Kabanata 49

51 10 0
                                    

TULALA lamang ang isang dalaga habang wala sa sariling nakatitig sa malamig na sahig ng selda. Namumugto ang mga mata nito dahil sa kakaiyak. Nanginginig rin ang kaniyang mga kamay dulot ng sakit na kaniyang iniinda sa katawan. Ang suot nitong damit ay halos mapuno na ng dugo mula sa kaniyang mga sugat. Hindi na siya nag-aalala sa kaniyang sarili. Naroon ang kaniyang puso't isip sa kalagayan ng matandang itinuri na niyang pamilya.


Sa tuwing iniisip ni Agueda kung ano ang maaaring nangyari dito ay pawang may sariling utak ang kaniyang mga luha sapagkat bigla-bigla na lamang itong tumutulo. Ayaw niyang isiping wala na ito. Kinukumbinsi niya ang kaniyang sarili na inilipat lamang ito sa ibang selda at ikinulong tulad nila. Ngunit, batid niya. Batid niya ang lahat. Alam niyong iyon na ang huli nilang pagkikita ni Miyong.


Tahimik lamang si Artemio habang nakatitig sa Jefe. Hindi na niya kayang tingnang naghihirap ito. Ang kaisa-isang babaeng iningatan niya ng lubos ay sinasaktan lamang ng iba. Nakikita niya ang panginginig ng mga daliri nito dahil sa tinamo nitong mga tadyak at suntok sa likuran at braso. Punit rin ang gilid ng labi ng dalaga at namamaga ang pisngi sa paulit-ulit na ginawang pagsampal rito ni Santiago. Hindi maiwasang sisihin ni Artemio ang kaniyang sarili. Sana ay ginawa niya ang lahat upang protektahan ito. Sana ay mas naging matapang siya upang ipagtanggol ang dalaga.


Kinakagat na lamang din ng kapitan ang kaniyang ibabang labi upang pigilan ang kaniyang hikbi. Hindi rin niya batid kong ano na ang kalagayan ni Ka Miyong ngayon. Ngunit, tahimik niyang ibinubulong sa hangin na nawa'y patawarin siya nito. Nawa'y naiintindihan siya nito kung bakit pinili niyang manahimik kanina. Masakit man ngunit nagpapasalamat siya sa ginawa nitong pagsasakripisyo para sa Jefe. Hindi niya kakayanin kung si Agueda ang mawawala. Ang babae na lamang ang natitira sa kaniya.


Iginalaw ni Artemio ang kaniyang kamay upang abutin ang nanginginig na mga daliri ng dalaga. Hinawakan niya ito ng dahan-dahan.


"Magiging maayos rin ang lahat." Sinubukan niyang ngumiti rito. "Nandito pa ako. Nandito pa ako, Agueda."


Hinang-hinang napatingin sa kaniya ang dalaga.


"Alam ko," bulong nito. "Alam ko Artemio. Nandito ka pa. Nandito pa rin ako. Tatagan natin ang ating mga sarili para sa isa't isa. Ngunit, mangako ka sa'kin. Ano man ang mangyari, wala kang gagawin, wala kang sasabihin. Hayaan na lamang natin ang mga dayuhan sa kung ano ang nais nilang gawin sa atin. Saktan man nila tayo. Durugin man nila ang ating katawan ngunit hindi nila masisira ang ating puso, ang ating pagmamahal sa bayan, ang ating mga pangarap. Pakiusap, itikom mo ang iyong bibig. Huwag mong ilagay sa panganib ang iyong sarili o ang ibang tao upang maligtas lamang ako."


"Agueda—"


"Ayoko nang magluksa para sa isa pang taong mamamatay dahil sa akin. Kung ang aking tadhana ay kamatayan, hindi ako magagalit kung matatanggap ko iyon ng mas maaga kaysa sa iba. Doon rin naman tayo papunta."


"Huwag kang magsasalita ng ganyan sapagkat ni sa aking guni-guni ay hindi ko iyan iniisip. Hangga't kaya kitang protektahan, gagawin ko iyon."


Napangiti si Agueda. Hindi siya makapaniwalaang sa kaniyang mga naririnig ngayon. Hindi pa rin ito nagbabago.

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon