin ang mga silid. Umalingawngaw ang bawat yapak ng kaniyang paa habang siya'y naglalakad. Una niyang tinungo ang kakaibang silid na nakita niya noong nakaraang araw.


Nakakandado pa rin ng tanikala ang pintuan nito. Itinapat niya ang kaniyang tenga rito ngunit wala rin siyang ibang naririnig maliban sa mga ingay nanggagaling sa ibaba.


Sinubukang buksan ni Simeon ang pintuan. Sinipa niya ito ng maka-ilang ulit ngunit hindi pa rin ito nagbubukas. Kinapa niya ang dala niyang baril sa likuran. Hindi siya maaaring magpaputok. Tiyak siyang mapapansin iyon ng mga tao lalo na ng mga guardia sibil na nagbabantay sa paligid ng mansion.


Sandaling nag-isip si Simeon ng paraan. Nilibot niya ang buong palapag upang maghanap ng bagay na maaari niyang magamit. Nasa dulo siya ng pasilyo nang mamataan niya ang isang imbakan ng mga kagamitang pang-hardin. Nakakita ang binata ng isang bolo, basahan, pala, kalaykay, at isang metrong haba na kinakalawang na bakal. Dagli niyang dinampot ang huli bagay na kaniyang nakita at muling bumalik sa silid.


Walang sabi-sabi niyang pinaghahampas ang kandado ng kadena na siyang gumawa naman ng malakas na ingay. Hindi tumigil si Simeon hanggang sa napansin niyang nayupi na ang kandado nito at mabilis niyang kinalas ang tanikala pumalibot rito.


Pagbukas niya ng pinto, kadiliman ang sumalubong sa kaniya. Wala siyang makitang kahit na anu o sinuman sa loob ng silid. Walang ilaw doon dahilan upang hindi niya makita ang buong lugar. Gayunpaman, nagtaka siya sapagkat kakaibang amoy ng silid. Amoy ng pinaghalong gamot at natuyong dugo ang paligid. Lumakas ang kaniyang pagtataka kung kaya't madali niyang dinikwat ang nakasabit na gasera malapit sa kaniya at inilawan ang silid.


Ganoon na lamang ang kaniyang pagkabigla nang maaninag niya ang isang babaeng nakaupo sa sahig at nakasandal sa hulihan ng kama.

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon