TAKIPSILIM na nang magtungo si Manuel sa bundok papunta sa kanilang pangalawang kuta. Mag-isang binabagtas ng binatilyo ang makitid na daan na puno ng mga kumakalat na halaman na siyang karaniwang nakikita lamang sa mga gubat. Hindi niya alintana ang lamig na sumasalubong sa kaniya at ang liwanag na unti-unting nilalamon ng dilim.
Dalawang beses sa isang linggo lamang siyang bumibisita sa kanilang kuta upang iulat sa kilusan ang kaniyang mga nakita at narinig. Sa panaderya siya tumutuloy kaya't humahanap lamang siya ng pagkakataon upang makaalis nang hindi namamalayan ni Lucia. Umaalis siya tuwing hatinggabi kung kailan naiidlip na ang lahat at bumabalik rin pagsapit ng umaga liban na lamang sa araw na ito. Masama ang pakiramdam ng ginang dahil sa kaguluhan kanina kaya't napilitan itong isara nang maaga ang panaderya. Kapansin-pansin ring naging mahinahon ang pakikitungo sa kaniya ng babae. Binigyan pa siya nito ng tirang tinapay na dalawang araw na lang ay aamagin na.
Anu't ano pa man, naninibago siya sa pakikitungo nito sa kaniya. Nagtataka si Manuel kung saan nanggagaling ang kabutihang-loob ng babae.
Sumulyap siya sa hawak niyang isang supot ng tinapay. Tiyak siyang matutuwa si Jose kapag nakita niya ito. Batid niyang ni minsan sa buhay ng kaibigan, hindi pa ito nakakatikim ng tinapay. Lumaki sila sa bundok kaya't kamote at ibang halamang ugat ang karaniwang laman ng kanilang hapag. May dala siyang pasalubong at maaga siyang nakabisita sa kuta, hindi niya alam kung ipagpapasalamat niya ba ang gulong nangyari kanina.
Paminsan-minsan, nagsasalitan sila ni Mateo sa pag-akyat panaog sa bundok. Bilang pag-iingat, hindi sila maaaring magtungo ng magkasama. Nararapat lamang na may maiwan sa palengke at bayan upang maging tenga at mata kapag wala ang isa.
Hawak ang isang maliit na sanga ng kahoy na napulot niya sa kung saan, tumataghoy ang binatilyo na pawang sumasabay sa sipol ng hangin. Sanay na si Manuel sa bundok kaya't bagama't nagdidilim na, hind man lang siya nakakaramdam ng kakaunting takot sa dibdib. Ito marahil ang isa sa mga pribilihiyo ng pagiging anak ng isang magsasaka.
Ganap nang lumabas ang buwan nang mapadaan ang binatilyo sa Salig, ang kanilang unang kuta. Naririnig niya lamang ang usapan tungkol rito ngunit hindi pa siya nakakabisita sa loob.
Mula sa malayo, isang bahay na gawa sa kahoy ang kaniyang namataan. Napapaligiran ito ng mga lampara sa bawat sulok upang magsilbing ilaw sa labas. Nahuli ng kaniyang mga tingin ang isang batang naglalaro ng isang bolang gawa sa dayami at isang babae na sa kaniyang sapantaha ay ina nito. Hindi siya pamilyar kaya't marahil ay bago lang din ang mga ito sa kilusan.
Akmang aalis na sana siya upang ipagpatuloy ang kaniyang paglalakbay nang maramdaman niya ang isang malamig na bakal na dumantay sa kaniyang batok. Natuod si Manuel sa kaniyang kinatatayuan at halos higitin niya ang kaniyang paghinga nang makita sa gumuhit nilang anino ang hawak na bagay ng taong nasa likuran niya. Batid niyang isang baril iyon.
Dahan-dahang itinaas ni Manuel ang dalawa niyang kamay sa ere bilang tanda ng pagsuko.
"Anong ginagawa mo rito sa bundok?" Isang manipis na tinig ang biglang nagsalita. "Espiya ka ba?"
"Hindi," sagot niya. "Huwag kang magkakamaling iputok iyang baril mo. Hayaan mo akong magpaliwanag."
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...