DAPIT-HAPON na nang magsimulang magkumpulan ang lahat ng mamamayan ng Cavinti sa plaza upang saksihan ang gagawing parusa sa pitong akusado. Kapansin-pansin ang pananahimik ng mga tao, pawang nagluluksa ang mga ito sa trahedyang sasapitin ng kanilang mga kababayan. Kita sa suot nilang purong itim na baro't saya at camisa de chino ang kanilang pakikisimpatya sa mga taong bihag ng dayuhan.
Ang kalyeng karaniwang puno ng mga babaeng nagkukwentuhan ay nakakapagtakang tahimik. Bagama't nag-uumpisa nang dumilim ang paligid, nakatulong ang nagkalat na sulo sa gilid ng daan at entablado ng plaza upang maaninag ng lahat ang mangyayari.
Puno ng guardia sibil ang bawat sulok ng lugar bitbit ang mga armas ng mga ito at maya't mayang ini-inspeksyon ang mga taong pumapasok sa plaza. Mahigpit ang kanilang pagbabantay at bawat kahina-hinalang indibidwal ay mabusising sinisiyasat upang mapatunayan ang kanilang pagkakakilanlan. Nahulaan na kaagad ni Agueda ang mangyayari kaya imbes na lumabas siya at magpanggap bilang Piyo, minabuti ng dalaga na magbihis-babae.
Suot ni Agueda ang isang pares ng baro't saya na iniregalo ni Esteban noong kaniyang ika-labing walong kaarawan. Ito ang unang pagkakataong lumabas siya ng mansion na ganito ang itsura. Ang kaniyang mahabang buhok na kadalasang nakatirintas ay hinayaang nakalugay ngayon. Bagama't naninibago siya sa palda at bakyang suot, pinilit niya ang kaniyang sarili na maglakad ng maayos.
Tiningnan niya ang katabing lalaki. Nakapamulsang naglalakad si Artemio, suot-suot ang paborito nitong terno at kurbata. Ilang mga kababaihan ang napapagawi ang mga mata sa kaniya na animo'y nahahalina sa mga simpleng pagsulyap ng binata. Humahagikgik pa ang mga ito at pilit na itinatago ang kanilang mga ngiti sa likod ng hawak nilang pamaypay.
Napailing si Agueda sa reaksyon ng mga binibini. Bagama't isang matipunong lalaki nga si Artemio ngunit kailanman ay hindi na lumagpas sa pagiging kaibigan ang kaniyang tingin rito. Isa pa, kilala niya ang lalaki. Alam niya ang pag-uugali nito.
Inilihis na lamang ni Agueda ang kaniyang atesyon sa nilalakaran. Natanaw niya si Ka Miyong sa 'di kalayuan, malaya itong nakapasok ng plaza bilang kilala na rin ang matanda ng lahat ng mamamayan sa bayan. Hindi na rin sila pinaghinalaan ng mga guardia sibil nang pumasok sila sa loob. Matunog ang pangalang Ricarte sa bayan kaya't hindi na sila inusisa pa ng mga tagabantay.
Agad na napuna ng dalaga ang ilang hukbo ng mga guardia sibil na nakatayo sa bawat sulok ng plaza. Hindi rin nakaligtas sa kaniyang mga mata ang pinuno ng mga ito na si Santiago na maya't mayang naglilibot sa lugar. Napangiti si Agueda nang hindi nga siya nagkamali sa kaniyang hinala. Sa dami ng mga guardia sibil na kaniyang nakikita, hindi malayong naghahanda ang mga ito kung sakali mang sumiklab ang isang labanan.
"Dito tayo," saad ni Artemio.
Natauhan ang dalaga nang hinila siya ng kasama sa isang sulok. Ilang metro lamang ang layo nila mula sa entablado kung saan naroon ang pitong garrote na siyang gagamitin sa mga akusado. Pinag-aralan ni Agueda ang paligid. Puno ng tao ang buong lugar. Bagama't tahimik ngunit ramdam na ramdam ng dalaga ang bigat ng loob ng mga ka-anak ng mga magsasaka.
Naglakbay ang mga mata ng dalaga sa gawing gilid. Sinalubong siya ng mga tingin ni Ka Miyong. Nakapuwesto ang matanda sa dulo, sapat lamang upang makita niya ang nangyayari. Isang tango ang kaniyang ibinigay rito.
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Ficção HistóricaAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...